Ricky Rivero recounts his ordeal two weeks after stabbing incident

"Sa puso ko, siguro masasabi ko na in a way napatawad ko na siya sa ginawa niya sa akin. Pero he has to suffer the consequences of what he did," says actor-director Ricky Rivero about stabbing suspect Hans Ivan Ruiz.


Halos dalawang linggo pagkatapos ng pagkakasaksak sa kanya ay humarap sa kauna-unahang pagkakataon ang actor-director na si Ricky Rivero para sa isang exclusive taped interview sa The Buzz na ipinalabas kahapon, June 26.

Matatandaang noong madaling-araw ng June 13 ay nagtamo ng labimpitong saksak sa iba’t ibang bahagi ng kanyang katawan si Ricky. (CLICK HERE to read related story.)

Ang suspect sa pananaksak ay si Hans Ivan Ruiz, isang 22-anyos na nakilala ni Ricky sa social networking site na Facebook.

Si Ricky ang mismong nagmaneho ng kanyang sasakyan papuntang hospital para maagapan ang mga natamo niyang sugat. At sa kabutihang-palad naman ay naligtas siya mula sa kapahamakan.

Sa panayam ni Boy Abunda sa kanya sa The Buzz ay isiniwalat ni Ricky ang pangyayari na muntik nang ikinakitil ng kanyang buhay.

Una munang kinumusta ni Boy ang kalagayan ngayon ni Ricky.

"I’m recovering well," simula niya.

"Medyo masakit pa ang mga sugat kasi mas malalim ’yong iba doon sa iba...

"Parang na-puncture ’ata ’yong isang area ng lung ko, ’yong right lung, so they have to put a tube.

"Ito yong medyo malalim talaga."

Pagkatapos nito ay inilahad na ng second unit director ng Mula Sa Puso ang nangyaring insidente sa kanila ni Hans.

"Noong Sunday pa lang ng gabi [June 12], nag-text-an na kami ni Hans na gusto niyang mag-sleep over sa bahay.

"Sinasabi ko sa kanya na medyo busy ako, but he was insistent.

"’Sige,’ Sabi kong ganoon. ’Pero mga 11 pa siguro ako pupuwede.’

Sabi niya, ’Sige, hihintayin kita.’"

Ito ba ang unang pagkakataon na nagtanong siya kung puwede itong makitulog sa bahay niya?

"No, no. This is the third," sagot ni Ricky.

"Nakitulog na siya noong una, tapos ’yong pangalawa na makikitulog siya was Thursday before noong Sunday.

"Hindi lang natuloy ’yong pagtulog niya talaga, tumawag ’ata ’yong stepmother niya sa kanya at sinabing dinala ang daddy niya sa ospital so kailangan niyang umuwi."

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

Patuloy niya, "Sabi ko sa kanya, ’Akala ko ba binabantayan mo ang daddy mo?’

"Sabi niya, ’Lalabas na kinabukasan.’

"’O sige, Sabi ko, ’Kung ganoon, basta magtext-text na lang.’

"Anyway, to cut the long story short, nag-usap kami.

"Sabi niya, ’Mga 10 o’ clock papunta na akong Quezon City.’ So, magkita na lang kami sa may kanto ng Edsa at Timog.

"So mga bandang bago mga-12 [midnight], nasundo ko na siya.

"Sumakay siya ng kotse, nag-usap-usap ng sandali, dumating kami sa bahay, binigyan ko siya ng pantulog at nanood kami ng TV.

"And then, after siguro 30 to 45 minutes, sabi ko, ’Parehas pa tayong maaga bukas. Mag-a-alarm na ako ng 6:15.’"

Tinanong ni Boy si Ricky kung nabanggit ba sa kanya ni Hans, simula noong sinundo niya ito sa kanto ng Edsa at Timog, na kailangan niya ng tulong? Binanggit ba nito na buntis ang kanyang girlfriend?

"Wala, hindi siya humingi ng pera," sabi ni Ricky.

"Pero noong Thursday night [June 23] na nagpaalam siya na uuwi siya dahil sa dad niya, inabutan ko din siya.

"Anway, nandoon na kami sa bahay, nanood ng TV, nakapagpalit na ng pantulog, pinatay ko na ang ilaw, tapos natulog na kami nang maayos."

Ayon kay Ricky, mga ala-una raw ito ng madaling-araw.

THEN IT HAPPENED... Ano ang nangyari pagkatapos?

Kuwento ni Ricky, "And then, nagising na lang ako, nandito siya sa ibabaw ko, tapos sinasaksak na niya ako nang sinasaksak.

"Noong dumilat ako, nakita ko na siya na nandito sa ibabaw ko, akala ko para akong binabangungot.

"And then, tuloy-tuloy lang siya sa pag-ganoon, tsaka ko naano na this is happening.

"So, sinimulan ko na siyang labanan. Sinasabi ko sa kanya, ’Bakit mo ako sinasaksak? Bakit mo ako sinasaksak?’"

Anong sabi niya?

"Hindi siya nagsasalita, basta tuloy-tuloy lang siya sa pagsaksak sa akin.

"So, nag-struggle kami hanggang nahawakan ko siya sa wrist, binaligtad ko ang pwesto.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

"So, ang nangyari sa amin mula noong nakaganito ako [nakahiga], umiiwas.

"Kasi nakikita ko, wala kasi akong T-shirt noong gabing natulog ako noon, so nakita ko na ang dami ko nang dugo.

"So, ’yong nahawakan ko siya sa wrist, nagbaligtad kami sa pwesto. ’Yong na-pin down ko na siya..."

Dumudugo ang katawan niya?

"Oo, dumudugo," tugon niya.

"[Nakita ko] wala na ’yong kutsilyo. Sabi ko, ’Bakit mo ako sinasaksak? Tama na, tama na!’

"Tapos, nakikita ko sa mukha niya parang nako-confuse na, nag-die down ’yong rage niya...

"Galit, nanggigigil sa pagsaksak sa akin talaga.

"Sa isip ko, ’Anong nangyari? Parang maayos naman tayong natulog, wala naman tayong pinag-awayan.’

"So, ’yong time na na-pin down ko siya, nag-subside ’yong rage niya, tumakbo ako ng banyo kasi puro dugo na ako, gusto kong makita kung gaano karaming tama meron ako."

Tumakbo siya sa banyo, ibig sabihin malakas pa rin siya?

"Oo, wala akong naramdaman, wala akong naramdaman noon.

"Pagtakbo ko sa banyo, binuksan ko ang shower, tumama ang tubig sa tiyan ko, nakita ko ang dami ko nang tama sa tiyan, ang dami kong tama dito sa tagiliran, dito sa chest area.

"Sa isip ko, ’Kailangan ko nang pumunta ng ospital.’

"Paglabas ko ng banyo, kukunin ko na ang susi ko, sinalubong niya ako ng tuwalya, tapos tinalian niya ako sa leeg.

"Nahiga kami parehas sa sahig. So, nandito siya sa likod ko," pagmumuwestra pa niya.

Ano ang intensiyon?

"Dito nagsalita na siya. Ang sabi niya sa akin, ’Kailangan ko ng pera. Mamamatay ang tatay ko, kailangan ko ng pera!’

"Sabi ko sa kanya, ’Oo, bibigyan kita ng pera pero kailangan kong pumunta ng ospital ngayon na.’

"Tapos nag-struggle kami, pumiglas ako, nakuha ko ang susi ng kotse ko, ’yong bag ko, tapos tumakbo na ako palabas ng unit ko."

Hindi siya sumigaw?

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

"Sumigaw na ako noong nasa labas na ako ng unit," sabi ni Ricky.

Hinabol ba siya ni Ivan?

"Sumunod siya, lumalakad siya pasunod. Patakbo ako, sumisigaw na ako, nakita ko na sumusunod siya sa likod ko.

"Nakita ko ang isang kaibigan ko. Sabi niya, ’Pare, anong nangyari?’

"Sabi ko, ’Sinasaksak ako, sinasaksak ako nito.’

"And then eksakto palabas siya ng gate, so nakita ko parang sinusuntok na siya ng kaibigan ko.

"Ako dumiretso na ako sa kotse ko, nag-drive off na ako papuntang Heart Center."

THE STAB WOUNDS. Kailan siya nahimasmasan tungkol sa nangyari?

"Noong time na nagda-drive ako papuntang Heart Center, ang pinagdarasal ko, ’Lord, huwag lang akong mawalan ng malay-tao. Makarating lang ako sa ospital nang may malay-tao.’

"’Yon ang pinagdarasal ako, umabot lang ako ng ER.

"Hindi ko alam kung gaano kalalim yong tama.

"’Umabot lang ako ng ER, Lord.’ Nakarating ako ng ER.

"I was awake hanggang makalipat ako ng St. Luke’s.

"Hinintay ko na marinig ko ang word na ’stable na siya.’"

Ayon kay Ricky, steak knife ang ginamit na sa pananaksak sa kanya, taliwas sa naunang report na ito ay bread knife.

So, matalim?

"Matalim, oo. Matalim talaga. Hindi lang mataba ’yong blade... Patusok din ang dulo.

Ilan lahat ang stab wounds niya?

"According sa doctors, 17," sagot niya.

Ayon sa suspek ay hindi niya alam kung ano ang kanyang ginagawa.

"Pupuwede ba ’yon?" natatawa namang sabi ni Ricky.

"Siyempre, may malay-tao siya.

"Nag-i-struggle kami, ang tagal namin na sinasabihan ko siya na, ’Tama na, bakit mo ako sinasaksak? Tama na, bakit mo ako sinasaksak?’

Galit na galit ba ang suspek, nakita niya ang rage?

"Gigil na gigil. Siya talaga, ayaw niyang tigilan ang pagsasaksak sa akin."

THE SUSPECT’S ALIBIS. Sinasabi ni Hans na hindi niya alam ang kanyang ginagawa, malaking kasinungalingan, oo o hindi?

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

"Siya lang ang makakasagot niyan, pero hindi ako naniniwala diyan," sagot ni Ricky.

Noong nagkita ba sila, hindi ito mukhang naka-drugs, lasing, nakainom?

"Hindi siya nakainom, that I’m sure of. Hindi siya nakainom.

"’Yong drugs, hindi ko masabi, maayos naman siyang kausap.

"He was... Hindi naman siya madaldal talaga, tahimik siyang tao."

Pero walang indication na naka-drugs ito?

"Wala," sagot ni Ricky.

"Noong nag-uusap sila mula sa Timog pauwi sa bahay ni Ricky, walang indication na may problema?

"Maayos nga kami."

Walang indication?

"Wala kaming pinag-aawayan."

Kinontra rin ni Ricky ang pahayag ni Hans na sinubukan nitong tulungan siya.

"No, of course not!

"Kung gusto niya akong tulungan, bakit niya ako tinalian sa leeg, [at] nanghihingi siya ng pera sa akin?

"Dapat nilagay niya sa tiyan ko [ang tuwalya]..."

Para tumigil ang dugo?

"Correct. Wala siyang intensyon na tulungan ako."

THEIR RELATIONSHIP. Sa puntong ito ay tinanong ni Boy si Ricky kung ano nga ba ang tunay na ugnayan nila ni Hans Ivan Ruiz.

Boyfriend niya ba ito?

"Si Hans Ruiz, nakipagkilala siya sa akin sa Facebook a few months ago.

"To make things clear, hindi ko siya boyfriend.

"Alam ko na may girlfriend siya.

"Wala kaming relasyon, magkaibigan lang kami ni Hans."

Bilang magkaibigan, ilang beses sila nagkita ni Hans?

"Four," sagot ni Ricky.

Bakit niya pinatulog sa kanyang bahay si Hans? May sapat na tiwala ba siya rito?

"Kasi ilang beses na din kaming nakalabas, nakatulog na din naman siya.

"It wasn’t his first time na makatulog sa bahay. Okay naman," sabi niya.

Sinagot din nang diretso ni Ricky ang tanong kung may sexual relationship sila ni Hans.

"Oo, may nangyari sa amin," pag-amin niya.

"Of course, hindi naman ako magsisinungaling.

"Of course, something happened already in the past."

Pero walang commitment, walang usapan na sila na?

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

"Maliwanag ang usapan na hindi [kami]."

Ani Boy, "Ako, parati kong sinasabi, choice nang kahit sino, ikaw choice ko, choice mo ang magpatuloy sa ating tahanan. Pero ’yong choice na ’yan na walang karapatan ang kahit sino na manakit, pumaslang..

Sabi naman ni Ricky, "Yes, of course. Siyempre, pinagkakatiwalaan mo nga iyong tao, tapos ganoon ang gagawin sa’yo, hindi naman ’ata tama ’yon."

Sabi pa ni Ricky, hindi pa sinusubukan ni Hans at ng pamilya nito na kausapin siya.

THE MEETING. Kinahapunan ng June 13 ay positibong kinilala ni Ricky si Hans nang dalhin ng mga awtoridad ang suspek sa St. Luke’s kung saan dinala ang direktor.

Kumusta ang pagkikita nilang ’yon?

"Medyo ninenerbyos din ako," sabi ni Ricky.

"Sinabihan ko din ang pulis at people who were with me that time na huwag siyang papasukin sa room."

Bakit?

"Natakot ako. Hindi pa ako nakaka-recover," paliwanag niya.

Pagkatapos nito ay ikinuwento na ni Ricky ang muli nilang paghaharap ni Hans.

"’Yon, noong sinabi ng pulis na ’kailangan mong i-identify,’ tapos bumukas ’yong pintuan, may lumakad na tatlong lalaki, naka-civilian, tapos tinanong ako ng pulis kung sino sa kanila.

"Tinuro ko siya. Tapos tinitingnan lang niya ako, tinitingnan ko din siya.

"Pagkaturo ko, dinescribe ko kung ano ang suot niya.

"Nung naturo ko na, umokay na ang pulis, I looked away already.

"Di na ako tumingin. Umiwas na ako ng tingin."

Magsasampa ba siya ng kaso?

"Yes," sagot ni Ricky. "Nag-aantay na lang ng subpoena kung kailan ang arraignment."

Paano siya nabago ng karanasang ito?

"Siyempre, nagpapasalamat ako sa mga nakakasalubong ko na kinakumusta ako ng ’We prayed for you.’

"Naano ako sa laki ng maraming mga tao na nagdasal sa akin."

Did he expect the outpouring of love and concern?

"It was so overwhelming," sabi niya.

Mapapatawad ba niya si Hans?

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

"Pinagdarasal ko ’yan araw-araw," sambit niya.

"Sa puso ko, siguro masasabi ko na in a way napatawad ko na siya sa ginawa niya sa akin.

"Pero he has to suffer the consequences of what he did."

Ano ang nais niyang sabihin kay Hans?

"I have nothing to say."

Ano naman ang advice niya sa lahat, partikular na sa ibang mga bakla?

"’Yon lang siguro, be careful," sabi ni Ricky.

"Pag may times na medyo may pagdududa ka sa isip mo, make sure you inform your friends kung sino ang kasama mo."

Sa palagay ba niya ay isang hate crime ang nangyari sa kanya?

"Truthfully, hindi ko masasabing oo, hindi ko masasabing hindi.

"Pero doon sa circumstances na nangyari, itong lahat ng nangyaring ito, parang leaning towards na yes, it’s a hate crime.

"Pero in my heart, hindi ko maisip na may taong puwedeng magalit nang ganoon kagrabe sa akin, or any gay person, na wala akong
ginagawa."

Gusto niya bang makulong si Hans?

"Kailangan. Justice has to be served," sagot ni Ricky.


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN