Willie Revillame’s camp questions involvement of child psychologist in the controversy surrounding Willing Willie contestant

"She made this conclusion of child abuse without either seeing or interviewing the child, seeing or interviewing the parents. A psychologist, to my understanding, can only make conclusions based on factual findings," says Wil Productions and Willie Revillame’s legal counsel Atty. Leonardo de Vera about DSWD’s decision to get child psychologist Dr. Ma. Lourdes Carandang to check on Jan-Jan Suan.


Tumanggi ang ama ni Jan-Jan na si Jojo Suan nang muli silang tawagan ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) para sa isang psychological interview.

Si Jan-Jan ang anim na taong gulang na batang lalaki na naging sentro ng kontrobersiya sa March 12 episode ng Willing Willie, kung saan nagsayaw siya ng "macho-dance routine."

Ayon sa ama ni Jan-Jan, sapat na ang una niyang panayam tungkol sa isyu.

"Gusto nila kaming papuntahin sa DSWD para kay Jan-Jan sa counselling. Sabi ko, ’Parang nagpunta na dito ang mga taga-DSWD. Okay na, may statement ako,’" sabi ni Jojo sa panayam sa kanya ng primetime newscast ng TV5, ang Aksyon, na ipinalabas ngayong gabi, April 11.

Pangamba pa niya, "Naku, baka kunin nila si Jan-Jan. ’Yon ang malaking kinatatakot namin."

Ang panayam sana na gagawin sa bata ay pangangasiwaan ng kilalang child psychologist na si Dr. Ma. Lourdes "Honey" Carandang.

Subalit nag-alinlangan ang pamilya Suan dahil nalaman umano nila na sinulatan na ni Dr. Carandang ang Movie and Television Review and Classification Board (MTRCB) matapos mapanood ang kontrobersiyal na video clip ng Willing Willie.

Sa sulat na ito, isinaad umano ni Dr. Carandang na maaring nakaranas ng child abuse si Jan-Jan. Kinuwestiyon naman ito ni Jojo dahil hindi pa raw nakakausap ng child psychologist ang kanyang anak.

Ayon naman sa abogado ni Willie na si Atty. Leonardo de Vera, "She [Dr. Carandang] made this conclusion of child abuse without either seeing or interviewing the child, seeing or interviewing the parents. A psychologist, to my understanding, can only make conclusions based on factual findings."

Bukod pa rito, muli ring binalikan ni Dr. Carandang sa kanyang blog ang mga nakaraang isyu na kinasangkutan ng Willing Willie host na si Willie Revillame noong nasa ABS-CBN pa ito. Ilan sa mga ito ay ang ULTRA Stampede at ang pambabastos umano ni Willie sa yumaong dating Pangulong Cory Aquino, na parehong naganap noong host pa siya ng Wowowee.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

Kinuwestiyon din ng kampo ni Willie ang pagkakaugnay umano ni Dr. Carandang sa dating home network ng TV host. Isa umanong consultant at regular lecturer si Dr. Carandang sa ABS-CBN.

Dagdag pa ni Atty. De Vera, "Una, hindi naman siya nire-request ng parents ni Jan-Jan para maging counselor. Secondly, she’s the least qualified to conduct a counseling because she already made a conclusion of child abuse."

Samantala, inamin ni MTRCB Chairperson Mary Grace Poe-Llamanzares na sumulat sa kanilang tanggapan si Dr. Carandang tungkol sa isyu. Subalit nilinaw niya na hindi ang isyu ng child abuse ang dinidinig ng kanilang kagawaran.

Sa phone interview ng Aksyon, sinabi ni Chairperson Poe-Llamanzares, "Tungkol po ito doon sa possible indecent at immoral na paglabas."

Sa hiwalay na panayam, ipinaliwanag naman ni DSWD Chairperson Dinky Soliman kung bakit nila kinuha si Dr. Carandang. Aniya, "Si Dr Honey Carandang ay kilalang psychologist na kinikilala hindi lang dito sa ating bansa, pero sa iba pa pong mga bansa."

Kaugnay nito, pinatotohanan ni Dr. Carandang sa pamamagitan ng e-mail na hiningi ng DSWD ang kanyang tulong para masuri ang bata. Sa naturang email na ipinadala sa Aksyon, sinabi niya na ang DSWD ang nagbigay ng appointment para kay Jan-Jan kaninang umaga ngunit hindi dumating ang pamilya Suan.

Nakatakdang magsumite ng Motion to Intervene ang kampo ni Willie sa imbestigasyon ng MTRCB bukas, April 12.

Simula ngayon, April 11, ang dalawang linggong pagkawala sa ere ng Willing Willie.


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN