Wendell Ramos denies complaining about his workload in TV5

"Actually, masaya ako dito. Kasi, trabaho naman. At saka, masaya in a way, na sa panahon namin ngayon, kahit maraming bagong nagsusulputang artista, maraming bata, marami rin capable na gumawa ng character namin, hindi pa rin natatakot ang network na magbigay sa amin ng tiwala," says Wendell Ramos about being a Kapatid.


Natupad ang kagustuhan ng aktor na si Wendell Ramos na magtrabaho lang nang magtrabaho dahil halos araw-araw na siyang nagtatrabaho mula nang lumipat siya sa TV5.

Pero sa kabila nito, hindi na siguro maiaalis na madalas pa rin siyang matanong sa pagiging Kapuso niya noon, at kung paano niya ikukumpara ang dalawang networks.

"Pareho lang naman kasi sa GMA. Dati nga do’n, tatlo-tatlo rin [ang shows ko]. Hindi nga lang siguro nagkakasunud-sunod.

"Maybe dahil marami nga rin kami do’n, may mga ibang projects pa na hindi rin agad babagay sa akin. So, naibibigay sa iba.

"Ganoon lang yun," sabi ni Wendell sa panayam sa kanya ng PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) sa taping ng Babaeng Hampaslupa kahapon, May 24, sa Malabon.

Natawa naman si Wendell nang biruin namin siya na nagrereklamo na raw siya sa TV5 dahil wala na siyang pahinga.

"Hindi naman. Hindi totoo yun," sabi niya.

"Nagreklamo lang ako noong Holy Week... Pero hindi naman nagreklamo, parang nagtanong lang.

"Lahat yata nasa bakasyon na, pero kami, nagte-taping pa noon ng Babaeng Hampaslupa. Pero kailangan kasi naming maghabol.

"Actually, masaya ako dito. Kasi, trabaho naman.

"At saka, masaya in a way, na sa panahon namin ngayon, kahit maraming bagong nagsusulputang artista, maraming bata, marami rin capable na gumawa ng character namin, hindi pa rin natatakot ang network na magbigay sa amin ng tiwala.

"Which, so far, vice versa, napo-portray namin nang maayos. So, happy kami."

Kuwento pa niya, "Napag-usapan nga namin ni Carlos Morales... Nagkita kami rito, e, nakakasama ko na ’yan way back sa GMA pa.

"Sabi nga niya, ’Pare, nakakatuwa rin, iba ang Channel 5, ’no? Ang sarap ibigay yung mga natutunan natin. Ang sarap i-apply rito.’

"Which is, yun ang nagagawa namin."

ALICE DIXSON. Ginagampanan ni Wendell sa Babaeng Hampaslupa ang role ni Harry, na nagkakaroon ng interes sa character ni Alice Dixson bilang Diana.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

Ano ang masasabi niyang kaibahan ng role niya rito kumpara sa ibang mga nagampanan niya na?

"Wala naman halos, ganoon pa rin," sagot ni Wendell.

"Like yung mga directors ko, like si Direk Joyce Bernal, ganoon pa rin.

"Ganoon pa rin ang tiwala nila sa amin, kaya nag-e-enjoy ako at naibibigay ko ang best ko.

"Anyway, lahat naman ng ginagawa ko—mapa-light, mapa-heavy—hindi ko iniisip na, ’Ooops, raket ’to!’

"Hindi, e, lahat ’yan, trabaho."

Kung nagkataong parehong single sila ni Alice Dixson, posible kayang ma-in love si Wendell sa kanyang co-star?

"Oo naman, oo naman. Bakit naman hindi?" nakangiting sabi ng aktor.

Matagal kasing nawala sa showbiz si Alice at nagpunta ng ibang bansa kaya na-miss din daw ni Wendell na makaeksena ang aktres.

NEW SITCOM. Dahil matagal naging mainstay ng GMA-7 gag show na Bubble Gang si Wendell, parang naging bahagi na ng sistema niya ang isang comedy show.

Kaya thankful siya na bukod sa heavy drama na Babaeng Hampaslupa, may bagong sitcom siyang gagawin sa TV5—ang Sugo Mga Kapatid, na ipapalit sa Hapi-er Togeder.

Isang anghel daw ang gagampanan niya sa sitcom na ito.

"Ako bale yung sugo. Mas magiging focus sa character ng tatlo—si Long Mejia, Joey Marquez, at ako."

Nami-miss din ba niya ang paggawa ng gag show?

"Actually, ako, hindi mo na maiaalis na ma-miss ko ang Bubble Gang.

"Pero sa tagal na rin na nagsasama-sama kami, parang alam ko naman, wala naman akong nakasamaang loob kila Ogie [Alcasid], kila Bitoy [Michael V].

"At saka, enjoy rin akong makasama si Long dahil even before, kapag nagge-guest ako sa mga shows niya sa GMA, nag-e-enjoy ako.

"Noong storycon nga namin, sabi ko, I’m so thankful na makakasama ko siya ulit."

Kahit nasa Kapatid network na si Wendell ngayon, constant pa rin naman daw ang communication niya sa mga naging kaibigan sa GMA-7.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

"Si Antonio [Aquitania], nakakausap ko pa rin siya palagi, although nasa States siya ngayon.

"Si Ogie rin, nakakausap ko. Si Bitoy, wala yata siya rito ngayon.

"Although, parang nagkakatotoo na yung mga sinabi ni Bitoy, na anuman ang mga nagiging desisyon ko, hindi ko dapat pagsisihan dahil yung mga pagkakamaling inisip ko, e, magiging tama.

"So, yung paglipat ko rito, yun, tama. Kasi, gusto ko rin naman dati.

"Noong malaman kong lilipat ako, actually na-excite ako.

"Ang galing din naman dito sa bagong network ko," sabi ni Wendell.


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN