Lito Camo reveals reason of misunderstanding with Willie Revillame; says he’s just doing his job

Lito Camo on why Willie Revillame ended their friendship: "Actually, di niya naman ako kinausap. Pero sinabi niya sa mga kaibigan namin na wala daw akong loyalty sa kanya dahil nga ginawan ko ng kanta sina Rico, John, at Randy."


Matatandaang naging mag-partner at matalik na magkaibigan ang singer-composer na si Lito Camo at ang TV host na si Willie Revillame sa pagsisimula pa lang ng Wowowee sa ABS-CBN.

Halos lahat ng sumikat na awitin ni Willie ay gawa ni Lito Camo.

Kahit noong lumipat si Willie sa TV5 para sa kanyang Willing Willie, na ngayon ay Wil Time Bigtime na, ay nanatiling magkaibigan ang dalawa.

Pero dahil sa paggawa ni Lito ng kanta sa Happy Yipee Yehey! para kina Rico J. Puno, John Estrada, at Randy Santiago, balitang nagkaroon ng gap ang singer-composer at si Willie.

May tampuhan din kasi sa pagitan ni Willie at ng mga host ng noontime show ng ABS-CBN.

Kahapon, August 30, ay dumalaw pa nga sa studio ng Happy Yipee Yehey! si Lito para i-promote ang kanilang show ni Venee Saturno sa Metrobar ngayong gabi, August 31.

WILLIE KNOWS? Matapos ang kanyang pag-promote sa show ay nagkaroon ang PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) ng pagkakataon na makapanayam si Lito Camo para kunin ang kanyang pahayag tungkol sa alitan nila ni Willie.

"Actually, hindi ko alam na may nagawa akong pagkakamali sa kanya," panimula ni Lito.

"Dahil ginawa ko lang yung trabaho ko dito sa ABS-CBN. Dahil ako ay contract composer dito sa ABS-CBN.

"At wala akong karapatan na tumanggi, o suwayin kung ano man yung iniutos sa akin ng boss dito. Dahil sila yung nagbabayad sa akin."

Dagdag niya, "Siyempre, nauunawaan ko rin naman kung ano yung nararamdaman ni Willie sa nangyari.

"Dahil alam ko na masama ang loob niya dun sa tatlo [Rico, John, and Randy].

"Pero ako ay lubos na nalulungkot dahil hindi niya ko nagawang unawain.

"Sa kabila ng alam niya [Willie] naman na ako ay nakakontrata sa ABS-CBN. Alam niya yun.

"Sa pamamagitan ng ibang mga kaibigan namin, ever since, alam niya na nakakontrata ako rito.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

"Dahil kaya ako nakakontrata dito, dahil nung nandito pa siya sa ABS-CBN, pareho kaming kinontrata ng ABS-CBN.

"Siyempre, hindi pa tapos yung kontrata ko at ayaw ko naman masira yung reputasyon ko dito sa ABS. Dahil napakalaki ng utang na loob ko dito sa ABS.

"At dito ako kumikita ng pera para itulong sa pamilya ko," paliwanag pa niya.

A QUESTION OF LOYALTY? Paano niya nalaman na masama ang loob sa kanya ni Willie?

"Actually, hindi niya naman ako kinausap," sagot ni Lito.

"Pero sinabi niya sa mga kaibigan namin na wala daw akong loyalty sa kanya dahil nga ginawan ko ng kanta sina Rico, John, at Randy.

"Pero kung loyalty yung pag-uusapan, kung ibabalik natin sa umpisang-umpisa...

"Kung paano nagkaroon ng Wowowee, e, yung loyalty ko sa kanya na mas madalas ko pa siyang kasama kesa sa aking pamilya.

"At halos lahat ng awiting ginawa ko sa kanya ay tinangkilik ng sambayang Pilipino.

"At yun nga yung ikinalulungkot ko, na sana sa pagkakataon na ito, ako naman yung nangangailangan ng pang-unawa niya.

"Sana, naunawaan niya ako sa sitwasyon ko.

"Alam ko na masama ang loob niya sa akin dahil ang mga ginawan ko ng kanta ay mga taong mayroon silang gap.

"Pero pauli-ulit kong sasabihin, wala akong magagawa para tumanggi sa trabaho dahil nakakontrata ako sa ABS-CBN."

MY INSPIRATION. Ano ang naging inspirasyon niya sa paggawa ng kanta para sa hosts ng Happy Yipee Yehey?

"Katulad niya [Willie], katulad ng iba pang hosts, na ang layunin ay magbigay ng kasiyahan sa mga tao sa pamamagitan ng kanilang pagpapatawa sa kanilang mga programa. Ganun din ang layunin ko.

"Na ako’y naging instrumento lang ng Panginoon na bigyan ng ganitong klase na talento para makapagsulat ng kanta.

"Para sa pamamagitan nila [hosts], kung kakantahin nila yung mga kanta ko, makapagbibigay din ng kasiyahan.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

"Sa pamamagitan ng mga kantang iyon, kahit may problema yung mga kababayan natin ay nalilimutan nila yung kanilang problema panandalian.

"Pag narinig nila yung mga kanta ko.

"Sana, hindi lang matapos nang ganun lang yung pagkakaibigan namin dalawa.

"Kasi, hindi lang kaibigan yung turing ko sa kanya [Willie]. Itinuturing ko siyang mas nakakatanda kong kapatid," malungkot nitong pahayag.

Dagdag pa niya, "Mahal ko ’yang si Willie. Maging yung pamilya ko ay apektado sa nangyari sa amin.

"Yung nanay ko, yung tatay ko, yung mga anak ko.

"Lalung-lalo na yung inaanak niyang si Carl, nagtatanong kung bakit di na daw kinakanta ng ninong niya yung mga kanta ko sa programa niya.

"At ang sinasagot ko na lang sa kanila, ’Baka gusto lang ng ninong mo na kumanta ng kanta ng iba.’

"Pero wala akong sinasabing masama against sa kanya.

"Para sa akin ay kaparatan niya yun. Kung gusto niyang kumanta ng gusto niyang kanta, wala tayong magagawa sa ganun. Dahil yun ang kagustuhan niya.

"Pero syempre, bilang kaibigan niya, hindi ko naman ipinagbawal sa kanya yung kanta ko para hindi niya kantahin.

"Basta ako, bilang kaibigan niya ay sumusuporta pa rin sa mga gawain niya.

"Dahil alam kong mabuti yung hangarin niya sa sambayanang Pilipino sa pamamagitan ng programa niya."

PLEASE TRY YOUR CALL LATER. Inimbitahan ba niya si Willie na pumunta sa kanilang show sa Metrobar?

"Wala na kasi ako ng bago nyang number, e," sagot ni Lito.

"Tinawagan ko yung dati niyang number, pero hindi ko siya makontak.

"Akala ko lang nakapatay yung phone, pero tinawagan ko yung iba naming friend, sabi nagpalit na raw siya ng number.

"Ayaw ko namang isipin na nagpalit siya ng number dahil lang sa akin."

Kailan ba sila huling nagkausap ng Wil Time Bigtime host?

"Huli kaming nag-usap nung nag-golf kami sa Capitol last month. Ang saya-saya namin nun.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

"Nakaka-miss nga, e. Kasi routine na namin yun, twice a week naggu-golf kaming dalawa.

"Tapos hinahanap siya ng mga ka-group namin.

"Pero wala, wala akong magagawa, e. Hindi niya ako naiintindihan, e."

SMOKE THE PEACE PIPE. May plano ba siyang makipagbati kay Willie?

"Anytime!" bulalas ni Lito.

"Saka di naman ako galit sa kanya, e. Wala naman akong problema sa kanya.

"Siya yung nagtatampo sa akin dahil sa nangyari. Pero ako, wala akong tampo sa kanya.

"Pilit ko siyang inuunawa sa pag-iwas niya sa akin.

"So, sana paggising niya, maalala niya yung isang tunay na kaibigang katulad ko.

"I find ways para magkausap kami, pero hindi ibinibigay sa akin nung iba naming kaibigan yung bago niyang number, e.

"Siguro, hihintayin ko na lang yung tamang panahon na magkikita kami, para masabi ko sa kanya nang personal kung ano yung totoong nangyari."

MESSAGE TO A "FRIEND." Ano ang message niya kay Willie?

"Good luck sa lahat ng plano mo sa buhay. Alam ko naman na iisa lang ang layunin mo, na magpasaya ng mga tao. Magpasaya ng sambayanang Pilipino.

"At sana, huwag mong kalilimutan yung mga totoo mong kaibigan na nakasama mo nung hindi pa ganyan yung estado mo sa buhay.

"At sana marunong kang magpatawad sa mga taong sa tingin mo ay nasagasaan, o nasaktan ka. Dahil ang buhay ay maiksi lang.

"Sana mahalin mo rin yung mga taong nagmamahal sa ’yo dahil mahirap humanap ng mga totoong tao."


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN