Former GMA-7 talent Bryan Termulo on next career move: "Gusto ko talagang maging part ng Kapamilya Network."

Bryan Termulo’s upcoming album mirrors the status of his life. After losing his kuya late last year due to Dengue, and leaving GMA-7, he is all set to sing his heart out with Bryan Begins.


Ngayong nagkakaroon ng saysay ang pagkamatay sa dengue noong nakaraang taon ng nakatatandang kapatid ni Bryan Termulo—ang dating GMA 7 talent, 2007 Pinoy Pop Superstar finalist, at 2010 WCOPA silver and bronze medalist.

Si Bryan ang image-endorser ng Bio-Rad Dengue Antigen Test mula sa Lifeline Diagnostic Supplies.

Namatay sa sakit na dengue nong Disyembre 2010 ang kuya ni Bryan.

Sa interview ng PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) kay Bryan, naikuwento niya kung paano dumating sa kanya ang offer na maging endorser ng nasabing dengue test matapos bawian ng buhay ang kanyang kuya.

"Lahat po kasi ng nangyari, nangyari nong 2010, e. Especially nung month ng December, kasagsagan ng mga rakets," simula niyang kuwento.

"Naimbitahan po ako ng Lifeline na mag-perform sa kanilang Christmas party. Yun yung appearance na the day after inilibing na ang kapatid ko due to Dengue.

"Kasi natanguan ko na yung raket na yun. Baka kasi may kontrata. Itinuloy ko.

"Then after ng show, in-approach ako ng mga staff ng Lifeline, na kakausapin raw ako one of these days.

"Then nung January, kinausap nila ako kung puwede akong maging dengue advocate ng Lifeline? Tanong ko, ano po bang product?

"Yun nga yung Bio Rad Antigen test—na as early as day after ng fever, or just 15 minutes pagkatapos ng blood test, malalaman na kung positive sa dengue or hindi.

"Naisip ko kaagad yung brother ko kasi namatay siya sa infection sa dugo, yung Septicemia.

"Alam natin na pag dengue, bumababa yung blood platelets. So, sabi ko wala namang problema kung makakatulong ako.

"So, yun nga tinanggap ko yung offer nila para makatulong akong mai-dessiminate yung info about dengue at yung product na ini-endorse ko."

Apat silang magkakapatid, pangalawa at panganay sa mga lalake ang namatay na kuya ni Bryan. Twenty four years old lang ito.

"Wala naman kaming nakitang premonitions or symptoms. Usually, pag namamatay ka, minsan may mga premonitions ka.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

"Pero wala kaming nakikita at all dahil malakas ang kuya ko. Hindi pa namin alam ang bio rad.

"Ang ginawa lang ng mother ko yung nakasayan na. Pag nilalagnat painumin lang ng paracetamol, gano’n ang ginawa ng Mommy ko sa kuya ko.

"The next day um-okey naman. Sabi ni Mama, para matanggal pang lalo, uminom ka pa ng isa pang paracetamol.

"Kasi papasok na siya sa work. After 30 minutes pag travel niya, bumalik siya sa bahay, nagtsi-chill na siya.

"Sinugod namin siya sa hospital pero hindi na siya naka-abot. Dead on arrival na siya.

"Two days lang siyang nagkasakit.

"Kaya nga sobrang sakit kasi walang nararamdaman yung brother namin. Simpleng lagnat lang.

"Simpleng nakaugalian na ng Pinoy na pag may lagnat, paracetamol.

"Hindi tayo aware sa kung ano ang dapat gawin para ma-detect kung may dengue ka or wala."

Malaki raw ang naging epekto kay Bryan ng pagkawala ng kanyang kuya.

"Malaking pagbabago, kasi ako na yung tumatayong panganay na lalake at tatlo na lang kami.

"Saka mahirap din sa akin dahil nakasanayan ko na kasama ko yung brother ko, sa lahat ng lakad ko, ng gigs ko, ng rakets, ng show ko.

"Siguro kung meron akong 50 mall tours, 45 doon nandoon siya."

Aminado si Bryan na talagang nami-miss niya ang kanyang kuya.

Taong 2009 nong kumalas si Bryan sa GMA 7, kung saan isa’t-kalahating taon rin siyang naging mainstay ng SOP na ngayo’y Party Pilipinas na.

Dahil sa kanyang kakisigan, nabigyan siya ng mga acting projects sa ilang mga soap ng Kapamilya Network.

"Tinawagan ako ng GMA 7 kung ready na akong umarte. Nabigyan ako ng role sa All My Life nina Aljur Abrenica at Kris Bernal.

"After noon, wala ng project na dumating, kaya nag-desisyon akong magpa-preterminate na lang po ako ng contract ko sa kanila.

"But still open pa rin naman sila sa akin. Like ngayon, nagpo-promote ako ng album ko titled Bryan Begins.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

"Kumalas man ako sa kanila as artist nila, naggi-guest pa rin naman ako sa mga shows nila."

Positibo ang tingin ni Bryan sa pagiging freelancer artist niya ngayon. Nagagawa niyang mag-promote sa lahat ng istasyon.

Pero natapos na raw niya ang basic acting workshop sa ABS-CBN.

"Last October, at nag-last siya nung February of this year lang. Now I’m waiting for my call na lang," saad niya.

"Before nga, parang ipi-present na ako kay Mr. M [Johnny Manahan, chairman emeritus ng Star Magic] nung last month yata or two months ago.

"Kaso ang problema, pictorial ng Lifeline. E, nauna itong Lifeline na natanguan ko, eto ang ginawa kong priority.

"Sabi ko na lang sa Star Magic, ita-try kong humabol. Ipi-present na raw ako kay Mr. M.

"Gusto ko talagang maging part ng Kapamilya Network. Na-late ako, so sinabi ko na lang sa kanila na pasensiya na kasi may prior project akong pinuntahan.

"Tinext naman nila ako at in-assure nila na irire-sked raw nila yun, ipa-follow up ko na lang. So, I’m still waiting."

Maliban sa pagiging kabado, excited raw si Bryan sa naiisip na pagpasok niya sa Kapamilya.

Handa na raw siya sa kung anumang intrigang haharapin niya dito.

Natawa si Bryan nong tanungin siya kung handa ba siyang ma-tsismis na bading o pumatol sa bading kapag nagkasunud-sunod ang mga projects niya dito?

"Actually, kahit hindi naman sa Channel 2 may mga ganyang intriga. Sa GMA 7 din.

"Ready naman ako sa ganyan, halos lahat naman natsi-tsismis na na-associate sa isang gay.

"Ganon talaga ang laro, kaakibat na may intriga.

"Ang tsismis sa akin noon, hindi naman yung sinasabing gay ako, kundi yung sinasabi nilang sobrang close ko raw sa isang tinutukoy nilang gay.

"Sinasabi nila na nagkakaroon ako ng power dahil malapit ako sa gay na yun.

"Sabi ko, hindi naman ako totoo yun. Kasi kung may kapit ako like sa SOP, hindi ako masu-suspend every time na magkakamali ako.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

"Maliit na isyu na hindi naman lumaki kasi nga hindi naman totoo," pagbabalik tanaw niya.

Alam ni Bryan na aasahang magpapa-sexy siya kapag nakuha siya sa ABS CBN. Pero gusto muna niyang pagandahin ang kanyang katawan bago niya ito ilantad.

Hindi lang siya makapagbigay ng kasiguraduhan kung kaya niyang magsuot lang ng underwear para sa isang acting role.

Hindi pa niya nakikita ang sariling kaya niyang gawin ito.

Ilan sa mga crush ni Bryan sa showbiz ay sina Angel Locsin at Jennylyn Mercado.

Mahinhin, mabait at sexy ang tingin ni Bryan kay Jennylyn.

Bilib naman si Bryan sa paghahandle ni Angel ng kanyang sarili at ang pag-aalaga nito sa kanyang career.


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN