Marian Rivera on "batukan issue" involving Manny Pacquiao: "Kasi sa totoo lang, kahit ako, binabatukan ni Kuya Manny. Ganun kami maglambingan, e."

"Nung wala pa nga siyang katungkulan, nung hindi pa siya congressman, nagsasapakan kami niyan, e! Pero siyempre, iba na ngayon. Naiintindihan ko naman ’yon. Okay lang ’yon," says Marian Rivera about "batukan issue" involving her and boxing champ and Sarangani representative Manny Pacquiao.


Sa kauna-unahang pagkakataon ay sinagot na ni Marian Rivera ang isyung pambabatok diumano niya sa Pambansang Kamao at Sarangani Congressman Manny Pacquiao.

Nangyari ang sinasabing insidente sa sabay nilang pagge-guest sa musical-variety show ng GMA-7 na Party Pilipinas noong May 15.

Sa panayam ng PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) kay Marian sa grand launch ng Amaya kagabi, May 23, sa Studio 7 ng GMA Network, ay nagbigay siya ng pahayag tungkol sa bintang na binatukan diumano niya si Manny.

Aniya, nagkausap na raw sila ng Pambansang Kamao tungkol dito.

"Noong isang araw, nag-usap kaming dalawa, as in magkausap kaming dalawa sa telepono.

"So, napag-usapan namin ’yan... Alam mo, natatawa na lang kaming dalawa.

"Ang napag-usapan na lang namin, ’Ang importante, tayong dalawa yung nagkakaintindihan.’

"Kasi sa totoo lang, kahit ako, binabatukan ni Kuya Manny. Ganun kami maglambingan, e. Ginaganun ako nun!"

Magkasama sa GMA-7 sitcom na Show Me Da Manny sina Marian at Manny.

Sa kabila nito, naiintindihan naman daw ni Marian kung sakaling iba ang naging interpretasyon ng ilan sa nakita nila.

"Siyempre, hindi ko rin naman masisisi ang iba na na-offend sa ginawa ko kay Kuya Manny. Humihingi ako ng pasensiya.

"Pero ganun kami maglambingan. Tulad nga ng sabi ko, kahit si Kuya, binabatukan ako nun, e."

Nagulat ba siya na nalagyan ng malisya ng iba ang simpleng biruan nila ni Manny?

"Siyempre, nagulat din ako, pero ganun kasi kami ni Kuya. Saka hindi naman... kasi nag-jerk siya, e.

"Sabi ko, ’Kasi naman Kuya, nagdye-jerk ka pa, e. Parang naganun ka lang, e...

"Kasalanan mo ’yan, Kuya,’" medyo natatawang sabi ni Marian tungkol sa naging reaksiyon ni Manny.

Pero hindi naman daw talaga sa ulo tumama ang hampas niya kundi sa bandang balikat lang ng boksingero.

Ano naman ang sabi ni Manny sa kanya?

"Wala, tawa lang siya nang tawa," sagot ni Marian.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

"Sabi niya, ’Nakakaloka, ’no? Ang importante, tayong dalawa nagkakaintindihan. Hayaan na natin.’"

Dagdag pa ni Marian, "Nung wala pa nga siyang katungkulan, nung hindi pa siya congressman, nagsasapakan kami niyan, e!

"Pero siyempre, iba na ngayon. Naiintindihan ko naman ’yon. Okay lang. ’yon.

"Sabi ko nga, ’Ang importante, Kuya, tayong dalawa nakapag-usap, malinaw lahat sa atin, nagkakaintindihan tayo palagi.’"

DENNIS TRILLO. Natanong din si Marian tungkol sa "kapatid" niya sa manager nilang si Popoy Caritativo na si Dennis Trillo.

Hiningan ng reaksiyon si Marian sa pinagdaraanan ni Dennis ngayon kaugnay ng breakup nito kay Jennylyn Mercado.

Sa tell-all interview ni Jennylyn sa YES! Magazine ay isiniwalat nito ang pangyayari na naging daan para maghiwalay sila ni Dennis. (CLICK HERE to read related story.)

"Siyempre, alam mo naiisip ko din ’yan, wala naman akong karapatang manghimasok diyan sa mga bagay-bagay na ’yan.

"Pero siyempre, naniniwala ako na malalagpasan din naman niya ’yan, yung mga problema...

"Wala naming hindi nalalagpasan. Kaya niya ’yan," saad niya.

Pero hindi pa raw sila nagkakausap nang personal ni Dennis tungkol dito.

CRISTY FERMIN. Samantala, masaya naman si Marian na nagkaayos na sila ng batikang kolumnista at showbiz talk show host na si Cristy Fermin.

Si Cristy ang isa sa madalas na bumabatikos kay Marian sa mga column nito sa tabloids, pati na sa mga programa nito sa TV5.

Paano sila nagkabati?

"Wala lang, parang nagkatinginan lang. Sa Bambbi Fuentes [salon].

"Wala lang. Wala ng anything. Nagkatinginan, nagkaayos," sabi ni Marian.

Sino ang gumawa ng unang hakbang para magkaayos na sila?

"Actually, pareho, e," sagot ni Marian.

"Nagkatinginan, nagkangitian, tapos siguro nagkahulihan ng loob. Tapos.

"Siguro wala nang mahabang conversation.

"At siya na rin ang may sabi na kapag may pinagsamahan din naman, natatapos din naman at bumabalik din naman.

"Happy ako na lahat magkakasundo, lahat masaya."

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

Ano ang pakiramdam na nagkaayos na sila ni Cristy?

"Ang sarap," sambit niya.

"Siyempre, sino ba naman ang gugustuhin mo na may kaaway ka? Kapag nakikita mo, may iiwasan ka?

"Siyempre, mas masarap na naiintindihan kung sino ba talaga si Marian Rivera.

"At minamahal bilang ako at walang halong, alam mo yun, kaplastikan or anything.

"Eto lang po ako. At ’eto yun. At mapagmahal naman ako."

Ano naman ang masasabi niya sa ibang detractors niya?

"Meron pa ba? Wala na!" may diin at natatawang sabi ni Marian.


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN