Leandro Muñoz interested in courting co-star Nadine Samonte

"Nagkataon lang na nandito ako, single ako. Tapos, very compatible kami. Tanungin n’yo siya, we have so much in common. Sobra!" says Leandro Muñoz about Nadine Samonte.


Natutukso sina Nadine Samonte at Leandro Muñoz dahil sa kakaibang closeness nila ngayon at sa madalas nilang paglabas-labas para gumimik.

Magkapareha ang dalawa sa primetime series ng TV5 na The Sisters.

Last Thursday, July 28, nakita at binati pa ng PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) ang dalawa sa isang resto sa Resorts World kasama ang ilan nilang mga kaibigan.

Kinabukasan ay kasama naman nila si Zoren Legaspi, na co-star nila sa kanilang serye, sa isang bar sa Makati.

Ibinalita ito mismo ni Zoren nang mag-guest sina Leandro at Nadine sa Paparazzi noong Linggo, July 31.

At noong mga sumunod na araw ay magkasama na namang lumabas ang dalawa at namasyal.

Kaya naman nang makausap ng PEP si Leandro, inusisa namin ang tunay na estado ng paglabas-labas nila ni Nadine at sa nababalitang panliligaw raw niya sa kapareha.

"Actually, three times kaming lumalabas sa Taal," biro ni Leandro, na ang tinutukoy ay ang location taping nila sa Batangas para sa The Sisters.

Sa tanong namin kung may interes ba siya kay Nadine, diretso namang sumagot ang balikbayan actor.

"Oo, meron. Oo."

Yun ba ay interes na ligawan si Nadine?

"Oo," sagot niya agad.

Aminado naman si Leandro na ang unti-unti nilang paglalapit ni Nadine ay isang paraan para makilala niya nang husto ang young actress.

"Saka siyempre, nagba-bonding kami, nagkukuwentuhan, text every day, gano’n," saad niya.

Bakit si Nadine ang nakapukaw ng atensiyon niya?

"Nagkataon lang na nandito ako, single ako. Tapos, very compatible kami.

"Tanungin n’yo siya, we have so much in common. Sobra!" sambit ni Leandro.

Ano ba ang mga katangian ni Nadine na nagustuhan niya at interesado siyang ligawan ito?

"She’s a very good sister, daughter, and friend," tugon ng aktor.

NADINE’S BOYFRIEND. Sa pagkakaalam namin ay may boyfriend ngayon si Nadine, ang young businessman na si Emerson Chua.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

Tinanong ng PEP si Leandro kung wala ba siyang masasagasaan sa ginagawa niyang pakikipaglapit sa kapareha.

"Siguro siya ang tatanungin natin," iwas niyang sabi.

Hindi lumalabas in public si Nadine kasama si Emerson, kaya nakakagulat na kasama ni Leandro ang young actress sa gimikan.

"First time nga niyang lumabas," sambit ng aktor.

Pagkatapos nito ay ipinaliwanag ni Leandro ang kanyang posisyon kay Nadine.

"Hindi ko ipu-full gear kung alam kong may masasagasaan ako," sabi niya.

Kailan nagsimula ang interes niyang makilala si Nadine?

"First day of taping, nag-bonding na kami by kuwentuhan, kaming dalawa lang, walang tao.

"You know, mahirap makipag-work sa isang tao kapag hindi mo pa gaanong kakilala yung katrabaho mo.

"Yung paglabas namin... Yun lang, yung nagkita tayo. Yun ang una naming paglabas."

Malinis daw ang estado ng personal life ni Leandro ngayon dahil wala siyang girlfriend.

"Sa akin, wala talaga," sabi niya.

"Like I said, I had a four-year relationship doon, pero wala na. Sa States yun.

"It just didn’t work. Wala."

SINGLE FATHER. Sa isang naunang interview ni Leandro ay inamin nito na meron na siyang anak na dalaga, si Francesca. (CLICK HERE to read related story.)

Kumusta naman ang anak niya?

"Okey naman, nandoon siya [sa U.S]. Kaka-17 lang niya no’ng [July] 24th.

"Seventeen years old ako noong maging daddy ako.

"Nag-start ako sa [ABS-CBN], 20-plus ako.

"Yung mother ng anak ko, nandito sa Pilipinas," banggit pa ng nagbabalik na aktor.

Wala bang balak mag-artista ang anak niya?

"Wala, pero gusto niyang maging director," sabi ni Leandro.

"Isang year na lang siya sa high school at magka-college na siya.

"Mag-e-LA Film School siya. So, magpi-film directing siya.

"Wala akong influence na ginawa sa kanya, basta lumabas na lang.

"Nagsimula siya sa music. Magaling siya sa guitar, magaling kumanta.

"Tapos nahilig siya sa video editing.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

"Tapos sabi niya, ’You know what? I wanna be a director.’"

Kung sakali mang magka-interes din ang anak niyang pasukin ang pag-aartista at umuwi ito sa Pilipinas para i-pursue ang career sa showbiz, papayagan ba niya?

"Ako, ang buhay ko ngayon, lahat ng desisyon ko, para sa ikabubuti ng anak ko.

"So, everything I do before, I do it, I ask her if it’s okay with her," pahayag niya.

STAYING FOR GOOD. Maninirahan na ba siya sa Pilipinas nang matagal?

"Kailangang bumalik ako ng September dahil pasukan ng anak ko, aasikasuhin ko pa ang school niya.

"And hindi pa siya nagda-drive, kailangan ko siyang hatid-sundo.

"It really depends what happens after this soap [The Sisters], kung anong plano ng TV5 sa akin.

"Depende rin sa kanila kung okey lang bumalik ako.

"Parang si Alice Dixson na pabalik-balik lang siya," paglalatag niya ng mga naiisip na plano.

Wala ba siyang balak na balikan ang ABS-CBN na unang nagbigay sa kanya ng break?

"Mahal ko na ang TV5 ngayon, let’s put it that way," nangingiti niyang sabi.

May sama ba siya ng loob sa ABS-CBN?

"Wala. Wala akong sama ng loob," sagot niya.

"Sila nga ang reason kaya nga akong naging successful dito.

"Kaya rin ako naging successful sa Amerika dahil sa ABS-CBN 2."

Bakit nga ba umalis siya at iniwan ang magandang takbo ng kanyang career bilang TV and movie actor?

"Wala... Nag-decide lang ako na gusto kong i-raise ang anak ko sa Amerika.

"Wala na akong pakialaman kahit nasa peak ako ng career ko, as long as I can make my daughter happy, nothing else matters."

Sa paninirahan niya sa Amerika, anu-ano ang mga ginawa niya doon o trabahong pinasukan niya?

"Ang dami kong ginawa... Sa payroll, nag-forklift driver.

"Pero ngayon, ang trabaho ko, business management director ako.

"So, nasa sales, marketing and PR ako...

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

"Wala pa akong sariling bahay. It’s not advisable to buy a house in America now.

"Now, worse decision pag bumili ka."

Pero pag natuloy raw si Leandro na bumalik ng Amerika, hindi raw niya puputulin ang communication niya kay Nadine.


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN