Pepito Manaloto mainstay Josh Pineda shares experiences after bagging top prize at World Championship of the Performing Arts 2011

"Taga-South Africa po ang nakalaban ko sa finals. Magaling din po siya. Akala ko wala na akong chance na manalo," says Josh Pineda (in photo with German Moreno) after being proclaimed winner at WCOPA.


Proud na proud si German "Kuya Germs" Moreno sa kanyang discovery na si Josh Pineda dahil naiuwi nito ang tropeyo bilang Junior Grand Performer of the World sa kakatapos lang na 2011 World Championships of Performing Arts (WCOPA) na ginanap sa Los Angeles, California noong July 15 hanggang 24.

Kilala si Josh Pineda bilang si Chito sa top-rating comedy series ng GMA-7 na Pepito Manaloto.

Mainstay rin si Josh sa late-night musical variety show na Walang Tulugan with the Master Showman ni Kuya Germs.

Bago mapanalunan ni Josh ang over-all grand championship sa junior division, una na niyang nakuha ang award bilang Junior Grand Vocal Champion dahil sa kanyang rendition ng Frank Sinatra classic na "You Can’t Take That Away From Me."

Kuwento ni Josh, sobra siyang kinabahan nang makita niya ang mga makakalaban niya.

Nagsimula raw sila sa higit na 2,000 contestants mula sa iba’t ibang bansa. Hanggang sa maging dalawa na lang sila, at siya na nga ang nakapag-uwi ng top award mula sa junior division.

"Taga-South Africa po ang nakalaban ko sa finals. Magaling din po siya. Akala ko wala na akong chance na manalo.

"Pero noon ngang name ko ang i-announce, sobra po akong natuwa," kuwento ni Josh nang makapanayam siya ng PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) sa opisina ng GMA Artist Center kahapon, July 28.

Bukod sa trophy at two gold medals, nakapag-uwi rin si Josh ng cash prize.

The young crooner now joins the likes of Jed Madela who won the top prize in WCOPA in 2006 at Rhap Salazar who also won the top prize in 2009.

THE DISCOVERER. Kuwento ni Kuya Germs, noong mapanood niya sa isang singing contest si Josh sa Bacolod City, nakita niya ang kakaibang talent ng batang ito.

"Kakaiba ang batang ito noong una ko siyang mapanood, two years ago.

"Imagine, sa edad niyang 10 years old, ang kinakanta niya ay mga songs nina Frank Sinatra, Elvis Presley, Matt Monro at iba pang classic songs.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

"Puro pangmatatanda ang kinakanta niya, kaya sobra akong na-impress sa batang ito.

"Para sa tulad niyang bata na umawit ng mga gano’n, ibang klaseng talent ’yon.

"Kaya pinahanap ko siya at gusto ko siyang ma-guest sa aking show. Gusto kong mapanood siya ng marami pang tao.

"Hindi naman ako nagkamali na kunin siya dahil maganda ang naging feedback sa kanya.

"Kinuha siya para maging anak ni Michael V at Manilyn Reynes sa Pepito Manaloto. At kinukuha siyang mag-show sa iba’t ibang venues.

"Hanggang sa kunin nga siyang maging contestant sa WCOPA. Pinagdasal ko talaga na maganda ang mangyari sa kanya.

"Hindi naman tayo binigo ng Panginoon dahil naiuwi pa niya ang top prize sa division na nilabanan niya."

BIRTHDAY GIFT. Ngayong July 29 ay 12 years old na si Josh. Magandang birthday gift raw ang napanalunan niya sa WCOPA.

Magpi-perform nga siya ngayong Sunday, July 31, sa Party Pilipinas para ma-congratulate siya ng mga kapwa niya Kapuso stars.

Kung may mahihiling lang daw si Josh na dagdag na regalo sa kanyang birthday, ito ay ang magkaroon na siya ng solo album at magkaroon na siya ng solo concert.

Si Kuya Germs nga ang tutupad sa mga wish na ’yan ni Josh.

"Yung nga ang pinag-uusapan namin kanina lang. Yung album na matagal na niyang gusto," sabi ng Master Showman.

"Ako ko rin naman ay gusto kong magkaroon na siya ng album at marinig ng marami kung gaano kagaling ang batang ito.

"Yung concert naman, tinanong ko naman siya kung kaya na ba niya.

"Kasi kung kaya niya, kaya nating ipag-produce siya ng concert sa Teatrino Greenhills. Tama lang ang venue para sa tulad niya.

"E, umoo naman siya na kaya niya kaya paplanuhin na namin ’yan.

"But now, masaya ako at bibigyan siya ng pagkakataon na mag-perform sa Party Pilipinas.

"Sana ay tuluy-tuloy na ito dahil marami pang mapapabilib ang batang ito," pahayag pa ni Kuya Germs.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

Gusto rin daw ni Josh na makauwi sa Bacolod City para mai-share niya ang kanyang tagumpay sa mga kamag-anak at mga kaibigan doon.

"Baka umuwi po kami sa Bacolod ng ilang araw lang. Magpapaalam pa po ako. Nandoon po kasi ang ibang relatives namin.

"Gusto ko naman na i-share sa kanila ang naging achievement ko.

"Nami-miss ko na rin ang mga kaibigan ko roon. I hope to see them very soon," ngiti ni Josh.

Hindi pinapabayaan ni Josh ang kanyang pag-aaral. Nasa Grade 6 siya sa Victor Elijah School in Antipolo City.

Kahit na may mga shows at taping siya, hindi raw niya kinakaligtaan ang kanyang pag-aaral dahil importante iyon sa lahat ng kabataan na tulad niya.


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN