Rochelle Pangilinan considers Amaya her best birthday gift; gets new manager after leaving SexBomb Dancers

"Na-realize ko lang kung gaano siya kalaki noong first taping day ko. Nagulat talaga ako at saka kinilabutan ako. Grabe kasi yung big scenes namin. Kita n’yo naman costumes pa lang, panalo na, di ba? Tapos, ang gagaling pa ng mga artista. Ang sarap lang sa pakiramdam na kasama ako rito," says Rochelle Panglinan about being part of the epicserye Amaya.


Kasabay ng grand presscon ng Amaya kagabi, May 23, sa Studio 7 ng GMA Network ay nag-celebrate din si Rochelle Pangilinan ng kanyang 29th birthday.

Isang cake ang sorpresa ng production ng Amaya para sa kanya at kinantahan pa ng "Happy Birthday."

Kaya naman tuwang-tuwa si Rochelle nang makausap siya ng PEP.ph (Philippine Entertainment Portal).

"Kanina nga, nung mine-makeup-an ako, napa-smile akong bigla.

"Sabi nung make-up artist, ’Bakit ka naka-smile?’

"E, kasi ang ganda ng gift sa akin. Birthday ko, tapos presscon ng Amaya.

"Eto na yun, e. Alam mo yun?

"Hindi basta-bastang serye, ang laki-laking serye nito!

"Parang for my birthday this year, wala na akong mahihiling pa kasi ang ganda ng gift na ibinigay ni God sa akin—itong Amaya.

"Napa-smile na lang ako. Thank you Lord," masayang sabi ni Rochelle.

Sobrang excited daw talaga siya na maipapalabas na ang Amaya.

"Kasi ang laking project talaga nito," sambit niya.

"At na-realize ko lang kung gaano siya kalaki noong first taping day ko.

"Nagulat talaga ako at saka kinilabutan ako. Grabe kasi yung big scenes namin.

"Kita n’yo naman costumes pa lang, panalo na, di ba?

"Tapos, ang gagaling pa ng mga artista.

"Ang sarap lang sa pakiramdam na kasama ako rito."

Kung may wish man daw siya ay tumagal pa ng more than two seasons ang Amaya.

"Sana tumagal pa ng three, four, or more seasons pa. Tutal, bilang isa naman siyang epicserye, di ba?

"Wish ko rin na sana mahalin ito ng mga tao katulad ng pagmamahal na ibinigay namin sa seryeng ito.

"Sana matanggap nila at magustuhan ito dahil grabe talaga yung effort na ibinuhos naming lahat dito," saad ng dancer-actress.

PLAYING KONTRABIDA. Ginagampanan ni Rochelle sa Amaya ang role ni Marikit, ang kapatid sa ama ni Amaya (Marian Rivera).

Sakim siya at makasarili tulad ng kanyang ina (Gina Alajar).

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

Magkakagusto siya kay Bagani (Sid Lucero), ang lalaking umiibig kay Amaya, kaya pahihirapan niya ang kapatid.

"Ang alam ko sa story, susundan ko si Marian.

"Pag naging alipin na siya ay magpapakaalipin din ako para mapansin ako ni Sid," banggit ni Rochelle.

Ito raw ang first big kontrabida role niya sa kanyang career.

"Yes, ito talaga yung masasabi kong first full-length kontrabida role ko.

"Kasi, kasama talaga ako sa cast sa simula pa lang at magtatagal sa kabuuan ng series.

"Actually, yung pinagmulan kung bakit siya naging kontrabida, masakit din kasi, e.

"Parang sabik kasi siya sa pagmamahal ng tatay na hindi maibigay ng ama ko [Raymond Bagatsing], pero ibinibigay naman niya kay Amaya.

"Kaya magtatanim ako ng sama ng loob.

"Tapos magkakagusto si Bagani kay Amaya, pero gusto ko rin si Bagani. Dahil diyan, mas pahihirapan ko pa si Amaya."

Paano niya pinaghandaan ang role niya?

"Ang ginagawa ko lang, pag dadating ako ng set, siyempre super-basa ako ng script para alam ko yung flow.

"Mahirap din for me yung character ni Marikit kasi, in real life, masayahin ako, e. Si Marikit, hindi ganun.

"So, kailangan talagang pag-aralan ko mabuti yung role.

"Mahirap pero maganda naman yung kinakalabasan, kaya ini-enjoy ko na rin na maging kontrabida."

Hindi ba siya nagwo-worry ngayong nasimulan na ang pagkokontrabida niya ay ma-typecast siya sa ganitong role?

"Hindi naman, kasi marami ang nagsasabi na mas matagal daw ang buhay ng kontrabida sa showbiz kaysa sa bida.

"At saka mas maraming raket. So, bakit hindi?

"Pumasok ako sa showbiz para magtrabaho.

"As long as maganda yung trabaho ko, bakit hindi?

"At saka maipagmamalaki ko, kasi hindi madaling maging kontrabida, ha.

"At kung matatanggap ako ng mga tao, e, di mas okay.

"Kahit kontrabida o bida man, basta trabaho, go ako diyan."

TOPLESS. Hindi naman daw naging malaking issue kay Rochelle ang requirement na mag-topless siya sa Amaya kahit na nga first time niyang gagawin ito.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

"Kahit naman topless, hindi naman siya malaswa," sabi niya.

"Kasi, di ba, based sa sinauna yung story namin?

"Pag nakita mo yung mga babae nung sinauna, yun talaga yun, e.

"Ganun din ang pananamit nila."

Wala naman daw makikita sa itinatago niya.

"Natatakpan naman ng buhok at saka may accessories.

"At saka hindi naman puwedeng may makita dahil pang-TV ito, e.

"Hindi rin kami pinababayaan nina Direk Mac [Alejandre]. Alagang-alaga kami ng production."

Dahil sa pagta-topless niya, tatanggap na rin ba siya ng ibang sexy roles?

"Bakit hindi?" sagot ni Rochlle.

"Magpapapayat pa nga ako, e. Alam ko naman ang limitations ko sa pagpapaseksi."

MARIAN RIVERA. Hindi ito ang unang project na magkasama sina Rochelle at Marian.

Nagkasama na kasi sila sa Darna kung saan ginampanan ni Rochelle ang role ng isang manananggal, na isa sa mga kalaban ng Pinay superhero.

"Sa Darna kasi, kontrabida ako pero may puso yun, e. Kasi nanay ako ni Buboy [Villar], e.

"So, hindi siyang kontrabidang-kontrabida.

"Dito sa Amaya, talagang masama talaga ako rito. Sakim ako at talagang pahihirapan ko si Marian."

So far, wala pa silang nakunan na confrontation scenes ni Marian kaya hindi pa niya masabi kung gaano niya pahihirapan si Marian dito.

May bagong na-discover ba siya kay Marian sa pagsasama nila ulit?

"Wala naman. Ganun pa rin siya. Sa set kasi, kain lang kami nang kain!"

Buti hindi sila tumataba?

"May pang-kontra namang tea. Kasi bawal kami tumaba, di ba?

"Parang hindi na bagay sa costume namin!" natatawang sabi ni Rochelle.

Kahit na kontrabida siya ni Marian, off-cam naman daw ay maganda ang bonding nila ng Primetime Queen ng GMA-7.

Ano ang nagustuhan niya kay Marian kaya sila nag-click na magkaibigan?

"Totoong tao si Marian," sagot ni Rochelle.

"Walang kaplastikan. Hindi siya showbiz.

"Sinasabi niya kung ano yung gusto niya at ayaw niya."

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

Ano ang masasabi niya sa negative issues kay Marian?

"Lagi ko lang sinasabi kay Marian na, ’Huwag mo na lang intindihin.

"Alam mo sa sarili mo kung ano yung totoo.

"Hindi mo kailangang mag-explain para kanino.’

"Si Marian naman kasi, alam niya naman iyan, e.

"Kaya hindi mo na siya kailangang pangaralan pa.

"Pero siyempre, nasasaktan din siya. Iiyak na lang ’yan.

"So, nandito lang ako, being her friend to support her, to comfort her."

NEW MANAGER. Simula raw sa June ay may bagong manager na si Rochelle sa katauhan ni Perry Lansigan.

Si Perry ayt manager din nina Dingdong Dantes, Jolina Magdangal, at marami pang iba.

"Happy ako na mapupunta na ako kay Perry," sabi ng dating miyembro ng SexBomb Girls.

"May tiwala naman ako na mahahawakan niya nang maayos ang career ko.

"Kita n’yo naman kung paano niya hinawakan ang career ni Dingdong at ng iba pa niyang talents."

Nagpaalam naman daw siya nang maayos sa dating manager na si Joy Cancio. Hindi na rin daw siya member ng SexBomb Dancers ngayon.

"Nag-usap naman kami ni Ate Joy," sabi ni Rochelle.

"Yung SexBomb naman, nakakasama ko pa rin pag nagsasayaw kami minsan sa Party Pilipinas.

"I will always be grateful na naging SexBomb ako.

"Pero siyempre, kailangan na nating mag-level up, di ba?

"And thankful ako na nandiyan si Perry to take care of me."


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN