PEP EXCLUSIVE: Azkals manager Dan Palami reacts to Facebook post comparing his team to the Philippine Dragon Boat Team

"It’s unfortunate there are people still thinking about these things instead of supporting each sport or the Filipino athlete, as a whole. Pinakikita nila yung medyo, gaano kakitid yung pagkakaintindi nila sa mga sports na ito," says Philippine Azkals manager Dan Palami (in photo) about the Facebook post comparing the Azkals to the Dragon Warriors, the Philippine Dragon Boat Team.


Hiningan ng reaksiyon ng PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) ang manager ng Philippine national football team na si Dan Palami tungkol sa nagpapalipat-lipat na Facebook post na ikinukumpara ang Azkals sa Philippine Dragon Boat Team.

Ang Philippine Dragon Boat team, na tinaguriang "Dragon Warriors," ay nakapag-uwi ng pitong medalya (limang gold, dalawang silver) at nakapagtala ng mga bagong world records sa dinaluhan nitong 10th International Dragon Boat Federation World Championships sa Tampa Bay, Florida nitong Agosto.

Sa kabila ng kawalan ng suporta at pagkilala mula sa Philippine Sports Commission at Philippine Olympics Committee, nairaos at naipanalo ng Dragon Warriors ang sarili, gamit ang sarili nilang pera, panghihiram ng mga gamit at paghingi ng tulong sa mga pribadong indibidwal at kumpanya.

Heto ang nakasaad sa kumakalat na Facebook post:

PH Azkals: 0 Golds, 0 trophies, 5 TV ads, 20% Pinoy
PH Dragonboat team (2011) : 5 Golds, 0 commercials, 90% Pinoy
PH Azkals: with sponsors
...Ph Dragon boat team: inutang at KKB pamasahe.
Ph Azkals: complete outfit
...Ph dragon boat team,; nanghiram pa ng sagwan sa kalaban.
Sasagwan ka ba sa KARANGALAN o sisipa sa PAPOGIAN?

Sa dinner presscon na inihandog ng Cortal SQR sa Manila Polo Club kagabi, August 17, ipinahayag ni Palami ang kanyang pagkadismaya sa pagkalat ng post na ito.

"It’s unfortunate there are people still thinking about these things instead of supporting each sport or the Filipino athlete, as a whole.

"Pinakikita nila yung medyo, gaano kakitid yung pagkakaintindi nila sa mga sports na ito."

Sa umpisa nga’y ayaw sanang mag-react ni Palami dahil sa siya ang manager ng Azkals na ikinukumpara sa Dragon Warriors, pero nais lang daw niyang maging tapat sa kanyang opinyon.

"To be honest about it, I’m quite disappointed with the way these people think.

"First of all, there’s no such thing as 20 percent Filipino, or 80 percent... We are all Filipinos.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

"At tayo man, saan man tayo makarating, o anuman ang sport na nire-represent natin, we carry our flag.

"We should carry it with pride and not carry it at the expense of other sports," diin ni Palami.

Sa palagay pa ng dating UP Law student, na naging CPA (Certified Public Accountant) at CEO ng railways engineering company na Autre Porte Global, Inc. (APT Global), tila nagrereklamo lang ang pasimuno ng Facebook post tungkol sa suportang dapat ibigay sa Philippine Dragon Boat Team.

"On the second note, yung nakikita ko rin sa Facebook... parang nagrereklamo sila sa suporta na binibigay siguro, o kino-compare, and actually saying na we should be fair and susuportahan din dapat natin yung dragon boat.

"Ako, if we have a chance, why not? We should support all the athletes of the Filipinos," deklara ng Tacloban, Leyte-native na si Palami.

"But, as it is, sa totoo lang, for the Azkals, as it is, [it’s] my money that I’m spending.

"I think it’s also unfair to tell me where to spend it. Kung dito sa sports na ’to, o doon.

"I chose to spend it on a sport that I love and chose it to spend on a sport na I’m passionate about."

Bago naging manager ng Azkals ay dati nang manager ng RP Under-19 football team ang 40-something na si Palami.

Nilapitan ng Philippine Football Federation (PFF) si Palami noong 2009 upang i-manage ang Azkals.

Pumayag naman siya sa kundisyong ima-manage niya ang Azkals sa sarili niyang paraan at malaya sa mga pamumulitika at intriga na kinasasangkutan noon ng PFF.

Patuloy pa ni Palami, tungkol pa rin sa pagtulong sa Dragon Warriors, "Now if there’s a chance na makatulong din tayo sa dragon boat, why not?

"But I don’t think na it should be an obligation sa atin na iobliga tayo na tulungan ang lahat ng sports.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

"Because after that, mayroon ding ibang sports na kailangang tulungan.

"And we’ve been actually helping other sports as well."

Patunay nga ng sinabing ito ni Palami ang pagtulong niya sa maliit at di kilalang Philippine Street Soccer Team na nag-uwi rin ng Host Trophy sa nilaruan nitong Homeless World Cup Street Soccer Championship sa Rio de Janeiro, Brazil noong nakaraang taon.

Ayon sa team manager ng Philippine Street Soccer Team na si Rudy del Rosario, nilapitan nila si Palami noon para mapunan ang kakulangan nila ng pondo sa pagpunta sa Brazil.

Pangalawang taon na raw ito ng pagtulong ni Palami. At dahil sa association ng soccer team sa kanya, nabiyayaan din tuloy sila ng tulong-pinansiyal na P200,000 mula sa Pharma-Rex, ang kumpanyang may-ari ng Cortal SQR na siyang nag-host ng dinner ng gabing iyon.

"In fact, itong Homeless World Cup, while it’s still football, it’s not Azkals. But we’re here to support it."

Pero paano nga naman daw sila makakatulong, kung sila mismo ay limitado rin ang resources.

Nagpapasalamat na nga lang si Palami sa mga kumpanyang katulad ng nag-host ng dinner sa kanila noong gabing iyon, na nag-donate din sa kanila ng P500,000 para naman sa darating nilang laban sa Long Teng Cup sa Taiwan sa Septyembre at sa Southeast Asian Games sa Indonesia sa Nobyembre.

Gusto raw talagang makatulong pa ni Palami, "Kaya lang since our resources are limited, nasa tao na yun kung sinong gumagastos at saan niya gagastusin ang pera.

"I guess that’s how I want to put it," pagtatapos ng Azkals manager.


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN