Martin Escudero hopes lead role in Zombadings will help boost his career

"Yung purihin ng mga tao yung movie, pati yung acting namin, parang award na yun sa akin. Iyang award, lahat ng artista siyempre gustong makakuha niyan, siguro one day dadating din iyan," says Martin Escudero when asked if he is expecting an award for his performance in Zombadings.


Tuwang-tuwa si Martin Escudero dahil sa malaking tagumpay ng celebrity premiere ng pinagbibidahan niyang pelikula, ang Zombadings 1: Patayin sa Shokot si Remington, na ginanap kagabi, August 30, sa SM Megamall Cinemas 9 and 10.

Punung-puno nga ang dalawang sinehan at marami pa ang mga nakatayo at nakaupo sa aisles.

Bukod kay Martin, dumalo rin sa premiere ang iba pang members ng cast na kinabibilangan nina Janice de Belen, Roderick Paulate, Kerbie Zamora, Lauren Young, Leandro Baldemor, at Angelina Kanapi.

Present din ang direktor ng movie na si Jade Castro, pati na ang production team sa pangunguna ng producer at writer nito na si Raymond Lee.

Naging busy naman sa pag-iistima ng guests ang manager ni Martin na si Popoy Caritativo.

Marami ring celebrities ang nanood ng premiere gaya ni Marian Rivera, na may special participation sa movie, at kasama niya pa ang kanyang boyfriend na si Dingdong Dantes.

Ilan pa sa celebrities na namataan ng PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) ay sina Dennis Trillo, Mother Lily Monteverde with daughter Roselle Monteverde-Teo, Ricky Davao, AJ Dee, Megan Young, ang mag-asawang Julius at Christine Babao, Arnell Ignacio, talent manager Perry Lansigan, directors Maryo delos Reyes, Jun Lana at Joyce Bernal, at TV5 executive Perci Intalan.

Produced by Origin8 Media, ang Zombadings 1: Patayin sa Shokot si Remington ay showing na sa mga sinehan simula ngayong araw, August 31.

THANKFUL. Puno nga ng pasasalamat si Martin nang makausap siya ng PEP sa labas ng Cinema 10 pagkatapos ng screening.

"Unang-una, nagpapasalamat ako kay God sa napakagandang blessing na ito.

"Sobra rin akong nagpapasalamat sa lahat ng nagpunta, nanood, at sumuporta sa premiere night namin.

"Nakakataba ng puso na pagkatapos ng screening ang daming bumabati sa akin at nagsasabing maganda ang movie, magaling daw ang performance ko.

"Ako naman, thank you lang ako nang thank you kasi parang lumulutang na ako sa saya.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

"Kasi hindi ko ine-expect na magiging ganito katagumpay yung first lead role ko sa movie.

"This is really my biggest break," sabi ni Martin.

Ikinatuwa rin ng StarStruck alumnus ang pagdating ng mga kapatid niya sa manager na sina Marian at Dennis. Lalo na kay Marian, na hindi nagpabayad para sa special participation nito sa movie.

Ani Martin, "Malaking bagay sa akin na nandito sa premiere night sina Marian at Dennis.

"Si Ate Yan [Marian], talagang ateng-ate sa akin ’yan at laging nakasuporta kahit noon pa.

"Thankful ako kasi hindi siya nagpabayad sa paglabas niya sa movie. Tapos kasama niya pa si Dingdong."

Kanino siya humuhugot ng inspirasyon para pagbutihan niya ang trabaho niya?

"Siyempre ang inspirasyon ko ang pamilya ko," sabi ni Martin.

"Sila ang dahilan kaya ako nagtatrabahong mabuti. Gusto kong maging masaya sila at maging proud sa akin.

"Siyempre kasama rin ang mga kaibigan ko, pati ang mga fans. Lahat ng naniniwala sa akin at sumusuporta."

Wala ba siyang inspirasyon sa lovelife ngayon?

"Lovelife? Sana magkaroon na, wala pa, e," ngiti niya.

CAREER BOOST. Sa tingin ba ni Martin ay malaki ang maitutulong ng Zombadings para mas umangat ang career niya? Lalo na ngayong marami na ang nakakapansin sa kanyang husay sa pag-arte simula pa nung maipalabas ang pelikula niya sa Cinemalaya 2011 at sa sneak previews nito sa iba’t ibang lugar sa Pilipinas?

"Sana naman makatulong siya dahil ito talaga yung pinakamalaking pelikula na ginawa ko.

"Pero yung kinalabasan, kitang-kita naman na tuwang-tuwa yung mga tao."

Feeling niya ba siya talaga ang nagdala sa pelikula?

"Hindi naman ganun," sambit niya.

"Para sa akin, grupo kami, e, kaya lahat kami nagdala.

"Walang maliit na artista doon, lahat kami nagdala. Kaya deserve namin lahat ang success ng movie.

"Hindi ko magagampanan nang maayos ang role ko kung hindi ako tinulungan at inalalayan ng buong cast, ni Direk Jade, at ng production team."

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

Ano ang pakiramdam na ngayon lang siya nabigyan ng big break sa pelikula gayong ilang taon na rin siya sa showbiz?

"Sa totoo lang, hindi naman ako nagmamadali, e. Naniniwala ako na kanya-kanyang oras ’yan.

"So, kung hindi para sa akin ngayon, siyempre gagawa ako ng paraan para mas mapabuti ko ang sarili ko.

"At hihintayin ko ang tamang oras para sa akin," saad niya.

Sa tingin niya ba sa pagdating ng Zombadings, ngayon na ang tamang oras para sa kanya?

"Sana nga ito na ang simula," asam niya.

Nagwi-wish ba siya ng acting award para sa mahusay niyang pagganap sa Zombadings?

"Dito lang sa nakukuhang success ng movie namin, masaya na ako.

"Yung purihin ng mga tao yung movie, pati yung acting namin, parang award na yun sa akin.

"Iyang award, lahat ng artista siyempre gustong makakuha niyan, siguro one day dadating din iyan.

"Ang mas wish ko ngayon, sana mas marami pa ang manood sa Zombadings.

"Sana kumita ang producers namin para makagawa pa sila ulit ng mas maraming magagandang pelikula."

GAY ROLES & KISSING SCENE. Ginagampanan ni Martin sa pelikula ang role ni Remington, isang binata na isinumpang maging bading noong bata pa siya.

Hindi ba siya natatakot ma-typecast sa gay roles katulad ni Roderick Paulate noon na nagsunud-sunod ang gay roles sa pelikula?

"Sa totoo lang, hindi," kampante niyang tugon.

"Kasi kita mo naman kung nasaan na si Kuya Dick ngayon. Naging successful siya at hanggang ngayon ay active pa rin siya sa showbiz.

"So, kung iyon ang magiging resulta pag na-typecast ako sa gay roles, okay lang sa akin."

So, ibig sabihin, tatanggapin niya rin agad ang kasunod na offer kahit na gay role ulit?

"Oo naman, bakit hindi? Basta maganda yung role, maganda ang story, walang problema sa akin.

"Basta sa tingin namin ng manager ko ay makakatulong sa career ko, tatanggapin namin."

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

Hindi ba siya na-bother na mas natuon ang write-ups na lumalabas sa kissing scene nila ng co-actor niyang si Kerbie Zamora?

"Oo nga, e, pero okay lang naman kasi publicity rin yun para sa movie namin.

"Pero kapag napanood naman nila yung movie, masasabi nila talaga na hindi bastos ang pagkagawa nung kissing scene.

"Actually, sa tingin ko, mas matatawa sila at hindi nila maiisip na mahalay yung eksena.

"May mga nagsasabi pa nga na yun daw ang favorite scene nila sa movie."

Willing ba siyang makipag-kissing scene ulit sa kapwa lalaki?

"Aktor tayo at trabaho iyan kaya gagawin ko kung kinakailangan.

"Basta hindi bastos ang dating, gagawin ko.

"Katulad nitong sa Zombadings, may halo namang comedy, e."

TV5 SUPPORT. Malaki rin ang pasasalamat ni Martin sa TV5 kung saan siya nakakontrata ngayon sa telebisyon.

Pero hindi niya rin nakalimutang pasalamatan ang GMA-7, kung saan siya nakilala matapos niyang manalo sa StarStruck 4.

"Unang-una, gusto ko munang magpasalamat sa TV5 dahil sa malaking suporta.

"At saka sa GMA na rin dahil binili nila yung TV rights ng movie. Sa kanila naman ako nakilala, e.

"Nagpapasalamat ako sa TV5 dahil hindi nila ako pinababayaan. Binibigyan nila ako ng magagandang projects.

"Pangako ko sa kanila pagbubutihan ko pa lalo. Kung ano yung hinihingi nila yun ang ibibigay ko."

Nilinaw naman ni Martin na hindi siya talaga nabakante sa TV5 pagkatapos ng soap nilang Babaeng Hampaslupa.

Nag-request daw siya talaga sa TV5 ng break para mapagtuunan niya ng pansin ang Zombadings.

Aniya, "Ang totoo niyan, nagbigay daan talaga ang TV5 para dito. Para magawa namin ito nang mahusay, nagbigay kami talaga ng oras para sa Zombadings."

Ngayon ngang showing na ang movie, mabibigyan na raw ng atensyon ni Martin ang susunod niyang project sa TV5.

"Aabangan natin ngayon yung Glamorosa. Kasama ko rito sina Ms. Lorna Tolentino, Ms. Alice Dixson, at marami pang iba.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

"Bigatin ito kaya ito naman ang susunod kong paghahandaan," sabi ni Martin.


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN