Derrick Monasterio overwhelmed with his first movie: "Hindi pa rin ako makapaniwala na napapanood ko na ang sarili ko sa malaking screen."

Derrick Monasterio is the son of ’70s leading lady of action stars, Tina Monasterio. His mom, who attended the premiere night, almost cried when she saw that her son had so many fans.


Sobra-sobra ang kasiyahan ni Derrick Monasterio dahil sa success ng premiere ng pelikula nila ng mga tween stars na Tween Academy: Class of 2012 na ginanap Saturday night (August 20) sa Cinema 9 and 10 ng SM Megamall.

Nagulat si Derrick sa malaking crowd ng mga kapwa nilang teenagers na dumagsa sa Cinema 9 and 10 para lang mapanood sila. Hindi makapaniwala ang tween actor na meron na siyang mga fans at nagsisigawan sila tuwing pinapakita ang mukha niya sa big screen.

"Nag-aasaran nga po kami sa taas. Tuwing may lalabas na isa sa amin sa screen, naghihiyawan din kami kasabay ng mga fans," ngiti pa ni Derrick.

"Very special po kasi ang movie na ito for me, kasi first movie ko ito since I entered showbiz last year. Hindi ko naman po alam na aabot sa ganitong level.

"Akala ko po hanggang TV lang ako with Tween Hearts. Nagkaroon pa ako ng ibang show tulad ng Dwarfina at Sinner or Saint. Ngayon nakasama pa ako sa movie naming mga tweens at nagkaroon pa ako ng participation sa soundtrack ng movie.

"Kaya nakaka-overwhelm. Hindi ko po inaasahan na aabot sa ganito. Hindi pa rin ako makapaniwala na napapanood ko na ang sarili ko sa malaking screen. Artista na nga ako!"

Hindi kaila sa lahat na anak si Derrick ng ’70s leading lady ng mga action stars na si Tina Monasterio. Nakapareha ng kanyang ina noon ay ang mga sikat na action stars tulad nila Fernando Poe Jr., Rey Malonzo at Lito Lapid.

Present ang ina ni Derrick sa premiere night at kinuwento nito na halos maiyak raw ang ina nang makita niyang maraming fans ang kanyang anak.

"Si mommy po kasi, hindi siya nabigyan ng big break noon. Lagi niyang kinukuwento na lagi lang siyang leading lady ng mga action stars, pero hindi siya nabigyan ng chance na magbida sa sarili niyang movie.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

"Kaya lagi niyang sinasabi sa akin na husayan ko raw dahil masuwerte ako. Marami raw ang gustong mag-artista pero kakaunti lang ang nakakapasa. Nandito na raw ako kaya huwag akong gagawa ng anumang bagay na ikakasira ng pangalan ko.

"Promise ko naman kay mommy na I will do my best. Hindi naman ako nagmamadali, pero ayokong maging sakit ako ng ulo ng mga nakakatrabaho ko. I want them to see me as a professional actor. Yun ang turo sa akin ng mommy ko kaya iyon ang gagawin ko," diin niya.

MAMA’S BOY. Inamin ni Derrick na isa siyang mama’s boy. Spoiled daw siya sa kanyang mommy. Pero ngayon ay gusto raw niyang maiba iyon dahil malaki na raw siya at hindi na baby.

"Si mommy po kasi, gusto niyang bine-baby ako. Kahit na ganito na ako kalaki, tingin pa rin niya baby ako," sabay tawa ng aktor.

"Malambing din po si mommy at nami-miss niya yung kaming dalawa lang minsan. Busy na rin po kasi ako kaya madalas wala ako sa bahay at gabi na ako nakakauwi.

"Tuwing umaga, siya ang gigising sa akin. Para nga akong bata. Sinasabi ko naman sa kanya na huwag na niya akong i-treat na parang baby kasi binata na ako.

"Okey lang na humalik ako sa kanya pero yung halik-halikan niya ako na parang baby, ayoko na ng gano’n kasi parang nakakahiya na.

"Doon na magtatampo si mommy. Sasabihin niya na hindi ko na raw siya mahal porke’t malaki na ako. Si mommy po kasi kapag nagda-drama na ’yan, pinapatawa ko siya. Dyinu-joke ko siya kasi ayoko ng seryoso kaming mag-usap. Bine-break ko ang pagiging serious niya kasi baka umiyak po siya.

"Kaya pinapatawa ko na lang siya. Kapag natawa na ’yan sa akin, okey na kami. Siyempre, nami-miss ko ang pagiging malambing niya sa akin. Hindi na kasi kami nagkakasama ng madalas, unlike noong hindi pa ako artista.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

"Pero promise ko naman sa kanya na kapag may time ako, I will spend it with her. Hindi naman ako mahilig mambarkada na. It’s all work kapag wala ako sa bahay. Kaya kapag may time, I want to spend it with my beautiful mommy."

Isa pang kuwento ni Derrick na kahit mama’s boy siya, ilang beses din siyang napagalitan ng kanyang ina dahil sa mga kakulitan at pagiging pasaway sa school.

SCHOOL BULLY. Inamin niya na naging school bully din siya at naging pabaya sa kanyang mga studies dahil sa barkada.

"Kaya nga po itong role ko sa Tween Academy na isang school bully, nakaka-relate po ako kasi naging gano’n din ako noon.

"Matangkad kasi ako for my age noon kaya yung ibang classmates ko or mga kids sa school ay natatakot sa akin. Kapag nasa campus na ako, parang nawawala sila sa paligid!" natatawang pag-alala ni Derrick

"Gano’n ako ka-bad boy noon kasi pati mga mas matangkad sa akin or yung mga mas matatanda sa akin, hindi ko inuurungan. Astig nga kaya walang kinakatakutan noon. Gano’n ako kapasaway kaya si mommy, napapatawag sa school!" tawa niya ulit.

Pero hindi na raw gano’n si Derrick ngayon. Malaki na raw ang pinagbago.

"Mabait na po ako. Siguro parang growing phase iyon. Yung feeling mo hindi ka dapat ma-bully kaya unahan mo na sila sa pagbu-bully.

"Hindi na ako gano’n. Mahal na ako ng mga bata sa school. Wala naman akong nasaktan physically, e.

"Hindi ako yung nakikipagsuntukan sa school. Puro paninindak lang. Parang, ’O, ano problema mo? Kakasa ka?’ Dinadaan ko lang sa lakas ng boses ko ang pagiging astig.

"Choir member kasi ako noon kaya malakas ang boses ko. Doon ko lang dinadaaan ang pagiging siga ko," tawa pa niya ulit.

Hindi rin kinakahiyang aminin ni Derrick na ilang subjects ang binagsak niya sa school dahil mas inatupag niya ang pagbabarkada noon.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

"Nakakahiya mang aminin pero palakol ang mga grades ko noon!" tawa pa niya.

"Dahil sa pakikipagbarkada ko kasi. Hindi ako nakapag-concentrate sa studies ko kaya ayun, bagsak.

"Okey lang sana kung Math and Science kasi mahina talaga ako sa mga subjects na iyon. Pati ba naman English at Music binagsak ko? Ang pinasa ko lang yata recess at P.E.!" malakas na tawa pa niya.

Pero nag-make up classes naman daw si Derrick at naayos niya ang mga grades niya sa school. Nag-promise siya sa mommy niya na never na raw siyang babagsak at babawasan na niya ang pagsama sa barkada niya.

ULTIMATUM. "Nagbigay po ng ultimatum si mommy sa akin noon. Kapag bumagsak pa raw ako, hindi na ako makakalabas ng bahay. Nakakahiya raw kasi ako.

"Since then, inayos ko na ang pag-aaral. Binawasan ko ang pagbabarkada at inuuna ko ang studies ko. Kaya nakabawi naman ako sa mga palakol na grades ko.

"Kaya sa mga fans namin na mga teens, huwag silang magpabaya sa pag-aaral nila. Makinig sila sa parents nila kasi alam nila ang nakakabuti sa ating mga kabataan," pagtatapos pa ni Derrick Monasterio.


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN