Aljur Abrenica on Kylie Padilla: "Sa ngayon po kami ni Kylie, exclusively dating. Wala na po akong ibang nakakasama kundi siya lang."

Si Kylie Padilla daw ang nagbibigay inspirasyon kay Aljur Abrenica (in photo) kahit sinasabing "exclusively dating" lang sila.

"Sobrang inspired ako sa kanya. Sana inspired din siya sa akin. Ngayon kasi, wala namang problema, magaan naman lahat. Kumbaga, ako ngayon ini-enjoy na lang yung pagkakataon," Aljur says.



Hindi na nakaiwas sina Aljur Abrenica at Kylie Padilla nang nakita sila ng PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) na magkasama sa event ng Mowelfund na PinilakangTabing.

Dito ipinagdiwang ang 92nd anniversary ng movie industry na ginanap sa Cultural Center of the Philippines nung nakaraang Miyerkules, June 22.

Napansin namin na mag-isang dumating si Aljur sa CCP, pero nang umalis ito, magkasama na sila ni Kylie.

Nang sinalubong ito ng media, umiwas na ang young actress at mabilis itong nakasakay sa kotse ni Aljur.

Kasama rin nila na umalis si Bela Padilla na malapit din kay Kylie.

Kinukuwento ni Bela na nagkakasama sila ni Kylie sa mga gathering ng pamilya at napapag-usapan naman daw nila si Aljur pero ayaw naman niyang i-share sa amin kung ano ang kanilang napapag-usapan.

"Minsan, oo, napapag-usapan namin. Pero hindi naman ganung topic ang pinag-usapan namin lalo na pag nandiyan ang buong pamilya. Sobrang conservative sila, saka top secret yun," natatawang sagot sa amin ni Bela.

Ganun pa rin ang sagot ni Aljur tungkol sa relasyon nila ni Kylie.

"Sa ngayon po kami ni Kylie, exclusively dating. Wala na po akong ibang nakakasama kundi siya lang."

Ito rin daw ang nagbibigay sa kanya ng inspirasyon kahit sinasabing "exclusively dating" lang sila.

"Sobrang inspired ako sa kanya. Sana inspired din siya sa akin. Ngayon kasi, wala namang problema, magaan naman lahat. Kumbaga, ako ngayon ini-enjoy na lang yung pagkakataon," seryoso niyang pahayag.

Tingin din daw niya ay wala na silang problema kay Robin Padilla dahil nakakarating naman daw sa aktor ang madalas nilang paglabas.

Nagpapaalam daw siya sa mga kasamahan ni Kylie na inaasahan niyang nakakarating ito kay Robin.

"Wala namang problema sa nakikita ko e.

"Si Tito Robin, sa pagkakakilala ko po sa kanya, sobrang malawak naman ng pag-unawa niya. Sa nakikita ko, napaka-understanding niyang tao," sambit ni Aljur.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

Sinadya ng PEP si Robin sa event ng People Asia Magazine nung nakaraang Huwebes ng gabi. Isa siya sa binigyan ng award na napabilang sa Men Who Matter. Hiningan namin ng reaksyon sa madalas ngang paglabas ng kanyang anak kasama si Aljur.

May basbas nga ba ito sa kanya? Nakakarating nga ba sa kanya ang pagpapaalam ni Aljur kapag nagdi-date sila ni Kylie?

"Ang importante sa akin masaya yung anak ko," pakli nito. "Kilalanin niya yung anak ko, kilalanin niya yung pamilya nung anak ko magkakasundo kami.

"Okay na yun huwag nang dumaan dun sa kabaduyan na magpapaalam, baduy pa yun.

"Umalis na si Kylie sa akin, so ibig sabihin nun may sarili na siyang disposisyon.

"Ngayon bilang lalaki, respetuhin niya yun kasi ako nirespeto ko yung anak ko yung kalayaan niya nirespeto ko. Respetuhin din niya para hindi kami mag-away yun lang yun," seryosong sagot ni Robin.

"Matanda na yung anak ko; 18 na siya. Alam na niya kung anong tama at mali. Mapapagulo lang ako ng isip niya, importante paalala lang tayo."

Ang hindi lang handa si Robin ay ang ideyang magpapakasal na ang mga dalaga niya, lalo na si Kylie dahil napakabata pa raw nito.

"Ay hindi pa ako handa diyan! Huwag! Sayang!" bulalas ng aktor.

"Ang ma-advice ko sa mga anak ko, ang dami pong mga lalaki e. Sayang naman kung sa murang edad e, magpapatali na kayo.

"I-enjoy lang kasi. Isang beses lang tayong dadaan sa pagka-single.

"Pag nag-asawa ka na, mahiwalay ka man o hindi isa na lang ang lalaki sa buhay mo — yung nauna na yun. Para sa akin e... enjoy."

Pero kung sakaling hindi maiwasang magdesisyon na ngang magpakasal ang kanyang anak, wala na raw siyang magagawa.

"Kung hindi na talaga maiwasan, siguraduhin lang nilang kaya silang pakainin nung magiging asawa nila.

"Kung hindi, kawawa naman ako nagdagdag pa ng isang bunganga! Naku ang labo naman nun!" natatawang sagot nito sa amin.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

"Sana nga inspirasyon nga nila yung bawat isa.

"Huwag nilang masira yung career ng bawat isa, panatilihin nila yung kung ano man yung kinatatayuan nila ngayon dahil napakadaming artista ngayon.

"Baka malingat ka lang, nakalimutan ka na ng tao e, sayang ang oportunidad," sambit ng aktor.


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN