Aljur Abrenica explains involvement with Ai-Ai delas Alas; denies blaming Ryza Cenon for poor ratings of Machete

"Ang hindi ko lang maano sa sarili ko is yung critics. Ano ba ang kulang sa akin? Ano ba ang kailangan kong gawin? Yung part na ’yon, lesson na sa akin ’yon... Naging challenge at lesson sa akin ’yon na maging masipag pa. Pag-aralan yung character dahil ang binabatikos sa akin, yung acting," says Aljur Abrenica about the criticisms he got for his acting in Machete.


Si Ai-Ai delas Alas naman ang natsitsismis ngayon kay Aljur Abrenica. Umabot pa nga sa point na bibigyan pa raw siya ng mamahaling kotse ng Comedy Concert Queen. (CLICK HERE to read related story.)

Sa panayam ng PEP (Philippine Entertainment Portal) kay Aljur sa set ng next episode ng Spooky Nights Presents The Ring...Tone kaninang umaga, April 15, sa New Manila, Quezon City, ay kinuha namin ang kanyang reaksiyon sa pagli-link sa kanila ni Ai-Ai.

"Nagkausap na through phone lang. Kasi po, si Eric Santos, Father Eric, nagmisa sa amin sa Machete, in-invite niya si Ms. Ai Ai doon. Saktung-sakto, sabi ko, ’Ay, sayang naman kung hindi siya makakarating!’ Kasi, fan po ako talaga ni Ms. Ai-Ai delas Alas. Tinawagan niya [Fr. Eric] at nakausap ko si Ms. Ai-Ai sa telepono," kuwento ni Aljur.

Ano naman ang napag-usapan nila ni Ai-Ai?

"Sabi ko po, sana magkita kami at fan ako. Sana makatrabaho ko siya someday sa mga movie.

"Biglang sumingit si Father na birthday ko kinabukasan [March 24]. ’A, talaga, birthday mo? Ano ang gusto mo?’ sabi niya [Ai-Ai]. Sabi ko, ’No, wala po. Makausap ko lang kayo, okey na ako. Masaya na ako,’" lahad pa ng young actor.

Tapos, nagkaroon na ng tsismis tungkol sa kanila?

"Bakit pinapalaki ninyo? Hindi ko pa nga po nakikita yung tao!" natatawang sabi ni Aljur.

Parang gusto raw kasi siyang bigyan ng kotse ni Ai-Ai. Ano ang reaksiyon niya rito?

"Hindi ko po masagot. Hindi ko pa po ma-confirm ’yan. Si Ms. Ai-Ai, hindi ko pa po nakikita. Talagang may lumabas na?" tanong pa niya.

Pero siya raw kasi ang sinasabing crush ni Ai-Ai?

"Kung totoo man ’yon, nakaka-flatter naman. Flattering ’yon para sa akin dahil nga, hindi ko maiisip na ang isang Ms. Ai-Ai delas Alas ay hahanga sa akin. Dahil siya mismo, iniidolo ko talaga. Pinapanood ko at tagasubaybay ng pelikula niya," sabi niya.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

Nilinaw naman ni Ai-Ai sa hiwalay na panayam na biruan lang ng mga kaibigan niya ang tungkol sa pagbibigay ng Porsche kay Aljur.

"Usapang bakla lang yung amin na bibigyan ng Porsche.... Yung merong lalaking pang-Kia Pride lang, pang-Toyota. Pero na-mention si Aljur, pang-Porsche na yun kung sakali!" sabi ng comedienne.

TOGETHER AGAIN. Sa month-long episode ng Spooky Nights Presents The Ring...Tone, na mapapanood simula sa Abril 30, balik-tambalan uli sina Aljur at Kris Bernal pagkatapos mag-guest ng young actress sa Machete.

"Masaya ako and excited ako sa bagong project namin ni Kris. Balik-tambalan uli namin," sambit ni Aljur.

Ano ang development sa team-up nila after Machete?

"Ayun, maraming nagbago. Maraming panibagong nangyari sa buhay namin. Nung mag-usap kami, maraming dumating. Si Kris, parang nag-mature na siya," sagot ng binata.

Gumanda bang lalo si Kris sa paningin niya?

"Hindi lang sa kagandahan kundi pati sa ugali. Wala akong ayaw sa kanya. Mas lalo siyang bumait. Mas lalong naging sweet. Saka yung sense of humor niya, iba na rin," sabi ni Aljur.

Aminado si Aljur na iba ang sigla niya sa trabaho kapag si Kris ang kasama niya.

"Pag nakakasama ko si Kris, lagi akong at ease, relaxed. Walang tension dahil nga kabisado na namin ang isa’t isa," sagot niya, at biglang tumabi sa kanya si Kris.

Pero friends pa rin sila?

"E, ang daming nanliligaw rito, e!" sabi ni Aljur sabay akbay kay Kris.

Sino?

"Ang dami ring nanliligaw sa ’yo!" tugon naman ni Kris. "Yun ang problema ko sa kanya nung una pa lang. Parang naging Machete siya na problema ko!"

Buwelta naman ni Aljur, "Ang problema naman sa kanya, iba’t ibang lalaki ang nakapaligid sa kanya!"

Balitang ang boyfriend ngayon ni Kris ay ang singer na si Jay Perillo.

Kasama nina Aljur at Kris sa Spooky Nights Presents The Ring...Tone sina Sam Pinto, Sef Cadayona, Benjie Paras, Moymoy Palaboy, at DJ Rico Robles. Mula ito sa direksiyon ni Lore Reyes.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

LESSONS LEARNED. Tinanong din ng PEP si Aljur kung ano ang mga natutunan niyang lessons pagkatapos ng Machete. Hindi naman kaila sa marami na hindi naging maganda ang takbo nito at marami rin ang bumatikos dito, partikular na ang naging pagganap ni Aljur.

"Marami!" bulalas niya. "Dumating na rin sa buhay ko... Kasi, marami nang ups and downs, e. Pero dito sa Machete, talagang na-down dahil sa mga kritiko.

"Pero pagdating naman sa show, kahit eight weeks lang kami, naging successful ang show namin. Dahil sobrang na-down ako ng kritiko, lagi kong tinatanong sa sarili at sa mga bosses kung succesful ba, na successful naman.

"Ang hindi ko lang maano sa sarili ko is yung critics. Ano ba ang kulang sa akin? Ano ba ang kailangan kong gawin? Yung part na ’yon, lesson na sa akin ’yon."

Nagsilbing challenge daw kay Aljur ang mga kritisismong natangggap niya sa akting niya sa Machete.

"Naging challenge at lesson sa akin ’yon na maging masipag pa. Pag-aralan yung character dahil ang binabatikos sa akin, yung acting," sabi niya.

Inamin ni Aljur na iniyakan niya ang negatibong kritisismong natanggap niya.

"Oo, iniyakan ko po ’yon. Tao lang po ako. Nasasaktan. Pero it doesn’t mean na hanggang doon na lang ako. Marami pang panahon at marami pa akong mai-improve sa sarili ko," saad ng 21-year-old actor.

Sa mga detractors niya, ano ang gusto niyang patunayan?

"Gusto kong patunayan sa kanila na may kakayahan ako. Na kaya ko. Na karapat-dapat ako sa industriyang ito," mariing sabi ni Aljur.

RYZA CENON. Hanggang ngayon, meron pang usap-usapan na galit daw si Aljur kay Ryza Cenon, na isa sa kapareha niya sa Machete. Ang young actress daw kasi ang sinisisi niya sa mababang ratings ng kanilang programa. Pero pinabulaanan ito ni Aljur.

"Hindi. Wala... Unang-una, tapos na ang Machete. Hindi ko alam kung totoo ’yan. Hindi ko po alam dahil wala namang problema," tanggi ni Aljur sa isyu sa kanila ni Ryza.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

Pero sinabi namin kay Aljur na sa mismong bibig ni Ryza nanggaling na galit ito sa kanya sa isang presscon. Ito ay dahil nga sa paninisi raw sa kanya ni Aljur sa mababang ratings ng kanilang fantaserye. (CLICK HERE to read related story.)

"Sinabi niya? Sinabi niya ’yon? Aba’y bakit ngayon lang? Bakit ngayon lang lumabas? At ang tanong, lumabas ba sa sarili ko? Hindi. Lumabas ba na narinig niya sa akin mismo? ’Yan ang tanong," reaksiyon ni Aljur.

Hindi siya na-upset nang makarating sa kanya ang isyu?

"Hindi," sagot niya. "Siyempre babae ’yan, kailangang ayusin. Kakausapin ko ang ilang handler namin."


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN