John Lapus files libel complaint against Jobert Sucaldito

John "Sweet" Lapus brings his personal battle against showbiz columnist and radio host Jobert Sucaldito to the legal arena by filing a libel suit against the latter earlier today, March 7, at the office of Quezon City Assistant Prosecutor Romana Lindayag-Del Rosario.


Pormal nang nagsampa ng demanda kaninang hapon, March 7, ang comedian-TV host na si John "Sweet" Lapus laban sa entertainment columnist at radio host na si Jobert Sucaldito.

Inihain ni Sweet at ng kanyang abogado na si Atty. Rebelinda Narsolis ang reklamong libel sa tanggapan ni Quezon City Assistant Prosecutor Romana Lindayag-Del Rosario.

Eksaktong alas-dos ng hapon nang dumating si Sweet sa Hall of Justice na matatagpuan sa loob ng compound ng Quezon City Hall.

Agad dumiretso ang Showbiz Central host sa opisina ni Del Rosario at doon ay ipinasa niya ang mga kaukulang dokumento na nagsasaad ng kanyang panig at reklamo sa aniya'y malisyosong artikulo na isinulat ni Jobert laban sa kanya.

Kasama rin sa demanda ang entertainment editor ng pahayagang Bandera na si Ervin Santiago at ang publisher nito na si Eileen G. Mangubat.

Matatandaang nagsimula ang kontrobersiya matapos lumabas sa February 19 issue ng Bandera ang artikulo ni Jobert na nagsasabing nagwala diumano sa The Library Comedy Bar & Restaurant sa Malate ang lasing na Sweet. (CLICK HERE to read related article.)

Muntik pa raw magkaroon ng hampasan ng bote sa loob ng bar matapos na mapikon ang isang lalaking customer na kinukulit diumano ni Sweet.

FIGHT TO THE FINISH. Sa panayam kay Sweet ng PEP (Philippine Entertainment Portal) at Showbiz Central, sinabi niya na walang pag-uusap na namagitan sa kanya at sa kabilang kampo noong panaong inihahanda pa nila ang demanda.

"Wala namang nakipagusap sa amin. Hanggang feelers lang. Yung editor-in-chief ng entertainment page, through another reporter lang, pero wala namang tumawag o nag-follow-up.

"And kay Mr. Sucaldito naman, sinabi ko naman to begin with na itutuloy ko ito and I will fight this to the finish," seryosong pahayag ni Sweet.

Magkano naman ang hinihingi niyang danyos sakaling mapatunayan ng korte na nagkamali si Jobert sa kanyang isinulat?

"Since this is a criminal case, kulong ang usually na hinihingi dito—so, yun. Tungkol naman sa damages, we will be filing another case, yung civil case naman against Sucaldito. Iba namang kaso 'yon, so 'yon naman yung may damages," sagot ni Sweet.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

Nauna nang sinabi ni Jobert na handa siyang patunayan na may katotohanan ang kanyang inilathala sa pamamagitan ng isang audio recording na kinunan habang nagaganap ang mga eksenang inilarawan niya sa artikulo.

Balak ng kampo ni Sweet na gawing basehan ang sinasabing audio recording sa pagsasampa ng hiwalay na reklamo laban kay Jobert.

Paliwanag ni Sweet: "It's also a separate case na malamang i-file namin sa Manila naman dahil dun naganap. So far, yung nag-record na lalaki, hindi muna namin siya kakasuhan dahil hindi naman siya nagsasalita to begin with. Binabanggit lang siya ni Mr. Sucaldito.

"Pero ang plano namin, yung Anti-Wiretapping Law ang ikakaso namin sa kanila, possession of it, and distribution. So, dalawang kaso yun kasi may hawak ka nun and dinistribute mo pa."

Naniniwala naman si Atty. Rebelinda na malakas ang laban nila kung ang kasong libelo lang ang pag-uusapan.

"Unang-una, na-discredit talaga siya [Sweet] at lahat naman ng nakalagay dun, yung mga terminologies na ginamit, e kahit sinong makabasa na hindi siya kilala, aakalain 'yon ay totoong nangyari at nakakasira 'yon sa kanyang reputasyon," sabi ng abugado.

SUPPORTIVE FRIENDS. Ayaw magsalita ng tapos ni Sweet nang tanungin kung wala na ba talagang pag-asa na magkaayos pa sila ni Jobert.

"I'll cross the bridge when I get there," sabi niya.

"But so far talagang wala, e. Minu-monitor namin ang sagot niya sa kanyang artikulo and even sa kanyang radio program sa DZMM, e, parang matapang at dine-dare naman niya ako. Hinamon niya ako na ituloy ko ang demanda against him at ito na, tinatanggap ko ang hamon."

Nagpapasalamat naman si Sweet sa suporta na ibinibigay sa kanya ng kanyang pamilya at mga kaibigan sa loob at labas ng showbiz.

"Believe it or not, even my friends from the Kapamilya network are supporting me all the way. Kaya ko nga nakuha ang address ni Mr. Sucaldito at ang tunay niyang pangalan and everything.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

"Siyempre, my GMA family is backing me up and supporting me all the way. And even my Star Magic family, nagbigay na sila ng abiso that they will support me. Alam kasi nila na tama at ako ang nasa lugar kaya din siguro lumakas ang loob ko na ituloy ang kasong ito at tapusin ito to the finish."

Muli ay iginiit ni Sweet na ang pagsasampa niya ng demanda laban kay Jobert ay para linisin ang kanyang pangalan at para matigil na rin daw ang mga paninira nito laban sa kanya.

"Parang every year or twice a year, meron yata siyang panlalait na ginagawa sa akin. Umabot na ako sa lahat na naisip ko dahil wala talaga akong idea, dahil alam naman nating lahat na wala naman kaming personal na away.

"Wala akong ginawa sa kanya para masaktan ang kanyang damdamin or any member of his family, di ba? Naiinggit ba siya sa ganda ko? Minsan iniisip ko baka may nag-uutos na isang tao na may sama ng loob sa akin na ayaw madungisan ang kanyang kamay at siguro si Mr. Sucaldito ang inuutusan.

"To be honest, hindi ko talaga alam, kaya nagdemanda na lang ako para matapos na ang lahat," pahayag ni Sweet.


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN