Gerald Anderson wants to focus on being a "solo actor" at this point of his career

"Wala pong masama magkaroon ng loveteam. But sa ngayon, nagpo-focus po ako bilang isang solo actor. Nagpo-focus ako sa craft ko ngayon. ’Yon po ang main priority ko ngayon," says Gerald Anderson about not having a constant onscreen partner unlike his previous years in showbiz.


Hindi pa rin maiwasan ng media na tanungin sina Gerald Anderson at Kim Chiu tungkol sa paghihiwalay nila bilang magka-loveteam.

Ayon pa sa kanila, ang paghihiwalay nila bilang magkapareha ay parte lamang ng pagpapahusay ng kanilang kakayahan bilang mga aktor.

Subalit tila may ilan pa rin na hindi matanggap ng iba na hindi na muling makikitang magkasama sina Gerald at Kim sa telebisyon at pelikula.

Muli pa itong napag-usapan nang makitang umiyak si Kim sa panayam sa kanya ng The Buzz noong Linggo, Agosto 14. (CLICK HERE to read related article.)

Para kay Gerald, wala na raw siyang magagawa tungkol dito.

"Ganoon po talaga, e. May mga fans na ayaw pa rin po talaga.

"Pero may fans na... siguro sa isang grupo na may 10 people, siguro may dalawa o isa na may ayaw.

"Wala na po tayong magagawa diyan, e," saad niya sa interview matapos niyang i-renew ang kanyang product endorsement contract sa Dermablend kahapon, August 16, sa Mario’s restaurant, Tomas Morato, Quezon City.

Sabi pa ng 21-year-old actor, kailangan tanggapin na lamang na kanilang mga masugid na tagahanga na maaaring matagalan pa bago maulit ang kanilang pagtatambal.

"Siguro naman by now, alam na po nila na trabaho lang ito.

"Kailangan naming gawin ito dahil ito po ang buhay namin, ito po ’yong profession namin," aniya.

Hiniling din ni Gerald na maging masaya na lamang ang publiko para sa kanilang dalawa.

"Tulad nga po ng sinabi ko, tanggapin na po natin na gano’n na ang sitwasyon naming dalawa.

"Sobrang happy niya, sobrang happy ko at pareho po kaming busy.

"Friends po kami. Kapag may problema siya, nandito po ako.

"Paulit-ulit ko naman pong sinasabi sa inyo ’yon at nangyayari po talaga ’yon.

"’Yon po ang sitwasyon namin ngayon."

GOING SOLO. Bagamat aminado si Gerald na naging mahirap para sa kanya ang mahiwalay sa kanyang kapareha, mainam naman daw ito para sa kanyang showbiz career.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

Paliwanag ng binata, "Sa ngayon, mas gusto ko po ang nangyayari sa akin. Kasi, mas challenging, mas ako ang magbibigay ng support para sa mga bagong leading ladies. Sobrang iba."

Nakakatulong daw ang pagsosolo niya sa paghasa pa ng kanyang kakayahan sa pag-arte.

Ani Gerald, "Wala pong masama magkaroon ng loveteam. But sa ngayon, nagpo-focus po ako bilang isang solo actor.

"Nagpo-focus ako sa craft ko ngayon. ’Yon po ang main priority ko ngayon.

"Ang sa akin ngayon, gusto kong maging versatile, iba-iba. Then, babalik ako sa dati or babalik ako sa nakatrabaho ko na.

"Kasi, di ba, kung palaging sa taong laging nakatrabaho mo na, ano na lang ang magiging challenge, ano ang maipapakita mo na iba?"

Gayumnan, muling nilinaw ni Gerald, "’Yong loveteam, Kimerald is a loveteam and we’ll always be a loveteam. Magkakaroon din kami ng projects."

BUDOY. Samantala, nabanggit na rin ni Gerald ang challenge sa trabaho, ibinahagi naman ni Gerald ang kanyang kasiyahan sa kanyang bagong teleserye sa ABS-CBN, ang Budoy.

"Like I said, gusto ko ’yong mga roles na nakaka-inspire.

"Ito naman, sobra-sobra. Marami pong taong mai-inspire sa bagong ipapakita namin."

Isa raw itong magandang pagsubok sa kanyang kakayahan dahil dito ay gagampanan niya ang karakter ni Budoy, isang mentally challenged na tao.

Lubos ang pag-aaral ngayon ni Gerald sa kanyang bagong role at kasama na rito ang pagbisita ng mga eskwelahan para sa special children.

Sa kagustuhan ni Gerald na maging makatotohanan ang kanyang pagganap, minsan ay nagagawa na rin daw niya ang mga gawi ng special children kahit wala na sa harap ng kamera.

"Nagiging second nature na sa akin," nakangiting kuwento ni Gerald.

"Nadadala ko na kasi I spent hours and hours and hours [to study the role].

"Pinapanood kami ng movies, hours and hours sa school—nakaupo lang ako, pinapanood ang mga estudyante na nag-aaral, kumakain, habang kinakausap ang mga magulang nila.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

"Sobrang nadala ko. Minsan gano’n, pero pinipigilan ko na lang ang sarili ko. Nagiging conscious na ako.

"Nai-imbibe ko na talaga. Once I stepped out of the car, once na nasa set na ako, ako na si Budoy. Hindi na Gerald ang tawag nila sa akin, Budoy na."

Sa upcoming teleseryeng ito ng ABS-CBN, makakapareha ni Gerald ang dating Sabel star na si Jessy Mendiola.

Dahil dito, hindi malayong maintriga si Gerald sa kanyang leading lady.

Pero handa raw siya kung sakaling ma-link siya kay Jessy.

"By now, sanay na ako," pahayag ni Gerald.

"Noon kasi, isa lang ang leading lady ko. Ngayon nali-link na ako sa iba, which is normal para sa isang lalaki sa showbiz."


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN