Yeng Constantino on her father: "Siya ’yong teacher ko, ’yong best friend ko."

"Wala pa akong plan, pero gusto ko yung kasama ko siya. Ang mahalaga magkasama kami," Yeng Constantino shares her plans on spending Father’s Day with her Papa Joselito.


Wala pang tiyak na plano si Yeng Constantino para sa Father’s Day ngayong Linggo, Hunyo 19, pero siniguro niya na gagawin niyang espesyal ang araw na ito para sa kanyang ama na si Joselito.

"Wala pa akong plan pero gusto ko yung kasama ko siya. Ang mahalaga magkasama kami," sabi ni Yeng nang makausap siya ng PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) sa shooting ng kauna-unahang music video ng Star Magic kamakailan.

"Ayaw no’n ng surprise, e," ang sabi niya na tila nahihirapan mag-isip nang tanungin namin kung paano niya susurpresahin ang kanyang tatay.

Naalala pa ng dating Pinoy Dream Academy grand winner, "Noong last Father’s Day binigyan ko siya ng mountain bike. Hindi naman niya ginamit."

Nabanggit din niya na hindi ito mahilig sa anumang magarbong selebrasyon.

Kaya naman naisip ni Yeng, "I think lalabas na lang kami, kasi, si Papa sobrang matipid. Kapag meron kaming mga bagay na binili sa kanya, feeling niya sobrang mahal, [sasabihin niya], ’Anak huwag na lang ’yan. Pwede naman tayong magluto sa bahay."

Ayon kay Yeng, maituturing na isa sa mga pinakamahalagang araw sa buhay niya ang panahong kasa-kasama niya si Tatay Joselito noong kalahok pa lamang siya sa PDA.

"Siya ’yong teacher ko, ’yong best friend ko," ang sabi ng singer tungkol sa kanyang ama na librarian sa Ateneo de Manila University.

Ngayong 22-years-old na siya, nagpapasalamat ni Yeng na pinagkakatiwalaan na siya ng kanyang ama sa kung anumang desisyon na gagawin niya.

Aniya, "They know na mahirap ’yon, pero masaya ako kahit bunso ako, nagkaroon siya ng heart na, ’Sige malaki ka na.’

"Para sa akin, feeling ko, ’yon ’yong pinaka-greatest na nangyari sa amin—na nabanggit ni papa na may tiwala siya sa akin."

At bilang pasasalamat, siniguro ni Yeng sa kanyang ama, "Sabi ko sa kanya, kung wala kang tiwala sa akin, magtiwala ka sa tinuro mo sa akin."

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN