Julian Trono on becoming a teen: "Hanggang crush lang ako... Hindi pa kasi ako marunong manligaw."

"Dapat daw hindi na ako kumikilos na parang bata kasi nagbibinata na raw ako. Kaso, hindi ko pa po nararamdaman na binata ako. Yung mga kalaro ko kasi sa amin, mga mas bata pa sa akin. Kaya ang mga laro ko pambata pa rin," says Julian Trono about being a teenager.


Marami ang nagulat sa biglang paglaki ng child actor na si Julian Trono.

Sa naganap kasing press launch ng bagong early primetime series ng GMA-7 na Futbolilits last June 28, marami ang hindi nakakilala kay Julian dahil bigla itong tumangkad.

Kahit na mismo nga si Julian ay nagugulat sa biglang paglaki niya. Kung noon daw ay bine-baby siya sa kanilang bahay, ngayon daw ay binatilyo na ang turing sa kanya.

"Sa bahay po kasi, ako yung pinaka-baby nila. Pero ngayon daw hindi na po kasi malaki na raw ako," nakangiting sabi ng 13-year-old actor.

"Dapat daw hindi na ako kumikilos na parang bata kasi nagbibinata na raw ako. Kaso, hindi ko pa po nararamdaman na binata ako.

"Yung mga kalaro ko kasi sa amin, mga mas bata pa sa akin. Kaya ang mga laro ko pambata pa rin."

Sa September 16 ay magiging 14 years old na si Julian kaya hinahanda na siya para sa roles na bagay sa kanya. Tulad nga sa Futbolilits kunsaan ginagampanan niya ang papel ni Hero, ang nawawalang anak ni Raymart Santiago.

Sa ngayon ay hinahasa na rin siya sa paglabas sa dramatic roles.

"Hindi lang kasi tungkol sa sport na football ang show namin," sabi ni Julian.

"Tungkol din po ito sa pamilya at sa mga taong gustong tumulong na matupad ang mga pangarap ng ibang tao.

"Wala pa naman akong mga eksenang mabigat na kasama si Kuya Raymart. Pero hinahanda ko na po ang sarili ko sa mga ganung eksena.

"Sa ngayon ay puro mga scenes sa football field ang kinukunan namin kaya enjoy kaming mga bata sa set."

Sumabak sa matinding football training si Julian, kasama ang ilang batang cast ng Futbolilits para malaman nila ang iba’t ibang kilos sa paglalaro ng football.

"Sa story po kasi, dapat pareho ang pagsipa namin ni Kuya Raymart ng bola. Kaya pinag-aralan ko po talaga ang kilos niya.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

"Tapos tinuruan pa kami ng isang trainer sa larong football. Kailangan namin yun para alam namin yung tamang pagsipa at hindi kami masasaktan."

Dagdag pa ni Julian, "Nag-enjoy po ako sa larong football kahit na ang sport ko talaga ay basketball.

"Pero dahil sa show na Futbolilits, gusto ko na ring gawing sport ang football. Gusto ko na rin po itong seryosohin."

Noong 2009 pumasok sa showbiz si Julian at ang unang TV exposure niya ay sa programang Tropang Potchi sa QTV 11. Nasundan ito ng paglabas niya sa isang season ng Daisy Siete, ang Bebe and Me.

Ginawa rin ni Julian ang pet show na Zooperstars with Gelli de Belen, at naging bida siya kasama sina Buboy Villar at Sabrina Mann sa telefantasyang Panday Kids.

Ngayon, bukod sa Futbolilits ay regular na napapanood si Julian na pinapakita ang husay niya sa pagsayaw sa Party Pilipinas.

Si Joy Cancio ang nagma-manage sa career ni Julian at nagpapasalamat siya rito dahil sa magandang pag-aalaga sa kanya.

"Kahit busy po si Tita Joy sa ibang mga trabaho niya, hindi po niya ako napapabayaan.

"Inaalam niya kung ano ang babagay sa akin na shows at minsan binibisita niya ako sa tapings. Kaya parati akong nagsasabi ng ’thank you’ sa kanya," saad ni Julian.

CRUSHES. Though wala pa sa isipan ni Julian ang manligaw, hindi naman daw nawawala ang kanyang mga crush sa showbiz. Kabilang sa mga crush niya ay sina Julie Ann San Jose, Bea Binene, Barbie Forteza, at Louise delos Reyes.

"Nakakasama ko kasi sila sa Part Pilipinas every Sunday," sabi ni Julian.

"Hanggang crush lang ako sa kanila. Hindi pa kasi ako marunong manligaw.

"’Tsaka mas matatangkad pa sila sa akin. Magpapatangkad muna ako!"


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN