Coney Reyes finds kontrabida roles most challenging

"Sa bawat ginagawa kong role na kontrabida, iniiba ko. Iniiba ko yung timpla, iniiba ko yung atake. Kaya nagiging challenge bale ito sa akin. It’s a challenge to my acting prowess. It’s a challenge to how I’m going to be able to make the character effective," says Coney Reyes.


Matapos gumanap sa ilang supporting roles sa mga teleserye, gaya ng Ysabella at Rubi, ang award-winning veteran actress na si Coney Reyes ay nagbabalik-telebisyon bilang pangunahing bituin sa ABS-CBN primetime series na 100 Days to Heaven.

Kasama niya rito ang child star na si Xyriel Manabat.

Sa panayam ng PEP.ph kay Coney last Sunday, May 1, sa preview ng 100 Days to Heaven, na ginanap sa Cinema 7 ng Robinsons Galleria, nagpahayag siya ng kagalakan sa proyektong ito.

"Natutuwa ako sa role ko dito. Ngayon ko lang nagagawa yung mga ganito at nag-e-enjoy naman ako," panimulang wika niya.

"Dati, ayaw ko. Pero ngayon, sa bawat ginagawa kong role na kontrabida, iniiba ko. Iniiba ko yung timpla, iniiba ko yung atake.

"Kaya nagiging challenge bale ito sa akin. It’s a challenge to my acting prowess. It’s a challenge to how I’m going to be able to make the character effective.

"So, nag-e-enjoy ako sa ginagawa ko."

THE SWITCH. Ang 100 Days to Heaven ay kuwento ng second chance, pagkakaibigan, at pananampalataya.

Ginagampanan ni Coney rito ang tauhanang Anna Manalastas, isang babaeng "kasing tigas ng bato ang puso at may damdaming kasing lamig ng bakal."

Sa murang edad, inakala niyang naulila na siya sa ina, na later on ay nalamang inabandona pala sila nito nang sumama sa ibang lalaki. Kaya lumaki siya sa pangangalaga ng amang galit sa mundo at nawalan na ng ganang magmahal.

Bago nakapagtapos sa pag-aaral ay naging disgrasyada si Anna mula sa lalaking pinag-ukulan niya ng tapat na pagmamahal, subalit niloko lamang siya nito.

Ang pangyayaring ito ang naging dahilan upang atakihin sa puso ang kanyang ama and eventually ay mamatay. Nang nakapanganak, nagpasya siyang ipamigay ang bata at manirahan na sa ibang bansa.

Sa paglipas ng panahon, naging isang milyonaryang negosyante si Anna na dahil sa mga masasamang karanasan sa buhay ay lumaking napakasama ng ugali.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

Nang mamatay siya nang pasabugin ang kanyang kotse, nalaman ni Anna na hindi siya makararating sa langit dahil sa kanyang masamang ugali. Kaya humiling siya sa Diyos na bigyan siya ng pangalawang pagkakataon para makarating siya sa langit.

Pinagbigyan naman ang kanyang hiling, ngunit sa kundisyong kailangang sa loob ng 100 araw ay maayos niya ang kanyang mga pagkakamali.

Uumpisahan niya ito bilang isang pitong taong gulang na bata, na ginagampanan naman ni Xyriel.

Paano nila nagawa rito na naging magkapareho ang mannerisms nila ni Xyriel?

"Nag-workshop kami ni Xyriel at saka siyempre, naga-guide siya ng director namin," sabi ni Coney.

Puring-puri rin ni Coney si Xyriel dahil sa taglay nitong natural na galing sa pag-arte.

"I think she’s another child wonder," sambit ng veteran actress.

"Kasi, mahal niya yung kanyang trabaho at gusto niya ang kanyang ginagawa.

"Hindi mo kasi mapipilit ang isang batang umarte kung hindi talaga nandodoon sa kanya ’yon.

"So, malaki... She’s a very good young actress at alam ko na malayo pa ang mararating ni Xyriel.

"Natural ang acting niya. Pero siyempre bata, e, kaya gina-guide rin ’yan.

"Kaya napakahalaga ng role ng director at ng mga co-actors niya para siya ay naaalalayan din. Pero mayroon talaga siyang innate—innate acting gift."

KONTRABIDA ROLES. Nang usisain kung hindi ba siya nag-aalalang matakot ang ilang batang televiewers sa kanyang karakter dito, ngumiti muna siya bago sumagot.

"I think sanay na ang mga tao, nakikita nila na it’s just a role," sagot ng aktres.

"Iba na ang mga audience ngayon, mature na sila. And I think many people know naman kung sino talaga ako."

Lately ay masasama o kontrabida ang karakter na ibinibigay sa kanya, okay lang ba sa kanya ito?

"Dito, kapag napanood n’yo na, iba naman, e, ibang klase siya," saad niya.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

"Kasi, pag mayroong good, kailangan may bad.

"So, actually, mas challenging nga yung mga bad, mas challenging nga yung mga character roles."

Ang isang tulad niyang mahusay at beterana na sa mga matitinding drama series ay may ginagawa pa rin bang paghahanda sa bawat project na natotoka sa kanya?

"Siyempre, talagang pinag-aaralan ang script, pinag-aaralan ang character. Kailangan talaga yun.

"Hindi naman puwede yung dumating ka na lang sa set at aarte ka na lang doon. Hindi puwede yun.

"Kailangang basahin mo ang script, alamin mo, do your homework. You always have to do your homework as an actor.

"At saka, sa totoo lang, ipinagdarasal ko ang mga characters ko kung paano ko siya bibigyan ng fresh na atake."

Tampok din sa 100 Days to Heaven sina Jodi Sta. Maria bilang Sophia, Louise Abuel bilang Kevin, Joel Torre bilang Andres, Dominic Ochoa bilang Bobby, Valerie Concepcion bilang Miranda, Rafael Rosell bilang Bart, Smokey Manaloto bilang Bruce, at Neil Coleta bilang Jopet.

Mapapanood na ang 100 Days to Heaven simula sa Mayo 9, sa direksyon ni Malu L. Sevilla.


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN