Boy Abunda gives up his talent management company to take care of his ailing mom; also willing to give up some of his TV shows

"I am making a decision, out of love. Pero hindi ako nagpapaalam. Masyado pang maaga para magpaalam," says Boy Abunda about his decision to give up his own talent management.


Iiwan na ng King of Talk na si Boy Abunda ang kanyang talent management company na Backroom, Inc. Ang mga pinagkakatiwalaan niyang mga tao ang mamamahala na nito.

Ayon kay Kuya Boy, kailangan niyang magbawas ng trabaho dahil sa ina niyang may karamdaman.

Matatandaang inamin ng TV host sa isang panayam na may sakit na "dementia" ang kanyang ina na si Nanay Lesing. (CLICK HERE to read related story.)

Kaugnay nito, kinumpirma rin ng TV host sa PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) ang balitang lilipat na ng ibang "manager" ang alaga niyang si Erik Santos.

May mga pag-uusap na raw at malamang na ang Star Magic at si Eric Raymundo (manager ni Sam Milby) ang mamamahala ng career ni Erik.

Sabi ni Kuya Boy, "Nagbabawas lang ako ng load. Dahil ayokong pagsisihan isang araw na hindi ko inalagaan ang nanay ko.

"Ayoko naman sana talaga kasi nanilbihan din naman ako sa mga artista ko, ginawa ko naman ang aking mga obligasyon sa kanila."

Apat ang regular shows ngayon ni Kuya Boy sa Kapamilya network—The Buzz, SNN, The Bottom Line with Boy Abunda, at Inside Cinema sa Cinema One.

Pag-iisipan din daw niya kung anong TV show ang kaya pa niyang gawin o kung alin ang iiwanan na niya.

"Pero definitely, hindi ko iiwanan ang The Buzz," sabi niya.

"Ang SNN, hindi ko alam kung kakayanin ko pa. Pinag-aaralan ko ngayon ’yan, same with Inside Cinema and Bottom Line.

"Kung kinakailangan talagang mag-back out ako sa dalawa o tatlong palabas ko dahil makakabuti sa akin, I will do it."

Dagdag pa ni Kuya Boy, kung dati raw ay takot siyang mawalan ng TV shows o trabaho, ngayon daw ay nakahanda siyang iwanan ang anumang gusto niyang iwan.

"Dati kasi takot na takot akong sabihin na iiwanan ko ang TV show ko. Ang dami kong considerations.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

"Pero sa nangyari sa aking ina ngayon, klarong-klaro na ngayon ang priorities ko," saad niya.

Among his shows, ang The Buzz lang daw talaga ang hindi niya puwedeng i-give up dahil sa labindalawang taon niyang pagiging main host ng programa.

"But to tell you honestly, from the bottom of my heart and with all humility, and at this point in my life, I can lose everything.

"Kung kinakailangang iwanan ko lahat ng TV shows ko, pati na yung trabaho ko related sa showbiz.

"Sandali lang naman ito, e. Hindi naman ito permanente.

"Kailangan ko talagang laging nasa tabi ngayon ng nanay ko.

"Sa sakit niya ngayon na walang dalawang araw na magkapareho, iba na talaga ang kalagayan niya ngayon."

Nilinaw ni Kuya Boy na hindi naman ibig sabihin nito ay babalewalain na niya nang tuluyan ang trabaho niya sa showbiz.

"Pinagsilbihan ko ang mga artista ko, pinagsilbihan ko ang akong mga palabas.

"Naging mabait sa akin ang istasyon. Naging mabait sa akin ang mga manonood.

"Pero maiintindihan naman siguro nila na kailangan kong magdesisyon.

"I am making a decision out of love.

"Pero hindi ako nagpapaalam. Masyado pang maaga para magpaalam," seryoso, pero natatawang pahayag ng TV host.

Bukod sa hosting at pagma-manage ng talents, may consultancy jobs pa rin si Kuya Boy. Itutuloy rin daw niya ang kanyang pag-aaral.

"Nag-aaral ako. Tinatapos ko yung doctorate ko at hindi ko puwedeng bitawan yun.

"Pero ang pagtuturo, e, in and out ako diyan.

"I am now finishing my doctorate degree in social development," banggit niya.

TOURISM SECRETARY. Isa pang nilinaw ni Kuya Boy sa PEP ay ang napabalitang siya na ang kinukuhang kapalit ng nagbitiw na si Secretary Alberto Lim sa Tourism.

Mariin itong itinanggi ng TV host.

Aniya, "Yun sinasabi nilang nasa short list ako as secretary of Tourism, e, maraming salamat, pero hindi totoo yun.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

"Wala po akong offer, I was not asked.

"A year ago I was considered for the DOT post... it came siguro from there.

"Yung government service, darating yun sa tamang oras.

"Hindi naman ako mahiyain, kung darating yun in time, ako mismo susunggaban ko yun.

"Pero timing is everything."


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN