Maricel Soriano is no-show at first meeting with former househelpers

"Minaliit niya ang pagkatao namin. Hindi porke katulong kami, gano’n na lang ang gagawin niya sa amin—mumurahin, sasabihin na basura lang kami, gano’n," says May Cachuela, a househelper who allegedly was physically and verbally abused by actress Maricel Soriano


Hindi dumating ang award-winning actress na si Maricel Soriano sa itinakdang pulong sana kasama ang dalawang dating kasambahay sa Barangay Poblacion sa Makati kaninang hapon, Hulyo 6.

Mahigit isang oras din ang paghihintay ng dating mga kasambahay ni Maricel na sina May Cachuela, 22, at Camille Acujedo, 18, sa tanggapan ni Barangay Chairman Benhur Cruz.

Kabilang din sa paghihintay ang mga miyembro ng media, kasama na ang PEP.ph (Philippine Entertainment Portal).

Pagsapit ng alas-singko ng hapon, lumabas ang dalawang dalaga, na hinabol naman ng mga reporter ng iba’t ibang media outfit. Subalit sinabi ni May na magbibigay sila ng pahayag sa tanggapan ng radio commentator na si Mon Tulfo.

Matatandaan na unang humingi ng tulong ang ate ni May sa programa ni Mon na Isumbong Mo Kay Tulfo noong June 30. (CLICK HERE to read related article)

Dito ay inakusahan nina May at Camille ang Diamond Star ng "physical and verbal abuse."

Bukod dito, may lumabas rin na ulat na nagrereklamo ang dalawa sa hindi umano pagpapasahod sa kanila ng aktres, na nakatira sa Rockwell Drive, Makati City.

Sa panayam kanina kina May at Camille, naging consistent naman ang dalawa sa mga nauna na nilang naikuwento sa media. (CLICK HERE to read related article)

Nabanggit din nila na hanggang ngayon ay hindi pa rin nakikipag-ugnayan sa kanila si Maricel.

Minsan daw tumawag sa kanila ang personal assistant ni Maricel at ang nagpasok sa kanila sa aktres na si Inday Castillo. Pinakiusapan umano sila na baka maaaring pag-usapan na lamang ang isyu. Pagkatapos nito ay hindi na sila muling nagkausap.

"HINDI PERA ANG PINAG-UUSAPAN DITO." Nang pumutok ang balita, maraming haka-haka na baka kaya lumabas sina May at Camille para makakuha lamang ng pera mula sa aktres.

Subalit pinabulaanan nila ito.

Sabi ni May, ang nagsabing sinipa ni Maricel, "Masakit po kasi hindi naman po pera ang pinag-uusapan dito, e, kundi ’yong kalagayan ko.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

"At saka lagi kong naiisip [’yong nangyari]. Lagi kong napapanaginipan ang mga pinagsasalita niya at mga pinaggagagawa niya."

Aminado rin ang dalawa na nakakaramdam sila ngayon ng galit laban sa aktres.

Sabi ni May, "Kasi, minaliit niya ang pagkatao namin.

"Hindi porke katulong kami, gano’n na lang ang gagawin niya sa amin—mumurahin, sasabihin na basura lang kami, gano’n."

Nanindigan din ang dalawa na kung sakaling alukin sila ng malaking halaga ay hindi nila ito tatanggapin.

PERSONAL APOLOGY. Sa paghaharap sana ng dalawang kampo, umaasa sina May at Camille na personal na hihingi ng paumanhin sa kanila si Maricel.

"Gusto lang po namin siyang makaharap next hearing po," sabi ni May.

Kung sakali magkaharap-harap at magkaroon sila ng maayos na pag-uusap, magagawa ba nilang mapatawad ang aktres?

Sagot ni May, "Sa paghingi po ng tawad, siguro puwede ’yon. Pero hindi po mababayaran ang ginawa niya sa akin."

Naniniwala rin ang dalawa na sa kasong ito ay mabibigyan sila ng "hustisya."

Kung sakaling hindi makadalo si Maricel hanggang sa ikatlong pagpupulong, itutuloy raw nina Camille at May ang pagsasampa ng kaso sa dating amo, na kanilang pinagsilbihan ng mahigit lamang dalawang linggo.

Hindi rin nagpakita ng pagkatakot ang dalawa nang tanungin sila sa posibilidad na makaharap nila muli ang aktres.

Sabi pa ni Camille, "Hindi po [kami natatakot] kasi nasa katotohanan naman po kami."

Sa huli, sinabi rin ni Camille, "Sana po huwag na siyang manakit. At sana maging aral po sa kanya ’yong paglabas namin."

Samantala, sa hiwalay na panayam sa radio commentator na si Mon Tulfo, sinabi niya na papayag siyang mamagitan upang magkaayos ang dalawang kampo.

"Sana maayos na ito. Kaya nga, kung gusto ni Maricel, I can mediate," sabi ni Mon.

Nabanggit din niya na tutulungan niya sina May at Camille hanggang sa matapos ang isyu.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

Aniya, "May mga kaibigan akong mga abogado na nagbo-volunteer na maging abogado nila kung sakali.

"Pero sana hindi na umabot doon."


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN