Rochelle Barrameda wants to see the suspect in the murder case of her sister Ruby Rose

"Siguro, no’ng nawala si Ruby from day one, masyado kong kinimkim ang galit ko kahit alam ko kung sino ang may kagagawan no’n. Naging maingat ako. Hangga’t maari ayokong mag-isip sila na sila ang tinutukoy ko, laging ibang tao. Kasi ayokong may masamang mangyari sa kapatid ko. Pero no’ng na-retrieve siya, at totoo lahat yung mga hinala ko kung paano siya pinatay, naging vocal naman ako..." says Rochelle Barrameda.


Nagkaroon ng panibagong lead sa murder case ni Ruby Rose Jimenez sa paglitaw ng natuturong suspek sa nagpahirap at pumatay dito na si Lenard "Spyke" Descalso. (CLICK HERE to read related story.)

Sa panayam ng PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) sa nakatatandang kapatid ni Ruby Rose na si Rochelle Barrameda, bago siya sumalang sa kanyang live guesting sa Sunday talk show ng TV5 ang Paparazzi nitong Linggo, June 19, sinabi niyang dalawang taon nang dinidinig ang kaso ng kanyang kapatid at mahigit na apat na taon na silang humihingi ng katarungan sa karumal-dumal na nangyari kay Ruby Rose.

"Hindi ko masasabing umuusad ang kaso dahil the last time na nag-hearing ang kaso, no’ng February 24 [2011], and up to now, wala pa rin kaming schedule," banggit ni Rochelle.

Sa Regional Trial Court ng Malabon dinidinig ang kaso ng kanyang kapatid.

"Kasi sa Malabon siya nakuha," paliwanag ni Rochelle, tungkol sa pagkakatagpo ng bangkay ng kanyang kapatid sa naturang lungsod.

"Actually, ayaw namin doon dahil nga unang-una, baluwarte nila doon."

Ang tinutukoy naman dito ni Rochelle ay ang pamilya ng asawa ng kanyang yumaong kapatid.

Aniya pa, "Mismong witness namin sinabi na talagang na baka may mangyaring hindi maganda tungkol sa kaso.

"Kumbaga, luto or ano, kasi nga ang dami nilang kaso before na kumbaga, panalo lahat sila, wala silang natalong kaso."

SUPREME COURT. Anong tsansang maibibigay sa kanila ang hustisya kung duda sila sa kredibilidad ng hustisya sa RTC Malabon?

"Ngayon, may mga nakakausap na rin akong iba kung ano yung next move namin.

"Tapos, hihingi rin ako ng tulong sa Supreme Court kung kinakailangan bang...

"Kumbaga, maghihintay ka nang matagal, tapos parang gawa na pala ang desisyon.

"So, napakalaking pag-uusap yun sa pamilya namin at sa abugado."

Ipinaliwanag ni Rochelle kung bakit gusto niyang tumakbo sa Supreme Court at umapela rito.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

"Kasi sa Supreme Court, sila kasi ang magdedesisyon kung puwede ba itong mailipat sa ibang korte.

"Like, we filed a motion na kung puwede for security reasons, every time na sa prosecution ang witness, sa Camp Bagong Diwa kami maghi-hearing.

"Pero pag ang mga witnesses ay sa defense, balik kami sa Malabon.

"Na-grant naman yun ng Supreme Court at nagpapasalamat kami kasi yung safety ng family namin at yung safety ng state witness namin."

SECURITY MEASURES. May ibinigay ba sa kanilang bodyguard para mapangalagaan ang kaligtasan ng kanilang pamilya?

"No’ng time na director pa si General Roberto Rosales, siya mismo ang nagbigay sa amin ng security.

"Sa bahay namin, sa akin, every time na lalabas ako.

"Kumbaga, ako yung speaker sa family.

"Pero no’ng nawala siya NCRPO (National Capital Region Police Office), nawalan na rin kaming security.

"Pero ngayon, ang daming tumatawag sa akin na doble ingat ako, especially yung nahuli is talagang...

"May past na rin na may kasong murder at nagkataong siya talaga ang pumatay sa kapatid ko.

"Siyempre, koneksiyon din sa asawa ni Ruby dahil kumbaga, nakita ko silang magkasama before dahil siya ang personal bodyguard no’ng asawa.

"Wala akong bodyguard ngayon."

Hindi ba siya natatakot na puwedeng may mangyaring hindi maganda sa kanyang dahil sa muling pagbuhay sa media ng kaso?

"Alam mo, for four years ha, even no’ng buhay pa si Ruby Rose, kumbaga, ang naging ano na lang namin, ngayon pa ba kami matatakot?

"Siguro, no’ng nawala si Ruby from day one, masyado kong kinimkim ang galit ko kahit alam ko kung sino ang may kagagawan no’n.

"Naging maingat ako. Hangga’t maari ayokong mag-isip sila na sila ang tinutukoy ko, laging ibang tao. Kasi ayokong may masamang mangyari sa kapatid ko.

"Pero nong na-retrieve siya, at totoo lahat yung mga hinala ko kung paano siya pinatay, naging vocal naman ako..." pagtukoy ni Rochelle sa nararamdaman niya sa pamilya ng asawa ng kanyang kapatid.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

THE SUSPECT. Positibo ba siya tungkol sa sinasabing suspect na si Spyke?

"Yes, ako mismo, no’ng time na buhay ang kapatid ko, nakita ko yung Spyke. Yung nahuli.

"No’ng time na hiwalay ang kapatid ko at ang asawa niya, yun ang laging kasama.

"No’ng time na nawala siya at nag-surrender itong aming state witness na si Manuel Montero, may bigla siyang binanggit sa amin na, ’May kilala ka bang Spyke?’

"Doon na ako kinabahan, doon na niya kinuwento kung paano... Although, wala pa yung katawan ni Ruby, pero naramdaman ko na, na totoo yung sinasabi niya.

"Isa pa doon, tinanong ko siya kung ano ang laman ng bag ni Ruby, lahat yun nahulaan niya.

"Even the cell phone, lahat yung sinabi sa akin ni Montero. So, doon pa lang.

"Pati yung suot ni Ruby, ultimo yung picture ko na itinago ni Ruby sa wallet niya, alam ni Montero, nasabi niya sa akin.

"Saka nai-describe niya sa akin yung bag, yung mga cell phones. Doon pa lang, napaniwala na niya ako.

"May of 2009 yun. Ang sinasabi ko na lang, kailangan makita ang katawan niya [Ruby Rose].

"Kumbaga, doon, mapapanatag ako. That time, masasabi ko na talagang wala na ang kapatid ko. "

THE ORDEAL. Patuloy ni Rochelle, "No’ng dumating na yung pinaka-truck na pinaglagyan ng steel case, kung ano yung kaba ko na nawawala ang kapatid ko at hindi ko na siya makontak, gano’n na gano’n ang naramdaman ko.

"No’ng mabuksan ang drum...guided pa ako ni Montero noon, e. Kasi sinasabi niya sa akin.

"Hindi pa alam ng SOCO kung ano ang gagawin nila. So, ako yung nagga-guide sa kanila.

"Hindi ko alam na yung witness namin nandoon sa Crame, ’Rochelle, huwag diyan, nandiyan yung ulo ni Ruby baka tamaan.’

"Kasi nakikita niya kung ano ang ginagawa ng SOCO. ’Rochelle, huwag diyan baka tamaan ang likod ni Ruby, dito ninyo buksan.’

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

"Ako yung nagga-guide kung paano buksan no’ng SOCO yung case.

"Ang masakit kasi sa akin na nandoon pa yung rope na pinansakal sa kanya... yung paa nakatali pa.

"May tape yung mukha niya...tineyp yung mukha niya. Akala ko nakatali yung kamay niya, naka-fetus position siya.

"Ang ginawa no’ng Spyke...Pero wala sa affidavit ni Montero, kasi ang alam niya talaga rope. Hindi niya alam na pinosas pala.

"Parang sobra naman!"

Nandoon si Montero habang isinasagawa ang pagpaslang kay Ruby?

"Oo, kasi siya ang nagsabi kung paano patayin si Ruby.

"Kasi sa ano, ang ibang victims, may ginamit silang panaksak, nagkaroon na parang namaho sa lugar nila.

"So, ibig sabihin, kung ano ang kapalpakan nila in the past, pinerfect nila dito kay Ruby," kuwento ni Rochelle.

Ibig sabihin, patay na si Ruby no’ng ilagay siya sa steel case at saka sinementuhan?

"Oo," pagkumpirma ni Rochelle.

"Yung nakita doon sa autopsy, meron siyang broken rib sa dibdib.

"Ang ikinamatay niya talaga dahil sa sakal at hindi na siya makahinga.

"Kaya pala siya may broken rib dahil si Spyke, ginamit yung tuhod niya, tinuhod yung dibdib niya.

"So, sabi ko nga, sobra-sobra ang galit ko sa taong ito dahil nagkaroon kami...sila ni Ruby Rose ng confrontation during the time na nag-file ng case against the husband.

"So, siya ang kasa-kasama, hinarang kami.

"So, sinabi ni Ruby Rose sa kanya, ’Bakit? Pulis ka ba? May baril ka ba?’" na tinutukoy nito ay si Spyke.

Pinaplano ni Rochelle na makita uli ang natuturong suspek sa pagpaslang sa kanyang kapatid.

Wala raw siyang sasabihin sa lalake dahil ang mas gusto niyang marinig mula sa bibig nito ang pag-amin sa ginawa nitong krimen kay Ruby Rose.


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN