PNoy’s second SONA draws different reactions from government officials

"Para sa akin, sa loob ng isang taon na serbisyo niya, at least may pagbabago. Limang taon pa naman siyang manunungkulan. Asahan natin na sana ma-accomplish niya ang mga pangarap niya para sa bayan," commented Manny Pacquiao (not in photo) about the performance of President Noynoy Aquino (in photo).


Inabangan ng buong sambayanan ang ikalawang State of the Nation Address (SONA) ni Pangulong Benigno "Noynoy" Aquino III.

Kung noong nakaraang taon ay puno ng mga exposé ang nilalaman ng kanyang talumpati, nagmistulang pag-uulat naman sa mga nagawa ng kanyang administrasyon noong nakaraang taon ang SONA kaninang hapon, Hulyo 25. (CLICK HERE to read PEP’s coverage on SONA 2010.)

Ilan sa mga ibinida ng Pangulo ay ang patuloy na laban ng kanyang pamahalaan sa isyu ng korupsyon, ang pagtaas ng credit rating ng bansa, pagbaba ng bilang ng mga nagugutom na Pilipino.

Nabanggit din niya ang pabahay para sa mga miyembro ng Philippine National Police at Armed Forces of the Philippines.

Naging interesante rin para sa mga tagapakinig ang kanyang pag-uulat tungkol sa pagkakaroon ng mas maraming trabaho para sa mga Pilipino. Gayundin ang plano para sa pagpapalawig ng programang pangkalusugan para sa mahihirap. (CLICK HERE to read full text of PNoy’s SONA.)

Ngunit sa halos isang oras na talumpating ito, na nagpapakita ng unang taon ng termino ni PNoy, ano nga ba ang naging reaksyon ng mga Pilipino?

Ito ang naging katanungan ng ng PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) at iba pang media sa mga pulitikong dumalo sa ikalawang SONA ni PNoy sa Batasang Pambansa sa Quezon City.

PASADO. Ilang mga pulitiko ang nagsabi na "pasado" para sa kanila ang unang taon ni PNoy.

Para sa kaalyado ni PNoy na si Senator Francis "Kiko" Pangilinan, naging totoo ang Pangulo sa pangako niyang labanan ang katiwalian sa gobyerno.

At sa mga nagbibigay ng mababang grado sa pangulo, ito ang naging pahayag niya: "Ang totoo niyan, ang grade ni PNoy ay hindi sa kanya.

"Kapag grinagrado natin ang Pangulo, grinagrado rin natin ang ating bansa at ang ginagawa natin.

"Magtulungan na lang tayo para tumaas pa ang kanyang grado.

"Sabi ko nga, puwede pang tumas ang grade niya. Pero tataas ’yon kapag marami sa atin ang makikipagtulungan."

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

Para naman kay Parañaque Second District Representative Roilo Golez, kailangang ipagpatuloy lang ni PNoy ang kanyang nasimulan.

"Tuloy lang ’yan and, of course, clean up the government.

"A lot of leakage in the government. A lot of money being wasted down the drain.

"It is President Noynoy Aquino who really sets the tone for an honest to goodness fight against graft and corruption."

Samantala, naniniwala naman si Senator Allan Peter Cayetano na unang taon pa lamang ito ng Administrasyong Aquino at marami pang puwedeng gawin ang Pangulo sa mga susunod na taon.

Ito ang kanyang naging pahayag bago magsimula ang talumpati ni PNoy: "Hopefully ma-motivate and ma-inspire ang mga tao after this [SONA]. And they open up doors para makatulong talaga ’yong iba’t ibang sektor.

"I think, at the start, they were trying to say na, ’Pagbigyan niyo kami, ang administrasyon namin. Kaya namin ito.’

"But masyadong malalaki ang problema, napulitiko lang ang aksyon.

"I think it may open up to people’s participation. We can only do that if you tell people where you are going and how you plan to get there."

Pasado rin si PNoy para kay Senator Vicente "Tito" Sotto III.

Sa panayam sa kanya bago mag-umpisa ang SONA, inasaahan niya na, "[What PNoy] will be saying later will be more or less about what he’s cleaned up for reformation.

"Siyempre, mayroon siyang mga tinapos noong isang taon, may mga pinagkagastahan na tinipid. In other words, nagha-house cleaning.

"’Yon ang ine-expect ko. At ano ang preparasyon na gagawin para sa susunod na taon."

Naging aprubado rin para kay Senator Panfilo Lacson ang matapang na mga salita ni PNoy patungkol sa kasalukuyang tensyon sa pagitan ng Pilipinas at China sa isyu ng pagmamay-ari ng Spratly Islands.

Aniya, "Matapang din siya na kapag sa atin, talagang sa atin.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

"At talaga namang dapat ipaglaban natin.

"Kahit na nasa disadvantage tayo sa position, kailangan naman talagang ipagtanggol natin sa sarili nating lupa at sa sarili nating pag-aari."

MAY KULANG. Kung ang iba ay nasiyahan sa mga naging pahayag ng Pangulo sa kanyang ikalawang SONA, may ilan namang mga dumalong pulitiko ang nakulangan sa kanyang talumpati.

Isa sa kanila ay si Senator Pia Cayetano, na sa kanyang palagay ay dapat mas malalim pa ang naging pag-uulat ni PNoy sa bayan.

Sabi niya, "I would have wanted more details but maybe it’s a matter of style.

"Pero kung ako ang tatanungin mo, maliwanag naman ang mensahe na seryoso ang administrasyon sa pagtigil ng isyu ng korupsyon.

"Ang akin sana, nabigyan pa ng mas malalim na diskusyon ang mga specific demographs."

Para sa senadora, aprub sa kanya ang mga nabanggit tungkol sa pagbibigay pansin sa Department of Science and Technology, ang acknowledgement sa isyu ng job mismatching, at ang mga oportunidad sa local na turismo.

"Marami naman siyang nabanggit na okay.

"Pero I would have just preferred na nabigyan ng mas depth ’yon kaysa paulit-ulitin na anti-’wang-wang’ tayo.

"Kasi, alam na alam na po natin ang mensaheng ’yon. Tanggap na tanggap na po namin ’yon," sabi niya.

Nadismaya rin si Senator Pia dahil hindi nabanggit sa SONA ang kasalukuyang mainit na isyu tungkol sa Reproductive Health Bill.

Gayunman, umaasa siya na susuportahan pa rin ito ni PNoy.

Saad niya, "Following the dictates of the President, sabi niya, huwag daw tayo sa kultura ng negatibismo.

"So, hindi ko na lang ia-assume na porke hindi niya binanggit, e, hindi naman siya supportive.

"I will continue to assume na supportive siya dahil in the past naman, ’yon naman ang pahayag niya."

Halos ganito rin ang naging saloobin ni Akbayan Party List Representative Risa Hontiveros-Baraquel nang tanungin kung ano sa tingin niya ang naging kulang sa talumpati ni PNoy.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

Pero aniya, "Gayunpaman, we have all the elements para maipasa ’yan ngayong taon.

"Halos 100 authors dito sa House and 20 senador na pumirma ng committee report.

"At higit sa lahat, ’yong pagtataya ni President Noy na maipapasa ito ngayong taon.

"Nananatili ’yon and that’s something that we haven’t had from a president."

"HUWAG MUNANG I-JUDGE." Samantala, sinabi naman ni Pinoy boxing champ at Sarangani Representative Manny Pacquiao na masyado pang maaga para husgahan ang pamumuno ni PNoy.

Para sa kanya, "Hindi natin piwedeng i-judge ang Pangulo sa loob ng isang taon.

"Hindi ganoon kadaling mag-implement sa government kasi kailangan may sinusunod tayong tamang proseso."

Kung mayroon naman siyang nagustuhan sa ikalawang SONA ni PNoy, ito ay ang patungkol sa pabahay at trabaho para sa mga Pilipino.

Sabi ni Manny, "Sa akin, ang dapat talagang gusto kong mangyari, maraming mabigyan ng trabaho, maraming mabigyan ng bahay.

"Siyempre, [importante] ang pamilya na magkaroon ng hanapbuhay para hindi na aasa sa gobyerno.

"Kapag binigyan mo sila ng malaking pera, kapag naubos ’yon, babalik at babalik sila sa pamahalaan.

"Kailangang mabigyan sila ng hanapbuhay para kahit maliit lang, e, may income sila every day."

At sa huli, sinabi ni Pacquiao, "Para sa akin, sa loob ng isang taon na serbisyo niya [PNoy], at least may pagbabago.

"Limang taon pa naman siyang manunungkulan. Asahan natin na sana ma-accomplish niya ang mga pangarap niya para sa bayan."


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN