'50s matinee idol and legendary actor Armando Goyena dies at age 88

Legendary actor and 1950s matinee idol Armando Goyena died today at age 88. Armando, best known for his role as Kapitan Kidlat in the 1953 movie with the same title, was the grandfather of actors Bernard and Mico Palanca and models-TV personalities Bianca Araneta-Elizalde and Lexi Schulze.


Pumanaw na ang legendary actor at 1950s matinee idol na si Armando Goyena kanina bandang tanghali, Marso 9, sa edad na 88.

Si Armando ay lolo ng dating The Hunks member at aktor na si Bernard Palanca at ng kapatid nitong si Mico Palanca. Apo rin ni Armando ang mga model at TV personalities na sina Bianca Araneta at Lexi Schulze.

Ipinanganak noong December 7, 1922, sa mga magulang na sina Jose Revilla Sr. at Florentina Goyena, maagang naipatong sa mga balikat ni Armando—o Jose "Pinggoy" Revilla Jr. sa tunay na buhay—ang responsibilidad ng pagtataguyod sa kanyang mga dalawang kapatid at pag-alalay sa kanyang ina, nang masawi sa mga huling araw ng World War II ang kanyang ama.

CONVINCED TO ACT. Sa isang coffee shop na pinasukan niya, nakilala ni Jose ang playwright na si Wilfrido Ma. Guerrero na siyang kumumbinsi sa kanya na subukan ang pag-arte sa teatro. Di kalaunan ay nakilala si Jose dahil sa character niyang si Tony Javier sa Nick Joaquin play na Portrait of the Artist as Filipino.

Nang pumanaw ang ina niya noong 1947 ay naging solo na niyang responsibilidad ang kanyang mga kapatid. Dahil dito ay kinailangan niya ng mas malaking pagkukunan ng kita kaya't naisipan niyang mag-apply na artista sa kaibigan ng kanyang ina na si Doña Narcisa B. de Leon, o mas kilala bilang Doña Sisang ng LVN Pictures. Hindi siya tinanggap agad ni Doña Sisang at sinabihan na maghintay na lang ng tawag.

Taong 1948, habang hinihintay ang promotion niya bilang manager ng isang department store, ay dumating ng tawag ni Doña Sisang at isinama siya bilang support kay Leopoldo Salcedo sa Puting Bantayog. Dito sila unang pinagsama ng nakapareha niya sa maraming LVN movies na si Tessie Quintana.

Hiningan siya ni Doña Sisang ng screen name at agad na ibinigay ni Jose ang pangalang Armando Goyena—Armando mula sa pangalan ng isang pinsan niya at Goyena mula sa apelyido ng kanyang ina.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

Makalipas na lumabas sa tatlo pang pelikula kunsaan support pa rin sa lead actors na sina Jose Padilla, Rogelio dela Rosa, at Jaime dela Rosa, nabigyan na ng unang lead role si Armando kapareha si Tessie Quintana sa pelikulang Pagtutuus (1950).

Ang pelikulang Tia Loleng (1952) naman ang unang box-office hit ni Armando. Ginampanan niya rito ang papel ng isang lalaking kailangang magpanggap na babae para makalapit sa babaeng iniibig niya, na ginampanan ni Tessie.

CAPTAIN MARVEL, PINOY VERSION. Nakilala rin nang husto si Armando nang gawin niya ang Kapitan Kidlat (1953), ang movie version ng isang radio drama noong taong yun at Pinoy version ng superhero na si Captain Marvel ng Amerika.

Taong 1957 nang tumigil muna siya sa pag-aartista upang i-manage ang ipinatayo niyang restaurant sa Makati.

Lumabas mula sa retirement si Armando noong 1992 nang mapasama siya sa pelikulang Mahal Kita Walang Iba nina Kris Aquino at Christopher de Leon, at gumanap din siya bilang ABS-CBN founder na Don Eugenio Lopez sa biopic na Eskapo noong 1995.

Nanalo siyang FAMAS best actor sa pelikulang Yamashita: The Tiger's Treasure (2001) at naging huling pelikula niya ang Jolina Magdangal-starrer na Annie B. noong 2004.

FATHER OF BEAUTIES. Itinuturing din ang pamilya ni Armando bilang isa sa "most beautiful families in showbiz" dahil sa pagkakaroon ng mga naggagandahang anak. Tatlo rito ay pumasok sa showbiz habang nagmodelo naman panandali ang ilan.

Ikinasal si Armando noong 1951 sa model-actress na si Francisca "Paquita" Roses na siyang unang "Camay Girl." Isang kilalang sabon noong 1950s ang Camay.

Nagkaroon sila ng walong anak, tatlo rito ang pumasok sa showbiz: Maritess (dating leading lady ni Fernando Poe Jr. at ina ng model-VJ na si Bianca Araneta), Tina (naging artista rin at sumikat na TV host at commercial model), Ces, Pita (dating model at ina nina Bernard at Mico Palanca), Rossi, Malu, Cita, at Johnny (TV host at asawa ng singer na si Janet Basco).

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

Magsisimula ang burol para sa yumaong aktor sa Santuario de San Antonio sa Forbes Park mamayang alas-otso ng gabi, March 9, at magkakaroon muna ng memorial mass sa Sabado, March 12, bago i-cremate ang kanyang labi.


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN