Prince William personally introduced his former Pinay nanny, Lilly Piccio, to Kate Middleton

"He introduced me to Kate. Sabi niya kay Kate, ’This is Lilly, and she’s looked after my mommy.’ Natawa nga ako, e. Kasi sabi niya, ako daw nag-ano sa mommy niya," says Aracelli "Lilly" Piccio about meeting Kate Middleton through Prince William.


Ikinuwento ni Araceli "Lilly" Piccio ang naging karanasan niya nang dumalo siya sa royal wedding nina Prince William at Kate Middleton noong April 29 sa Westminster Abbey. (CLICK HERE to read related story.)

Si Lilly ang Pinay nurse mula sa Bacolod na naging miyembro ng household staff noon ng ina ni Prince William na si Princess Diana sa loob ng labinlimang taon.

Nagsilbi rin siyang tagapag-alaga sa dalawang anak ng yumaong prinsesa at ni Prince Charles na sina Prince William at Prince Harry.

Nakausap ng Showbiz Central si Lilly via phone patch mula London noong Linggo, May 1.

Ayon kay Lilly, hindi siya makapaniwalang isa siya sa halos dalawang libong naging panauhin sa kasal nina Prince Wiliam at Kate.

"Malapit kami dun kina William," banggit niya.

"If you have seen Elton John, doon kami sa likod nun, diretso yun, andun kami. Sa harap namin si [David] Beckham.

"Nakita ko sila, pero sa una [sila]. Kasi sa likod kami.

"We’re not in front, e. At the back kami, ang mga royal staff," kuwento niya.

Naging emosyunal daw si Lilly nang muli niyang makita nang personal ang dating alaga.

"Ay naku, excited ako!" sambit niya.

"Parang...umiiyak ako.

"Sinasabi ko sa sarili ko, yung inaalagaan ko, malaki na pala.

"Yung una, binyag pa lang.

"Pagkatapos naman yung sumunod, yung libing ng mommy niya.

"Ngayon naman, kasal naman.

"Kaya parang di ako makapaniwala."

MEETING WILLIAM AND KATE. Matapos ang seremonya sa simbahan, sumakay ng karwahe ang mga bagong kasal patungong Buckingham Palace, kung saan sinubaybayan ang una nilang halik bilang mag-asawa mula sa balkonahe ng palasyo.

Ang Buckingham Palace ang pangunahing tahanan ng royal family.

Ayon kay Lilly, nang mga oras na yun ay silang mga miyembro ng royal staff ay nagtungo naman sa Clarence House, ang official royal residence nina Prince William at Kate—na ngayon ay kilala na rin bilang Duke and Duchess of Cambridge.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

Dito sila nananghalian kasama ang iba pang piling panauhin.

Pagkatapos ay dumating ang mga bagong kasal at personal na humarap sa kanilang mga royal staff.

Kuwento ni Lilly, "Andun na kami sa garden, naghihintay sa kanila. Nakahilera kami. Nakatayo ako sa gitna.

"Tinawag ako nung butler, sabi niya, ’Lilly, you come here in front.’ Kasi sabi, gusto akong makita ni William.

"Tapos, sabi ko, ’I don’t think he will remember me.’ Kasi, ang tagal na nun."


Pero doon nagkamali si Lilly dahil ang sumunod na eksena ay hinding-hindi niya makakalimutan.

"Pero nung dumating na ang sasakyan, nakita ko si William at saka si Kate.

"Nakatayo kaming lahat dun. We clapped our hands.

"So, pagkatapos nun, bumaba siya [Prince William]. Pagbaba niya, kasama si Kate.

"Nakalingon siya, nakatayo ako doon.

"Paglingon niya, nakita ako. Tinuro ako, ’Oh, it’s Lilly!’

"Tapos, siya pa ang pumunta sa akin.

"Pagpunta sa akin, e, nag-beso. He kissed me.

"Saka hinug ko siya. ’You know, I’m glad that you are here.’

"Nabigla ako. I’m so excited!"

Sinundan naman ito ng personal na pagpapakilala ng kanyang dating alaga sa bago nitong asawa.

"He introduced me to Kate.

"Sabi niya kay Kate, ’This is Lilly, and she’s looked after my mommy.’

"Natawa nga ako, e. Kasi sabi niya, ako daw nag-ano sa mommy niya."

ROYAL EXPERIENCE. Makasaysayan ang naganap na royal wedding na nasaksihan ng tinatayang halos dalawang bilyong tao.

Pero para kay Lilly, ang personal na pagiging bahagi niya rito ay isang paalala sa kabutihang ipinakita sa kanya ng royal family—lalo na ni Prince William mula noon hanggang ngayon.

"Mabait, matalinong bata ’yan. At saka down-to-earth ang ugali," sabi niya tungkol sa dating alaga.

"Excited ako, happy. Akala ko nakalimutan na niya ako. But he still remembers me.

"Sa tagal-tagal ko na, na nawala ako sa kanila, kilala pa rin pala nila ako sa kanilang buhay."

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN