PEP EXCLUSIVE: Rochelle Barrameda grateful for the arrest of suspect in her sister’s murder

"Dati, natakot ako na baka may masamang gawin kay Ruby kapag nagsalita ako nang hindi maganda laban sa kanila. Pero nang malaman ko kung paano siya pinatay at kung sino ang may kagagawan, naging vocal ako sa pagsasabi ng galit ko sa mga Jimenez," says Rochelle Barrameda.


Ipinagpapasalamat ni Rochelle Barrameda sa Diyos at sa mga pulis ang pagkakadakip kay Lennard Descalso, ang suspect sa pagpatay sa kanyang kapatid na si Ruby Rose Barrameda-Jimenez noong March 2007.

Matapos ang halos dalawang taon na pagtatago sa batas, nahuli si Descalso kaninang madaling-araw, June 17, sa Mariveles, Bataan.

Ikinatuwa ni Rochelle ang balita dahil ayon sa kanya, si Descalso ang nagpahirap at pumatay kay Ruby, base na rin sa testimony ni Manuel Montero, ang witness na lumantad noong 2009 dahil inuusig siya ng konsensiya.

Natatakot din si Manuel na siya ang isunod kay Ruby ng mga utak ng krimen.

Sa exclusive interview ng PEP.ph (Philippine Entertainment Portal), muling sinariwa ni Rochelle ang mga pangyayari tungkol sa mysterious disappearance ng kanyang kapatid noong March 2007 at ang pagkakadiskubre sa nawawalang bangkay noong June 2009.

Aniya, "Noong una, napakahirap na hindi namin nakakasama si Ruby. Clueless kami kung buhay pa siya.

"For two years and three months, mga psychic ang naging gabay namin.

"Kahit papaano, may nalalaman kami kung ano na ang mga nangyayari.

"May mga nagsasabi na buhay pa siya, may mga nagsasabi na patay na.

"Finally, lumutang si Manuel Montero at na-retrieve ang katawan ni Ruby.

"Naiburol at nailbing namin siya nang maayos.

"Nagkaroon ng kaso kaya may security na kami sa bahay at may security ako kapag umaalis, dahil ako ang nag-aasikaso sa kaso.

"Buti na lang, kahit papaano, may naitabi ako na panggastos hanggang sa naubos na rin.

"Nagbenta na ako ng kung ano-ano, alahas, bags... Ang utang ko, kaliwa’t kanan...

"Hindi na ako natatakot ngayon," patuloy ni Rochelle.

"Hindi rin namin hiningi na magkaroon ng security.

"Si General Roberto Rosales ang nagbigay ng security para sa seguridad namin.

"Lalong lumakas ang loob ko na labanan sila.

"Dalawang taon ako na nagkimkim ng saloobin, kahit alam ko na sila lang ang puwedeng gumawa ng ganoon kay Ruby.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

"Naging mahinahon ako.

"Dati, natakot ako na baka may masamang gawin kay Ruby kapag nagsalita ako nang hindi maganda laban sa kanila.

"Pero nang malaman ko kung paano siya pinatay at kung sino ang may kagagawan, naging vocal ako sa pagsasabi ng galit ko sa mga Jimenez."

Ang mga Jimenez na tinutukoy ni Rochelle ay ang pamilya ng asawa ni Ruby Rose.

Idinagdag ni Rochelle na naka-confine pa rin sa Philippine Heart Center si Manuel Jimenez Jr., isa sa mga akusado sa pagpatay sa kanyang kapatid na may dalawang anak na naulila.

"Hindi ko maintindihan kung bakit may mga tao na nagpapadala sa impluwensya at pera, kahit alam na nila ang brutal na nangyari kay Ruby.

"Napakatagal nang hindi namin nakikita ang mga anak ni Ruby.

"We’re not allowed to see them.

"Sana, ngayon, magkaroon na ng chance na makita namin sila."


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN