Martin Escudero on gay kissing scene: "Siyempre, pareho kaming lalaki tapos maghahalikan? Kaya talagang nakakailang."

"Sa tingin ko kasi ano... hindi ko siya tineyk na loko o ano. Siyempre siniseryoso ko. Talagang isinasapuso ko yung ginawa ko," says Martin Escudero about playing a gay role in Zombadings: Patayin sa Shokot si Remington.


Si Martin Escudero ang lead actor sa critically-acclaimed indie film na Zombadings: Patayin sa Shokot si Remington.

Nag-auditon si Martin para sa role at pinalad na siya ang mapili.

Kuwento niya sa PEP.ph (Philippine Entertainment Portal), "Nung nag-audition ako, patapos na yung mga araw ng audition nila. Parang humabol na lang ako.

"Sinuwerte naman na ako yung napili."

Nakausap ng PEP si Martin sa mini-presscon ng Zombadings noong Lunes, August 23, sa Baang Coffee sa Tomas Morato, Quezon City.

Ano ang pinagawa sa kanya sa audition?

"Merong dalawang eksena... Isa yung lalaki pa si Remington [name of his character], tapos yung isa, yung bading na si Remington," sagot niya.

Sa mga nakapanod na ng pelikula, maraming nagsasabi na mahusay ang pagkakaganap ni Martin bilang isang bading. Parang hindi nga raw siya umaarte at para siyang tunay na bading.

"Sa tingin ko kasi ano... hindi ko siya tineyk na loko o ano. Siyempre siniseryoso ko. Talagang isinasapuso ko yung ginawa ko," paliwanag naman niya.

Paano ba niya pinaghandaan ang role niya sa pelikula?

"Bago ko pa ginawa yung pelikula, may mga napapanood na akong mga artista na naggi-gay [role].

"Tulad kay Tito Dick [Roderick Paulate], napanood ko yung movie niyang Bala at Lipstick na gay siya doon.

"Tapos sa foreign naman, napanood ko yung Birdcage," sabi niya.

Graded A ng Cinema Evaluation Board ang Zombadings. Ibig sabihin, maganda ang pagkakagawa sa pelikula.

Siyempre pa, happy si Martin sa magandang reviews sa pelikulang pinagbibidahan niya.

"Ang sarap ng feeling na may mataas na gradong ibinigay sa pelikula namin.

"Siyempre sa lahat ng bumubuo ng pelikula, happy kaming lahat," saad niya.

KISSING SCENE. May kissing scene si Martin sa co-star niya sa pelikula na si Kerbie Zamora. Aminado naman ang StarStruck alumnus na nailang siya sa eksena nilang yun.

"Siyempre, pareho kaming lalaki tapos maghahalikan? Kaya talagang nakakailang," sabi niya.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

"Siyempre nakakatakot. Hindi pa ako sanay sa mga ganoong eksena, ngayon ko pa lang ginawa.

"Tinanggal ko na lang ang lahat ng inhibitions ko para magawa ko yun nang tama."

Sa tingin niya ba kailangan na sa career niya ngayon ang ganoong eksena?

"Sa tingin ko kasi ano, e... Bilang aktor, kung sa tingin ko mapapaganda yung pelikula, kailangan talaga siya, sa tingin ko kailangang gawin."

Bago niya gawin yung eksena, nasabi ba niya ito sa parents niya?

"Nabasa naman nila yung script. Tawa nga nang tawa yung nanay ko, e," sabi ni Martin.


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN