Two househelps accuse Maricel Soriano of maltreatment; actress remains mum

Actress Maricel Soriano is now caught in a controversy after two of her former househelps accuse her of maltreament.

"Kailangan naming lumaban. Para sa hustisya namin. Trauma na ho ’to. Hindi ako makatulog sa gabi kasi naririnig ko ang mura niya," says May Cachuela, one of the househelps.


Tinalakay sa The Buzz kahapon, July 3, ang tungkol sa reklamo ng dalawang kasambahay dati ng Diamond Star na si Maricel Soriano.

Inaakusahan ng dalawang kasambahay na sina May Cachuela, 22, at Camille Acojedo, 18, si Maricel ng pagmamaltrato diumano sa kanila.

Kumalat ang isyu na ito nang dumulog sa tanggapan ng radio commentator na si Mon Tulfo ang mga dating kasambahay ni Maricel, na diumano’y dumanas ng verbal at physical abuse mula raw sa kanilang amo.

Kuwento ng radio commentator sa The Buzz, "May tumawag sa amin, yung ate ni May na taga-Zambales, na binugbog daw yung kanyang kapatid ni Maricel Soriano.

"Itong staff ko, sinabi na patakbuhin mo sa barangay. Kinaumagahan, sinundo ng assistant ko, pina-medical, tapos sinumbong sa barangay."

Noong July 1, Friday, nakapanayam ng The Buzz ang dalawang kasambahay na nagrereklamo.

Isang Inday Castillo raw ang nag-recruit sa kanila para maging kasambahay ni Maricel. Personal assistant daw ng aktres si Inday.

Noong June 18 lang daw sila namasukan sa pamamahay ng aktres sa Rockwell City, Makati, kunsaan nakatira rin ang anak ni Marya na si Sebastien kasama ang dalawa pang kasambahay.

Ayon kay Camille, "Noong una po, okay naman po. Kasi po si Ma’am, kapag may bisita, mabait po talaga siya."

MARICEL’S "WORDS." Ang mga masasamang salita raw na ibinabato sa kanila ng aktres ang unang nakaapekto sa dalawang kasambahay.

Kuwento ni May, "Unang pasok ko po do’n, laging mura ang naabot. Laging mura kahit may ipapaabot lang ho siya, magmumura siya.

"Si Ma’am ho, ayaw ho niya ng konting mangatwiran kami. Gusto niya ho, lagi ho siyang tama, siya lagi ang pakikinggan."

Sabi naman ni Camille, "Naranasan ko lang ho kay Ma’am talaga, yung pagmumura niya. Kasi po, hindi po talaga namin masikmura yung mura niya.

"Talagang ipapamukha niya pa kung gaano kalutong. Parang pinapakain niya po sa amin ang mura niya."

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

Dagdag pa ni Camille, may time daw na hindi sila nakakain sa oras.

Aniya, "Kakaasikaso po sa kanya kaya hindi po kami makakain sa oras. Sa sorang pag-aasikaso, sobrang pag-aano ng bahay niya. Minsan po, hindi namin alam, hindi pa po pala kami kumakain."

Ayon naman kay May, na hindi na napigilan ang umiyak, "Kasi doorbell siya nang doorbell. Hindi na ako masyadong kumakain kasi doorbell siya nang doorbell, tawag siya nang tawag."

THE JUNE 29 INCIDENT. Pero ang talagang naging dahilan daw ng pag-alis nila sa poder ng aktres ay ang nangyari noong June 29, Miyerkules.

Ayon sa kuwento ni May, "May recording daw ho siya. So, nag-aayos po kami ng gamit niya. Ako ang taga-ayos ng bag niya.

"May inaayos ho siya na mga ano, mga kulay yellow. Hindi ko ho alam na bitbit ho no’ng isang katulong namin.

"Tapos may hinanap na naman ho siya, yung bilog na pang-makeup daw ho niya. Hindi namin mahanap.

"So, yun, nagwala na ho siya. Nagmumura. Sabi niya, ’Papatayin ko kayo!’

"Tapos po yung cigarette case niya, sabi niya, ’Abot mo sa akin ang cigarette case ko.’ So, inabot ko ho sa kanya.

"Tapos yun, noong inabot ko sa kanya yung cigarette case niya, umiiyak po ako kasi hindi ko mapigilan.

"Noong lumapit si Sir Tien, tapos noong ano na, noong inabot ko ang cigarette case niya, sinipa niya ho ako rito [sa hita].

"Sabi ko, ’Ma’am,’ sabi ko, ’masakit po, masakit po.’

"Tapos yun po, noong ano na, noong sabi niya, ’Iiyak ka pa? Magpa-medical ka kung gusto mo!’

"Sabi niya, ’Hindi ako matatakot sa ’yo! Magdemanda ka, sige, magdemanda ka! Marami akong pera! Hindi mo ako kaya!’"

Umabot pa raw sa puntong muntik nang maglabas ng baril ang aktres.

Sa patuloy pa ring salaysay ni May, "Babarilin kita!’ sabi niya. Kukuha na siya ng baril, e.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

"Noong malaman ni Sir Tien na kukuha na siya, pumunta ho siya sa akin. Niyakap niya ako.

"Sabi niya, ’Please Mom, don’t do that! Don’t hurt her! Ako na lang, please. Kung gusto mong gawin ’yan, ako na lang, please. Unahin mo na lang ako. Ako na lang saktan mo!’

"So, yun, nagpapasalamat ako kay Sir Tien.

"Sabi ko, ’Sir Tien, please, huwag mo ’kong iiwan, please. Dito ka lang,’ sabi ko sa kanya.

"Hindi niya [Maricel] nagawa dahil nandoon si Sir Tien. So, umalis na ho siya dahil nagmamadali raw ho siya."

Bandang alas-onse raw ng gabi ay bumalik muli sa condo unit si Maricel at muli raw ipinatawag sina May at Camille.

Kuwento ni May, "Pinatawag niya kami, minura-mura niya ako. ’Bakit,’ sabi niya, ’Ano, iiyak ka pa? Sige nga, magdedemanda ka? Hindi mo ako kaya, May! Isa ka lang hampaslupang katulong!’

"Nanginginig ho kaming dalawa. Hindi namin alam kung ano ang gagawin namin."

THE "ESCAPE." After that confrontation, doon daw nagdesisyon sina May at Camille na tumakas mula sa 46th floor ng condo hanggang sa pababa ng lobby ng building.

Ayon kay May, "Noong dumating po ang dalawang katulong, tinanong namin sila kung gusto nilang bumaba. Kami, ayaw na namin talaga.

"Nagpa-ano kami sa mga security guards, sa mga admin. ’Sir, please, tulungan n’yo kami. Tumakas lang kami. Itago n’yo kami, please lang.’ E, di itinago nila kami."

Nang malaman daw ni Maricel na tumakas sila, lalo raw nagalit ang aktres.

Ayon sa salaysay ni May, "Nagwala ho siya. Tumawag ho siya sa admin at sinasabing pabalikin daw ho kami.

"Noong tinawagan ko ang driver nila, sabi ko, ’Kuya, please, gusto ko nang umuwi. Tawagin mo na si Sir Tien, pababain mo na. Siya na lang ang mag-ano...’

"Sabi niya, ’O, sige, sige, aanuhin ko,’ sabi naman ng driver ni Ma’am Maricel.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

"Noong ano na ho na yun, pinirmahan na ho ni Sir Tien ang clearance namin."

Kailangan ng clearance lahat ng mga kasambahay na umaalis sa building.

STEALING ACCUSATION. Pero pinaratangan naman ni Inday Castillo, ang sinasabing assistant ni Maricel, ang dalawang kasambahay ng pagnanakaw.

Pero mariin itong pinabulaanan ni May. Aniya, "Ang sabi ho ni Ma’am Inday, nagkakalkal daw ho ako ng bag niya. So, binabaligtad ho kami ngayon.

"Ang masasabi ko lang, kung magnanakaw ho kami, kung may ninakaw ho kami, e, bakit wala silang nakita sa clearance?

"Kinapkapan na ho kami ng mga security, ng mga ano, piniktyuran ang mga bag namin. Lahat ng mga dala namin, wala ho silang naano, e."

Nagpa-blotter na raw ang dalawa sa Barangay Poblacion, Makati.

Naka-schedule na rin diumano ang hearing para sa dalawang kampo sa July 6.

Kapag umabot daw sa dalawang beses na hindi sumipot si Maricel sa hearing ay maaari na siyang kasuhan sa pulis.

Ayon pa kay May, "Marami na raw ho na katulong na bumaba na sinasaktan daw ho niya [Maricel]. Na sinabuyan ng mainit na tubig, na pinupukpok ng kung ano-ano.

"Hindi ho sila lumaban. Yung mga katulong na yun. Ewan ko kung dahil binayaran ho ba sila."

Dugtong pa niya, "Kailangan naming lumaban. Para sa hustisya namin. Trauma na ho ’to. Hindi ako makatulog sa gabi kasi naririnig ko ang mura niya."

Ayon pa sa report ng The Buzz, lumisan na rin daw ang dalawang natitirang kasambahay ni Maricel noong Biyernes ng gabi, July 1.

NO REACTION FROM MARICEL. Samantala, sa kabila ng mga akusasyong na ito laban kay Maricel, nananatiling tahimik ang aktres.

Sinubukan ng The Buzz na makausap ang business manager ni Maricel na si Malou Choa-Fagar, pero wala pa ring official statement na ilalabas ang aktres.

Mananatili namang bukas ang PEP sa panig ni Maricel kung sakaling handa na itong sabihin ang kanyang panig.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN