Sugar Mercado on SexBomb's guest appearance in Happy, Yipee, Yehey!: "Kung ako yun, hindi ako tatapat. Respeto lang at utang na loob."

"Lalo, malalaman mo kung sino yung mga totoo mong kaibigan no'ng mawalan ka na. Tapos, no'ng biglang lumitaw ka na naman, nandiyan na naman sila. Alam mo 'yan, di ba?" says Sugar Mercado about her life after Eat Bulaga!.


Mag-iisang buwan na mula nang maging miyembro ng TV5 variety program na Willing Willie ang dating SexBomb member na si Sugar Mercado.

Maituturing na pangalawang opportunidad na ito ni Sugar mula nang mawala siya sa Eat Bulaga! ng TAPE Inc. at GMA-7.

Sa interview ng PEP (Philippine Entertainment Portal) kay Sugar, masayang nagbalik-tanaw ang dancer turned commedienne kung paano siya nagsimula sa Willing Willie, na hinu-host ni Willie Revillame.

"February 14 no'ng nag-start ako sa show," simula niya. "Nagsimula ako trial muna, then after no'n, maganda ang feedback, nag-one week ako.

"Di ba, yung mga guest co-host, isang linggo lang? Tapos, nag-two weeks. Then, sinabi sa akin na kasama na raw ako sa Davao.

"Then, no'ng nag-meeting one time, sabi ni Kuya Willie, 'O, gastusan mo na yung mga damit mo, co-host ka na,' ganyan-ganyan.

"Niloloko niya na ako na para na akong si Mariel [Rodriguez], 'Echos-echos! Ganyan-ganyan!" Si Mariel ang dating co-host ni Willie sa dati nitong noontime show sa ABS-CBN na Wowowee.

HOW IT ALL BEGAN. Dahil sa pagge-guest ni Sugar sa Willing Willie, napansin siya ni Willie.

Kuwento niya, "No'ng mag-guest ako, kinuha ako ni Mama Weyie, yung talent coordinator ng Willing Willie. Siyempre, super-close-close-an, ganyan-ganyan. Siya na ang RM [road manager] ko.

"Opening lang kami that time, kasama ko yung mga SexBomb na nawala. E, may segment pala doon na kanya-kanya, na kampi-kampi kayong tatlo. Sabi ko, 'Nay Weyie, may mga artist ba kayo diyan? Puwede ba kami diyan para makaraket naman kami?' Sabi niya, 'Ay, meron na sila. Hindi na puwede.'

"Maya-maya, biglang tumawag. Sabi niya, 'Nagdilang-anghel ka, wala yung maglalaro, kayo na ang maglalaro.'

"Tapos, doon na nagsimula, natuwa sa akin si Kuya Willie. Sabi niya, 'Magaling 'to, may manager ka ba?' Tinatanong niya. Sabi ko, 'Wala akong manager.' Tanong niya, 'Okey ba sa iyo?' Sabi ko, 'Opo, kahit walang bayad, okey lang.'

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

"Natuwa siya sa akin dahil sobrang natural ko raw. And no'ng araw ring 'yon, nag-meeting kami kasama sina Boss Vic del Rosario. Lahat, nandoon kami, super meeting ang mga boss, pak!

"Ako naman, relax lang. Hindi naman ako masyadong umaasa kasi hindi naman natin alam kung matutuloy, di ba? Siguro pinagaaralan pa. Panget naman kung papasok akong bigla. Inayos talaga kung saan at paano ako papasok.

"After no'n, isasama ako kay Ate Shalani [Soledad] para maganda yung tandem. Mahinhin si Ate Shalani at ako ay makulit, para may contrast."

SECOND CHANCE. "Pero after no'n, hindi kami natuloy," patuloy ni Sugar. "So, parang nanghihinayang ako kasi nga, siyempre, magandang opportunity yun na mapasama ako sa bonggang show ni Kuya Willie.

"Pero nagdasal ako na 'Kung ito ay para sa akin, ibigay N'yo po ito sa akin. Kung hindi ito para sa akin, tatanggapin ko po ito nang bung-buo.' Kasi, nag-stop na rin ako sa Zirkoh [as sing-along host].

"Dumaan yung one week, two weeks, one month... Kinukuha na naman akong mag-guest. So, nag-guest ako. Super hataw ako kasi magbibigay ng P1,000 si Kuya Will. Gipit talaga ako.

"No'ng time na yun, yung sundo ko, wala pa. Sabi ko, 'Ano ba 'yan, hindi ako binigyan ni Kuya Willie ng one thousand!'

"Wala na talaga sa akin yung magiging host ako, tinanggap ko na lang pa-guest-guest na lang ako at natutuwa siya sa akin. Alam mo naman na kapag si Kuya Willie natuwa siya sa iyo, okey na yun kahit gano'n-gano'n lang mabigyan lang ng datung.

"Paglabas ko, nakasalubong ko siya, sakto! Talagang pinag-adya ng Diyos na magkita kami. Biniro ko lang siya ng, 'Kuya, nasaan yung one thousand ko? Galing-galing ko nag-performance level ako sa pagsayaw para sa one thousand!' Ate Gay?" tawa niya.

Dagdag ni Sugar, "Sabi niya, 'O, nandito ka pala, paghu-hosting kita!' Ipinasok niya ako. Saturday no'ng araw na 'yon, February 12, tandang-tanda ko pa talaga. Nag-meeting kami. Sabi niya, 'Sige, try ka muna, pasok ka sa Monday.' No'ng una, napaiyak talaga ako. Hindi ako makapaniwala!"

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

LIFE AFTER EAT BULAGA! Paano niya na-survive yung pang-araw-araw niyang buhay nang mawala siya sa Eat Bulaga! at bago siya napasok sa Willing Willie? Saan siya kumukuha ng perang pangsuporta sa mga pangangailangan niya?

"Sa Klownz and Zirkoh," sagot ni Sugar. "Tapos, si Bossing [Vic Sotto], nandiyan pa rin. Lahat ng sitcom niya, isinasama niya ako kaya hindi naman ako nawalan, in fairness.

"Tapos, yung Klownz and Zirkoh ko, every night nandoon ako kaya doon din ako nahasa. Alam mo na, Allan K yung tumulong sa akin.

"Saka always, hindi ko inalis sa akin na dapat kasama mo lagi ang Diyos sa buong buhay mo. Walang ibang tutulong sa iyo, kahit kaibigan mo. Pamilya lang at ang Diyos ang lagi mong karamay.

"Lalo, malalaman mo kung sino yung mga totoo mong kaibigan no'ng mawalan ka na. Tapos, no'ng biglang lumitaw ka na naman, nandiyan na naman sila. Alam mo 'yan, di ba?

"Pero masaya ako kasi nandoon yung feeling na alam mo kung sino yung ano sa iyo o hindi. Hindi ko naman sinasabing masasama sila dahil nagkaroon ka ng experience sa kanila.

"Ang maipagmamalaki ko lang sa kanila, hindi ako naging masamang tao sa kanila. Kung ano ako sa kanila, gano'n pa rin naman ako sa kanila hanggang ngayon. Pero may limitasyon na. Hindi na gaya ng dati."

SUGAR & SPICE. Ngayong kasali na siya sa Willing Willie, hindi ba siya natatakot na baka matsismis kay Willie?

"Ay, hindi po! Ang level ni Kuya, alam mo na, di ba?" sabi ni Sugar.

Isa pa, may boyfriend daw ngayon ang dancer-comedienne.

"Eto na, sasabihin ko na, boyfriend ko lang ang pinayagan niyang sumama sa akin sa Tagaytay! O, huwag silang umaarte! Hindi nila ako mapagbibintangan.

"Mabait talaga si Kuya Willie. At kung alam n'yo lang, loyal siya!" proud na sabi ni Sugar.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

Nakilala na raw ni Willie ang kasintahan ni Sugar na isang Chinese-Filipino.

Nililinaw naman ni Sugar na hindi DOM—o dirty old man—ang boyfriend niya.

"Hoy, ha! Magkasing-edad lang kami. At napakabait niya, supportive. At ang pamilya, in fairness, gustung-gusto ako. Kaya masaya ang lola mo sa lovelife. Mabait na ang dyowa, may 'itsura pa, 'no!" diin niya.

Itinanggi ni Sugar na ang nasabing boyfriend niya ang tumutulong sa kanya para mabayaran nang buo ang kanyang condo unit.

"Hindi naman ako gano'n, 'teh! Iginapang ko talaga nang bonggang-bongga yung pagbabayad ng condo ko.

"Napakabait no'ng boyfriend ko, hindi ko naman magagawa yung gano'n. Yun ang rason kung bakit maayos yung relasyon namin kasi walang gano'n, though nagreregalo siya pero walang demand.

"Hay naku, pag nakausap mo yun, masasabi mong ibang klase siya. Hindi siya yung sinasabi ng ibang Chinese na ganito-ganyan. Ang layo!" pagmamalaki niya sa mga katangian ng kasintahan.

SEXBOMB IN HAPPY, YIPEE, YEHEY! Samantala, may comment din si Sugar sa pinag-usapang paglipat ng manager ng SexmBomb Girls na si Joy Cancio sa katapat na programa ng Eat Bulaga!, ang Happy, Yipee, Yehey!.

"May kanya-kanya tayong opinion," sabi niya. "Kasi si Ate Joy, baka may reason siya kung bakit. Sabi naman ni Tito Joey de Leon, hindi nga raw siya nakapagpaalam na doon pala sa katapat na lilipat.

"Sa Eat Bulaga!, wala rin naman akong masasabi kung ano ang desisyon nila dahil may kanya-kanya tayong desisyon sa buhay.

"Ako lang, sa akin, tanaw lang ng utang na loob kung saan ka nanggaling at respeto. Kung anuman yun sa kanila, sa kanila na lang yun."

Nagulat ba siya sa paglipat ni Joy at sa pagkakatanggal ng SexBomb sa Eat Bulaga!?

"Sobrang nagulat ako. Naloka ako!" bulalas ni Sugar.

"Sabi ko nga, may kanya-kanyang dahilan ang tao kung bakit sila nakakapagdesisyon sa buhay nila. Pero kung ako lang, hindi SexBomb or si Ate Joy or kahit na sino... Ipagdiinan ko lang, ha. Kung ako yun, hindi ako tatapat. Respeto lang at utang na loob."

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN