Sinagot ng aktor na si Dingdong Dantes ang matagal nang isyu na masyado raw selosa ang kanyang girlfriend na si Marian Rivera.
"Dati pa naman, di ba?" sambit niya nang makausap siya ng PEP (Philippine Entertainment Portal) sa taping ng Endless Love kamakailan.
May iba naman na sinasabing gimik lang 'yon para sa show nilang Endless Love, kung saan sina Dingdong at Marian ang mga pangunahing bituin. Pero agad itong pinabulaanan ng aktor.
"Medyo sensitive topic 'yon para gawing gimik. Hindi naman... Siguro dahil parati lang niyang dine-declare dati na ganun siya [Marian], bilang pabiro, e," sabi niya.
Naramdaman ba niya kung mas naging selosa si Marian ngayon?
"E, minsan kasi, hindi ko alam kung ano yung biro sa hindi. Pero siyempre, para sa akin, ang importante, confident naman kami kung anuman yung meron namin sa isa't isa, di ba?" paliwanag ni Dingdong.
Kapag nagseselos ba si Marian ay medyo natutuwa rin siya?
"Depende sa klase ng pagseselos," sagot niya. "Minsan may selos na cute, pero meron din naman siguro na overboard. Pero siyempre, kanya- kanyang sitwasyon 'yan, kanya-kanya ng feelings."
Saan mas madalas maikakategorya ang pagseselos ni Marian: sa cute o sa overboard?
"Wala, may sarili siyang moods na ano... Kahit ako meron din, lahat naman."
Seloso rin ba si Dingdong?
"Ako, oo, lalo na siguro dati," pag-amin niya. "Pero siguro mas tumatanda, nababawasan. Mag-iiba na lang siguro yung motivation at saka yung focus, 'tsaka yung security."
Sa Endless Love, magkasintahan ang papel nina Marian (as Jenny) at Dennis Trillo (as Andrew). Sa soap, nagseselos siyempre si Johnny (played by Dingdong). Sa tunay na buhay ba, nagseselos din siya kapag magkaeksena sina Marian at Dennis?
"Siguro bukod sa selos, natutuwa lang akong panoorin sila kasi medyo nagwo-work yung chemistry nila. So, bilang ako, okay naman ako sa kanila pareho. Mas gusto ko nang matuwa sa kanila kesa magselos, which is true naman," sabi ni Dingdong.
So, walang selos?
"Mas hindi, pero siguro kung ibang tao yun, baka siguro."
"Safe" ba si Marian kay Dennis?
"Hindi naman puwedeng sabihing safe, wala namang safe. Pero at least, iniisip ko na lang na it's effective for the show," sagot ni Dingdong.
ENDLESS LOVE. Ano naman ang masasabi niya sa gumagandang kuwento at ratings ng Endless Love?
"Oo, actually, wala kaming expectations noon, nung nagsimula, kasi ayokong mag-rely palagi sa pressure, e. Kasi, ang tagal-tagal siyang pinlug, parang last year pa lang ipinapakita na siya. So, para sa amin, ang gusto lang namin, maka-deliver nang maayos, okay na. Huwag naman talaga yung sagarang talunan, yung parang ganun.
"So that's why we're very happy, much more noong na-adjust yung timeslot dahil mas gumanda pa yung resulta nung ano... Well, siguro nagkataon lang din na medyo papunta na siya sa gitna ng mga panahon na ito kaya mas gumaganda siya. Kaya very, very happy," saad ni Dingdong.
Gusto ba niya na sila ulit ni Marian ang magkapareha sa next project nila?
"Siyempre gusto, pero madaming puwedeng mangyari," sagot niya. "Kung ano ang ibibigay sa amin, hindi naming puwede ipilit kung ano ang gusto namin. Mahirap umasa at hindi puwedeng i-dictate ang sarili mo."
OGIE-REGINE WEDDING. Tinanong din ng PEP si Dingdong kung abay ba siya sa kasal nina Regine Velasquez at Ogie Alcasid.
"Hindi siguro abay. Kasi kung oo, kinausap na ako, e," sagot niya.
Naiinggit ba siya na ikakasal na sina Regine at Ogie?
"Hindi. Alam ko naman, e. Alam ko na, pero siguro nauna lang ako ng konti. Pero gaya ng sabi ko, matagal ko naman silang tinatanong kung kailan kasi alam ko naman na doon na din papunta.
"Pero 'yon, masaya ako para sa kanila. It's something na hinintay nila na sulit na sulit yung paghihintay nila. Dahil in between, para namang walang masamang nangyari, di ba? So, naging very stable sila."
Sila ni Marian, tulad din ba sila nina Ogie at Regine na after seven years ng relasyon ay magpapakasal?
"Hindi natin alam," sambit ni Dingdong. "Just like them, hindi rin naman nila siguro plinano na ganung katagal. O, anumang nangyari sa kanila, hinayaan na lang nila yung tadhana siguro or kung anuman yung talagang kailangang mangyari. Ganun din sa amin."
Ia-announce din ba nila on national television kung sakali?
"Sa akin, hindi. Ano lang, we have our own ways and means. Pero siyempre, 'yon nga, wala pa naman tayo sa ganung level ng pagpaplano," saad niya.
DINGDONG ON THE BIG SCREEN. This year, hindi muna mapapanood sa pelikula si Dingdong. Kahit ang Dance With the Steel Bars nila ng Hollywood actor na si Patrick Bergin ay sa 2011 na ipalalabas.
"Next year na lahat 'yon. May sisimulan kami this year, pero hindi pa rin siya ipapalabas this year, next year pa, with GMA [Films]. Hindi ko alam kung puwede nang sabihin, basta lahat mapu-push na next year. Lahat, next year. Like, ang alam ko, yung Kimmy Dora [Part 2], gagawin na ulit next year. Hindi pa ako sure kung kasama ako sa cast, pero siyempre as a co-producer ulit, oo," sabi niya.
Malamang na sa U.S. daw ito i-shoot.
"Posible, pinagdedebatehan pa nila."
Tungkol naman sa pagiging direktor, may plano ba siyang sundan ang pelikulang idinirehe niya noon, ang Angels, kung saan na-nominate siya bilang Best Director sa Star Awards for Movies noong 2008?
"Babalik, pero kapag siguro ano... Kailangan ano, e, yung tipong hindi na ako active masyado sa primetime or ano. Hindi ko alam kung kailan. Mahirap talagang mag-direct. Nakakatanda yun, sobrang nakaka-stress yun," sabi niya.
Ngayong 30 years old na si Dingdong, aminado siyang dumadaan na siya sa "crisis" at may kinalaman ito sa naging wish niya noong birthday niya last August 2.
"Parang siyempre, pagdating ng 30, medyo may crisis na ng konti. So, parang siguro, it's more yung stage na pipili ako kung ano ba talaga yung magiging career direction or siguro life-changing move. So sana, ma-guide ako sa tamang direksiyon, iyon ang wish ko. Madami akong options..."
Meaning, may chance na lumihis siya from showbiz?
"No, definitely hindi ko iiwanan ang showbiz," diin niya. "So, 'yon lang, parang alam mo yun, kahit sabihin ko ngayon, 'Ano ba, mag-i- stick na ba ako sa drama or mag-a-action ba ako?' Yung mga tipong ganun... Like tinanong mo, 'Magdidirek ba ako ulit?' Maraming ganun, e."
"DUGONG KAPUSO." Isa pang sigurado, hindi raw niya iiwan ang GMA-7.
"Dugong Kapuso talaga ako, e. Alam ko mahirap magsalita ng tapos..." sabi ni Dingdong, na nagsimula sa Kapuso network sa pamamagitan ng youth-oriented program na TGIS noong 1995.
May offer ba sa kanya ang ibang TV networks?
"Hindi ko alam, e," sagot ni Dingdong. "Kung meron man siguro, hindi nakarating sa akin. Pero para sa akin, if you'll ask me, sa akin, walang nag-offer."
Kung dumiretso kay Dingdong ang offer, ano ang isasagot niya?
"Kung dumiretso sa akin... Siyempre, it's a very delicate ano, hindi naman puwede basta-basta. I'm sure they're aware naman na I'm under contract."
GOVERNMENT POST. May development na ba sa ino-offer diumano na posisyon niya sa gobyerno?
"Wala pa naman, e, wala pa naman," sagot ni Dingdong.
Kailangan pa ba niya na magkaroon ng anumang posisyon?
"Hindi... Kahit hindi naman, puwede naman tayong may gawin, di ba?" sabi ng aktor, na founder ng Yes Pinoy Foundation.
Kapag may development na tungkol dito, sasabihin daw naman agad ni Dingdong.
Kapag meron, tatanggapin niya?
"Hindi... Siyempre hindi ko pa alam, hindi ko alam."
