Viva Films acquires 50 novels of Carlo J. Caparas to be made into teleseryes and movies

Viva big boss Vic del Rosario (left) and Komiks King Carlo J. Caparas (right) agreed formally that 5o of Carlo’s novels, which were bought by Boss Vic’s Viva Films, will be produced as teleseryes and movies within a 10-year time frame.


Masayang humarap sa press si Vic del Rosario ng Viva Films at ang mag-asawang Carlo J. Caparas at Donna Villa para sa press launch ng kanilang collaboration project na Caparas Studios noong Huwebes ng gabi, August 11, sa 6th floor ng Tektite Towers sa Ortigas.

Ayon kay Boss Vic, kung ilang panahon nang binalak niyang kunin ang mga nobela ni Direk Carlo na pawang mga big hit sa komiks, pelikula at telebisyon.

Nagkaroon siya ng pagkakataong kausapin si Donna at ang sumunod nga rito ay ang series of meetings nila kasama sina Direk Carlo at iba pang executives ng Viva.

Dito na nga nabuo ang pambihirang kasunduan kung saan ang 50 sa humigit-kumulang 800 komiks novels at short stories ni Direk Carlo ay binili ng Viva Films upang gawing pelikula at teleserye.

Kabilang sa titles na nasa ilalim ng Caparas Studios ay ang mga sumusunod:

Bakekang, Ang Babaing Hinugot sa Aking Tadyang, Tuklaw, Gagambino, Pieta, Kamandag, Joaquin Bordado, Totoy Bato, Andres de Saya, Panday Kids, Rosenda, Maestro, Dugong Buhay, Tasya Fantasya, Angela Markado, Dalawang Kagat sa Mansanas, Jacoba, God Save Me, Paano Hahatiin ang Puso, Lumuhod Ka sa Lupa, Rosang Mandurukot, Sa Dibdib ng Sierra Madre, Sambahin ang Ngalan Mo, at marami pang iba.

OPEN TO ALL TV NETWORKS & CO-PRODUCTION IN MOVIES. Pagkatapos ng formal presscon ay nakapanayam pa ng PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) at ng iba pang press sina Boss Vic, Direk Carlo, at Donna.

Kaagad ngang natanong sina Donna at Direk Carlo kung bakit sa Viva at kay Boss Vic sila nakipag-partner para sa mga obra ng Komiks King.

Sagot ni Donna, "With Boss Vic here na talagang may focus ’yan at may direction ’yan, Viva ’yan, e.

"Palagay ko yung mga projects na gusto naming magawa ay magagawa na ngayon. At sa tingin ko, mas maaalagaan si Carlo.

"At sa tingin ko, mas magkikita-kita tayo nang madalas kasi nandito na si Boss Vic, e, nandito na ang Viva."

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

Ito bang Caparas Studios ay isang production company?

Paliwanag ni Boss Vic, "Itong Caparas Studios basically ang magha-handle ng lahat ng materyales na binili ng Viva kina Direk Carlo at Donna.

"Katulad sa Marvel Studios, it’s a brand name.

"The whole idea is for us to produce the materials either through movie production or other networks.

"So, basically, hindi naman kami makikipag-compete sa mga TV networks. We will be like a major supplier.

"Kung sino ang nangangailangan ng materyales, we are open for negotiations."

Dagdag pa ni Boss Vic, para sa mga teleserye, open sila sa lahat ng istasyon, lalo na sa tatlong malalaking TV networks—GMA-7, ABS-CBN, at TV5.

Para naman sa mga pelikula ay bukas din sila sa ibang movie outfits para sa co-production.

Ayon kay Boss Vic, "Open kami sa lahat. Wala kaming pina-prioritize na network.

"Kunwari may isang station na gustong kuhanin ang isang materyales dito, we are open to negotiate.

"Pagdating sa business side, ako ang makikipag-usap. Pagdating ng creative, walang ibang nakakaalam niyan kundi si Direk Carlo.

"Sa huli, dalawa pa rin kaming mag-uusap.

"Kahit sa mga pelikula, open kami for co-production sa kahit na anong film outfit."

Dahil sa sagot na ito ni Boss Vic, natanong tuloy si Donna kung willing siyang makipag-co-prod bilang producer ng Golden Lions Films?

"Nandiyan pa rin naman ang Golden Lions. Even before naman magkasama na kami ng Viva sa ilang movies na nagawa namin.

"Pero ako personally, kung ako ang tatanungin, I really prefer movies. Kasi ang movies, for me, mas madaling i-handle.

"Sa dami na kasi ng nagawa naming telenovelas before, pagod na rin ako, e.

"Kung ako ha, personally, ipapakiusap ko kay Boss Vic at kay Carlo para mas mabilis ang phasing na pelikula na lang ang gawin.

"Kasi kung 12 movies a year, madali naming matatapos yung 50.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

"Pero sabi nga nila open pa rin sila sa TV, okay na rin sa akin," sabi ni Donna.

Para kay Direk Carlo, anong title mula sa 50 novels niya ang excited siyang unang gawin?

"Alam mo kasi sanay akong magtrabaho. Kahit anong gawin ko, excited ako sa lahat, e.

"Kaya sa ngayon, kung ano ang mauna diyan, same level ng excitement, ng intensity," ani Direk Carlo.

LINEUP OF ARTISTS. Ngayon pa nga lang ay may ilang artista na silang napipisil na gumanap para sa ilang pelikula.

Gaya ni Sarah Geronimo para sa pelikulang Rosenda, na unang pinagbidahan ni Janice de Belen noon.

Si Dingdong Dantes naman ang susunod sa yapak ng yumaong Da King na si Fernando Poe Jr. sa Maestro.

Pamilya rin ang magmamana sa Dugong Buhay, ang pelikulang pinagsamahan noon nina Ramon Revilla Sr. at Bong Revilla Jr., dahil ang nakatakda namang gumanap dito ngayon ay ang mag-ama ring sina Bong at Jolo Revilla.

Ilan pa sa mga artistang posibleng magbida sa ilang titles sa Caparas Studios ay sina Anne Curtis para sa Tasya Fantasya, Cristine Reyes sa Dalawang Kagat sa Mansanas, Vice Ganda sa Jacoba, Aga Muhlach sa Paano Hahatiin ang Puso, Robin Padilla sa Lumuhod Ka Sa Lupa, Sam Pinto sa Angela Markado, at Gabby Concepcion sa God Save Me.

Final na ba ang napili nilang mga artista na gaganap sa specific projects?

"Hindi pa. Tentative pa lahat," sagot ni Boss Vic.

"Kasi depende pa rin ’yan sa availability ng mga artista.

"Kung yung artistang gusto ni Direk Carlo base dun sa materyales na hawak niya ay available.

"So, dun pa lang kami makakapagdesisyon talaga."

Ngayong nasa bansa si Superstar Nora Aunor, posible bang ulitin niya o maging part ng pinasikat niyang Bakekang, na kasama sa titles sa Caparas Studios?

"Why not?" ani Donna.

"Pero siguro sa bagong Bakekang, baka kapatid na lang siya o young mother.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

"Kasi siya naman talaga ang tumulong para mapalaki yung Bakekang."

10-YEAR TIME FRAME. Aabot sa 10 years ang time frame na napagkasunduan nila para matapos ang 50 titles. Pero posible pa bang madagdagan ito in the long run?

Ayon kay Boss Vic, "Palagay ko naman kung maganda ang magiging resulta.

"Ayoko namang pangunahan sina Direk Carlo at Donna, pero kami willing kaming i-extend ng more than 50 yung contract namin."

Sabi ni Direk Carlo, hindi raw siya ang magdidirek ng 50 titles na ito.

"Ang plano namin kasi magbigay din kami ng break sa mga bagong direktor.

"At saka hindi ko rin naman kakayaning mag-isa lahat iyan," aniya.

Dahil sa sigurado nang 50 projects na nakatakdang gawin, malaki naman ang maitutulong nito sa industriya, lalo na sa paggawa ng pelikula na dumadalang na ngayon.

Sabi ni Donna, "Gaya nga ng sabi ko kanina, itong partnership ng Viva at saka ni Carlo, sana pag nagsulat na yung mga kaibigan natin, maalala n’yo na itong partnership na ito ay hindi lang para sa kanila kundi para sa napakaraming tao na magkakatrabaho dahil dito.

"Kaming tatlo naman we always work hard, e. But I think this time we will work harder for the industry."

Posible rin bang makasama sa mga projects na ito ang mga anak nina Donna at Direk Carlo na sina Peach at CJ, lalo na ang huli na nag-aartista na ngayon at lumalabas sa primetime soap ng TV5 na Bangis?

Ayon kay Boss Vic, "Sila ay kasama sa pamilya ng Caparas, at hinihiling nga ni Donna kung puwedeng i-manage ang mga anak nila.

"Nung makita ko sila, puwedeng-puwedeng sumikat at maging superstar.

"Maski hindi sa materyales ni Direk Carlo ay magagamit natin sila sa iba pang projects ng Viva."


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN