Cristine Reyes on Rayver Cruz: "Masaya ako dahil may isang taong ipinagmamalaki ako."

"Ayaw ko na ring palakihin. Kahit kasi anong gawin kong paliwanag at kahit anong sabihin ko, hindi na rin nila paniniwalaan," says Cristine Reyes about her feud with Sarah Geronimo.


Itinanggi ni Cristine Reyes ang usap-usapan na kaya hindi na raw siya nagre-report sa ASAP Rocks ay iniiwasan niyang magkita sila ni Sarah Geronimo pagkatapos lumabas ang interviews nila sa YES! magazine.

Si Sarah ang ex-girlfriend ni Rayver Cruz, na boyfriend naman ngayon ni Cristine.

Paliwanag ni Cristine, "Hindi ako naka-attend kanina dahil may shooting nga kami. Last shooting day na kasi namin ngayon. Okey lang naman sa akin kung magkita man kami sa studio."

Ang pelikulang tinutukoy ni Cristine ay Tumbok, isang horror film na idinidirek ni Topel Lee. Sa shooting ng pelikula sa isang abandoned building sa Escolta, Manila noong Linggo, March 6, nakausap ng PEP (Philippine Entertainment Portal) at iba pang press si Cristine.

Ayon pa sa sexy actress, patuloy pa rin siyang nakakatanggap ng hate mails mula sa fans ni Sarah dahil sa away nila. Kaya sinabihan na raw siya ng ate niyang si Ara Mina na tumigil na sa pagtu-tweet ng kung anu-ano. Pero bakit may lumabas na nag-tweet na naman daw siya ng hindi maganda kay Sarah?

"Hindi na ako nag-tweet," tanggi ni Cristine. "Ayaw ko na ring palakihin. Kahit kasi anong gawin kong paliwanag at kahit anong sabihin ko, hindi na rin nila paniniwalaan."

RAYVER CRUZ. Ang mahalaga raw kay Cristine ngayon ay masaya siya sa boyfriend niyang si Rayver.

"Masaya ako dahil may isang taong ipinagmamalaki ako," sambit niya.

Hindi ba niya ito naramdaman kay Dennis Trillo noong sila ang magkarelasyon?

"Naramdaman ko naman 'yon sa kanya, pero hindi lang talaga nag-work ang relasyon namin," sagot ng 22-year-old actress.

Kapag magkasama ba sila ni Rayver napag-uusapan nila sina Dennis at Sarah?

"Hindi po, hindi namin pinag-uusapan. Gusto ko happy ending ang relasyon namin."

Si Rayver na ba talaga ang gusto niyang makatuluyan? Kaya ba niyang i-sacrifice ang career niya para sa kanilang relasyon ni Rayver?

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

"Sana nga siya na," sambit ni Cristine. "Pero hindi naman dapat i-sacrifice ang career sa love, nasa pag-uusap namin 'yon.

"Si Rayver, hindi siya nakikialam sa career ko, ganoon din ako sa kanya. Pareho kaming artista at alam namin kung ano ang trabaho namin."

TUMBOK. Bagamat nakagawa na noon ng horror films si Cristine, tinuturing niya ang Tumbok bilang first starring role niya.

Kumusta ang working relationship nila ni Carlo Aquino na first time niyang nakatrabaho?

"Halos hindi mo siya maririnig kapag nasa set, tahimik siya, pero minsan makulit din. May pagka-moody rin siya, na hindi naman talaga mawawala sa mga artistang tulad namin," sabi ni Cristine.

Sabi ni Carlo, "malambot" daw ang lips ni Cristine sa kissing scene at love scene nila. Si Cristine ba ay may naramdaman din sa kanilang mga eksenang ganoon?

"Lahat naman ng lips malalambot," ngiti niya. "Wala naman kaming mararamdaman. Ang dami naming kasama sa set, mahirap pong may maramdaman ka. Umaakting lang kami ni Carlo. Mahusay po ang leading man ko."

May bathtub scene din daw si Cristine sa movie, pero hindi na siya nagdetalye sa eksenang 'yon.

Wala ba siyang naramdaman na may iba silang "kasama" habang nagsu-shooting ng pelikula?

"Wala naman," sagot ni Cristine.

"Siguro mahirap lapitan ng multo kapag magulo ang lugar. Kasi ang dami namin dito. Nandito kaming lahat sa shooting dahil hindi kami umaalis dito once na nakaakyat na kami dito sa 4th floor. May elevator man dito, pero pinahihinto muna ni Direk kapag nagsu-shooting na kami."

Ito ba ang dahilan kung bakit kanta siya nang kanta sa set, ayon kay Carlo?

"Actually, hindi ako kumakanta, nambubulabog ako!" natatawang sabi ni Cristine. "Kung minsan nga, nakikita kong nagsasara na ng tent niya si Carlo. Hindi naman ako magandang kumanta."

Kumusta naman si Topel Lee na first time niyang naging director?

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

"Relax lang siyang magdirek, napaka-cool niya. Halos hindi mo maririnig ang boses niya kaya very comfortable pong makatrabaho siya.

"Binigyan nga po ako ni direk ng CD ng rushes ng mga natapos na eksena at proud po ako kapag napanood na ng mga mahihilig sa horror movie ang pelikula namin," sabi niya.

NEXT TELESERYE. After ng sexy-drama niyang Kristine, ano ang susunod na project ni Cristine sa ABS-CBN?

"Hindi ko alam kung dapat ko nang sabihin, pero may bago po akong sisimulang teleserye sa ABS-CBN. Baka po mga May or June ito ipalalabas. Hindi ko pa rin puwedeng sabihin kung sinu-sino ang makakasama ko," sabi niya.


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN