Angelica Jones’s personal driver files complaint against her; he claims she threatened his life

Ipina-blotter ni Pastor Belen, ang dating personal driver ni Laguna Board Member Angelica Alavar a.k.a. Angelica Jones, ang kanyang amo sa Sta. Cruz Municipal Station, Laguna noong Miyerkules, August 24 dahil sa pagbabanta raw sa buhay niya.


Ipina-blotter ni Pastor Belen sa Sta. Cruz Municipal Station, Sta. Cruz, Laguna noong Miyerkules, August 24, ang kanyang employer, si Laguna Board Member Angelica Alavar a.k.a. Angelica Jones dahil sa pagbabanta raw sa buhay niya.

Si Pastor ng San Pablo City ang dating personal driver ni Angelica na nagbitiw sa tungkulin dahil hindi na raw niya matagalan ang hindi makatao na pagtrato sa kanya ng actress-politician at ng ina nito na si Evita " Beth " Alavar.

Si SPO1 Arnold Odejar ng Sta. Cruz Municipal Police Station ang tumanggap sa reklamo ni Pastor (Police Blotter docketed entry No. 4379) noong August 24, 1:20 p.m.

Naganap ang insidente sa parking area ng Provincial Capitol ng Laguna nang hindi sinasadya na magkita si Angelica at ang kanyang dating personal driver.

Tinawag ni Angelica si Pastor at sinabihan diumano ng "Hindi magtatagl ang buhay mo. Babalikan kita. Sandali na lang ang buhay mo..."

Sa interview ng PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) kay Pastor, sinabi nito na nakaramdam siya ng takot sa banta ni Angelica at bilang proteksyon sa sarili, pumunta agad siya sa police station ng Sta. Cruz, Laguna para i-report ang insidente.

Sa kuwento ni Pastor, nagpunta siya sa opisina ni Laguna Governor ER Ejercito noong Miyerkules ng tanghali para ibigay ang written statement tungkol sa hindi pagpapasahod ni Angelica sa kanya.

Ang written statement ang hiningi ng gobernador na nangako raw na tutulungan siya at ang isa pang staff member ni Angelica na hindi rin nito binigyan ng suweldo.

Naglalakad daw siya sa parking area nang mangyari ang accidental encounter nila ni Angelica. Hindi raw siya nagsalita nang murahin ni Angelica.

Bago lumapit si Pastor sa opisina ni Governor Ejercito, nakapagsampa na siya ng reklamo sa Barangay Hall ng Barangay San Gabriel, San Pablo City.

Sinabi ni Pastor na dumaan siya sa wastong proseso para makuha ang kanyang suweldo pero walang nangyari sa tatlong beses na pagdinig sa kanyang reklamo sa barangay, kaya minabuti niya na humingi ng tulong kay Governor Ejercito.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

Nakakuha ang PEP ng kopya ng written statement ni Pastor na pormal na tinanggap ng secretary ni Governor Ejercito noong Miyerkules, August 24, 12:10 p.m.

Ikinuwento ni Pastor sa kanyang 4-page written statement ang pang-aabuso at panggigipit sa kanya ng mag-inang Beth at Angelica Jones:

PAYLESS. "Tatlong linggo po ako nagtrabaho sa kanila. Hindi po maganda ang trato nila sa akin. Hindi po nila ako pinakakain nang maayos. Nagtatrabaho po ako sa kanila na hindi nakain nang maayos.

"Payless [Noodles] lang po ang ipinakakain nila sa akin, pati po tanghalian, Payless din po. Wala rin po miryenda, pati po hapunan.

"Kaya naisip ko na lang po na umalis sa kanila at kunin ko na lang po ang aking natirang suweldo na P1,600, pati po iyong aking tatlong linggo na overtime na P150.00 a day.

"Ang pera ko pa po sa kanila ay P4,750.00, kasama na po iyong aking overtime.

"Ang nangyari po sa akin ay ginipit nila ako at pina-asa at pinangakuan lang po ako ni Bokal Angelica Jones, pati po ng kanyang ina.

"Halos magmakaawa po ako sa kanila kasi po wala nang makain ang aking mga anak.

"Ang sabi po nila sa akin, bakit daw po nila ako babayaran, wala naman daw po akong katunayan na nagtrabaho ako sa kanila. Wala naman daw po akong pinirmahan na ako ay personal driver po nila.

"Marami pong makapagpapatunay na tao, lalo na po sa Panglalawigan Panglunsod sa Sta. Cruz, Laguna, ang aking kinukuha naman po sa kanila ay iyong aking pinagpaguran.

HOPELESS. "Kaya po ako nagtrabaho para po sa aking mga anak. Para po makapag-aral sila nang maayos at makakain po sila sa tamang oras.

"Kaya po naisip ko na idulog sa kanilang barangay [Barangay San Gabriel] ang aking problema subalit wala rin pong nangyari sa barangay nila. Pinaasa lang din po ako sa barangay.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

"Noong unang hearing namin, ang dumating po ay iyong ina [Beth Jones]. Ang pangalawang hearing at pangatlo po, hindi po sila sumipot sa barangay.

"Kaya po, naisip ko po na humingi ng clearance sa barangay nina Bokal Angelica Jones subalit bigo rin po ako. Hindi po nila ako binigyan ng clearance ng barangay.

"Ang sabi po sa akin ng barangay konsehal, bakit daw po ako bibigyan ng clearance,wala naman daw po akong sapat na katibayan na personal driver ako ni Bokal Angelica Jones.

"Baka ako pa raw po ang mapahabla dahil sa aking ginagawa kasi raw po, hindi basta tao ang aking inirereklamo kaya po naisipan ko na humingi ng tulong sa inyo.

HELPLESS. "Alam ko pong maliit na halaga ito para sa kanila pero sa kagaya po namin na mahihirap, malaking bagay na po iyon.

"Halos magkanda utang po ako sa aking mga kapit-bahay ng perang pamasahe para lang po makuha ko po ang aking pinaghirapan. Nasa P800 na po ang aking mga utang, sa pamasahe lang po.

"Hanggang ngayon po ay hindi ko pa rin nakukuha ang perang pinaghirapan para sa aking mga anak. Para po may makain kami tatlong beses sa isang araw.

"At gusto ko po na malaman ninyo na red plate po yung aking ginagamit na sasakyan kay Bokal at iyong kapatid po niya na naka-payroll sa Sta. Cruz na dapat po ay driver niya e, pahiga-higa lang po sa bahay nila.

"At ako po ang pagod sa pagmamaneho, halos 24-hours po akong nagtatrabaho sa kanya. Tiniis ko po ang lahat ng gutom at pagod sa kanila pero ang isinukli po nila ay napakalaking perwisyo sa akin at sa aking mga anak.

"Tuloy-tuloy pa rin po ang sahod ng kanyang kapatid, kahit ito po ay hindi nagtatrabaho sa Sangguniang Panlalawigan.

"Hanggang dito na lang po at gumagalang sa inyo. Sana po ay maunawaan po ninyo ako."

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

Bukas naman ang PEP sa panig ni Angelica at ng kanyang inang si Beth kung may nais silang ipahayag sa isyung ito.


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN