Parents of Willing Willie child contestant: "Proud kami kay Jan-Jan."

Willie Revillame's lawyer Atty. Leonardo "Nards" de Vera (left) and Willing Willie's Business Unit Head Jay Montelibano (right) distributed to the press copies of the sworn affidavits from Jan-Jan Suan's immediate relatives.

One affidavit, given by Jan-Jan's parents, Joe and Diana Suan, said they encouraged Jan-Jan to show off his dancing talent during the March 12 episode of Willing Willie.


Kahapon, April 2, ay nagpatawag ng isang press conference ang kampo ni Willie Revillame para magpaliwanag kaugnay sa patuloy na lumalaking kontrobersiya na nag-ugat sa isang episode ng TV5 primetime variety-game show na Willing Willie. (CLICK HERE to read related article.)

Humarap sa media ang business unit head ng programa na si Jay Montelibano at ang abogado ni Willie na si Atty. Leonardo "Nards" de Vera, para magkatuwang na sagutin ang mga ibinabatong akusasyon laban sa Willing Willie.

Kasalukuyang inuulan ng batikos ang Willing Willie mula sa iba't-ibang kampo matapos na kumalat sa Internet ang video clip mula sa March 12 episode nito, na kung saan nagsayaw ng isang "sexy" dance number ang isang batang kalahok na nagngangalang Jan-Jan Suan. (CLICK HERE to read related article.)

May usap-usapan na dadalo ang anim na taong gulang na si Jan-Jan, kasama ang mga magulang nito, sa press conference na ginanap kahapon sa Annabel's restaurant sa Tomas Morato, Quezon City.

Ngunit sinabi ni Jay Montelibano na may sakit na pneumonia si Jan-Jan at nagpapahinga sa ospital. Naka-confine rin daw sa pagamutan ang ama nito na si Joe Suan dahil naman sa kondisyon nito na may koneksiyon sa sakit na diabetes.

Magkatulong raw na sinasagot ng Wil Productions at TV5 ang gastusin sa pagpapagamot ng mag-ama.

"TV5 is helping us with that," sabi ni Jay.

"Kami, we're looking at the education of Jan-Jan. At the end of the day, sabi ko nga, 'yong parents ang hinangad lang naman nila is makaahon at tsaka makatulong sa mga kids. So we're gonna be helping them out in terms of education," dagdag niya.

PARENTS' AFFIDAVIT. Hindi man personal na humarap sa mga reporters ang mga magulang ni Jan-Jan ay inilabas naman ni Atty. de Vera ang nilagdaang affidavit ng mag-asawa na naglalaman ng kanilang personal na salaysay patungkol sa kontrobersiyal na insidente.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

Ayon kay Atty. de Vera, layunin ng affidavit na ipakita at ipaliwanag sa publiko o kung sinuman ang nagnanais na imbestigahan ang nangyari na hindi pinilit ng programa si Jan-Jan na gawin ang ipinakita niyang istilo ng pagsasayaw sa March 12 episode ng Willing Willie.

Ang sinumpaang salaysay daw ng mag-asawang Suan ang magpapatotoo sa katwiran ng programa na hindi galing sa kampo nila ang ideya na sumayaw ng "sexy" ang batang contestant.

Maging si Willie nga raw ay hindi alam kung ano ang dance step na gagawin ni Jan-Jan sa harap ng kamera.

Ang affidavit na naglalaman ng salaysay ay pirmado nina Joe at Diana Suan. Naka-notaryo ang dokumento, at ito ay sinumpaan sa harap ni Atty. Chino Paolo Z. Roxas, sa tanggapan nito sa lungsod ng Pasig nung March 28, 2011.

Narito ang nilalaman ng sinumpaang salaysay ng mga magulang ni Jan-Jan:

Kami ay mga magulang ni John David Suan, na may nickname na Jan Jan. Siya ang panganay sa tatlo naming anak. Siya ay anim na taong gulang ngayon.

Si Jan Jan ay may talentong sumayaw. Kahit sa paaralan ay nakilala siya ng kanyang mga guro at kaklase na magaling sumayaw.


Dahil sa kanyang talent sa pagsayaw, napili siya ng kanyang guro na sumali sa Little Mr. SM na ginanap noong 2009 sa Mall of Asia. Ang sinayaw niya noon sa Little Mr. SM ay yung sayaw na ginawa din niya sa Willing Willie noong March 12, 2011. Dahil sa mga pagsali nya, mas lalong nade-develop ang talento niya.


Nuong Marso 2011, napag-alaman ni Jan Jan na ang mga contestants para sa Marso 12, 2011 episode ng Willing Willie ay mga talentadong bata edad anim hanggang labing isa. Si Jan Jan ay nagpumilit sumali sa Willing Willie dahil kumpiyansya siya sa talent nya. Hindi kami nagulat na gusto niyang sumali dahil ayaw namin supilin na madevelop niya ang kanyang talent.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW


Si Jan Jan ay sinamahan ng kanyang tiyo sa TV5 para sa kanyang audition. Meron mga tatlong libong bata na nag audition para sa Marso 12, 2011 episode ng Willing Willie nung panahon na iyon. Kinuwento sa amin ni Jan Jan at ng kanyang tiyo na napakahaba ng pila sa TV5 at napakainit maghintay pero nagpursigi pa din daw sila sa kagustuhan ni Jan Jan na mapili bilang contestant.


Laking pasasalamat namin at napili si Jan Jan na isa sa mga contestants para sa Marso 12, 2011 episode ng Willing Willie. Siya yung pang apat sa anim na napiling contestants. Ito na ang pagkakataon na maipakita ni Jan Jan ang galing nya sa pagsayaw at umaasa kami na sana madiskobre siya at sumikat bilang artista at talentadong bata.


Alam namin na pag sumali siya sa Willing Willie, kailangan niyang ipakita ang talent nya. Ang talent ni Jan Jan ay pagsayaw. Kahit nuong apat na taon pa lang siya, sumasayaw na siya. Kahit sa kanyang paaralan, si Jan Jan ay sumasayaw na. Gaya ng sabi namin, sumali na rin siya sa Mall of Asia nuon, at sumayaw din siya katulad ng sayaw niya sa Willing Willie.


Alam namin na dapat ilabas niya ang galing nya sa pagsasayaw sa Willing Willie. Napili ang sayaw na yun para mangibabaw ang talento niya kumpara sa ibang mga contestants. Ito kasi ang napapanood niyang sayaw na kakaiba at kwelang kwela sa ibang shows sa telebisyon. Alam kasi namin na pag mas maganda at mas kakaiba ang kanyang talent, mas mapapansin siya at mas marami ang masisiyahan sa kanya.


Nuong Marso 12, 2011, pinanood nga namin si Jan Jan na nagsayaw sa Willing Willie. Ipinakita niya ang talent niya at kami ay tuwang-tuwa. Pati yung aming mga kapit-bahay at kakilala, ay natuwa nung mapanood si Jan Jan sa Willing Willie. Hanggang ngayon ay binabati pa din kami ng mga kakilala namin na nakapanood kay Jan Jan. Madami rin ang nakakakilala at nagpapakuha ng litrato kay Jan Jan.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW


Marami ang nakapansin na umiiyak si Jan Jan nung sumasayaw siya sa Willing Willie. Noong tinanong namin kung bakit siya umiiyak, sinabi ni Jan Jan na natakot siya kay Bonel Balingit na parang "kapre."


Natuwa kami sa ipinakita ng anak namin na galing niya sa pagsayaw. Bilang mga magulang, proud kami kay Jan Jan. Hindi naming inisip na naabuso siya o nagamit siya nung sumali siya sa Willing Willie. Sa tingin namin isang grasya na ibinigay ng Diyos ito upang makamit ni Jan Jan ang kanyang mga pangarap na sumali sa showbiz.


Nagpapaumanhin kami kung mayroon iba ang pananaw sa pagsayaw ni Jan Jan sa Willing Willie. Ang hangad lang namin, bilang magulang, ay mailabas lamang ni Jan Jan ang kanyang talent at ang Willing Willie ang naging landas nito.


Nagpapasalamat din kami sa mga nagbigay ng suporta at nagpahayag ng kanilang kasiyahan sa nangyari.


Pinapatunayan namin na lahat ng nakasaad dito ay pawang katotohanan lamang, at kusa naming nilalagdaan ngayong ika-28 ng Marso, 2011 itong sinumpaang salaysay.



WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN