Jhake Vargas takes time off to celebrate parents’ golden anniversary in Olongapo City

Ngayong araw na ito, September 3, ay ise-celebrate ng mga magulang ng tween star na si Jhake Vargas ang kanilang ika-50th wedding anniversary. The actor’s siblings arranged the family event in Olongapo City at pinapadala na lang daw ni Jhake ang kinakailangan na panggastos dahil abala rin siya sa kanyang trabaho.


Ngayong araw na ito, September 3, ay ise-celebrate ng mga magulang ng tween star na si Jhake Vargas ang kanilang ika-50th wedding anniversary. At dahil Golden wedding anniversary ito, nagtulung-tulong ang mga kapatid ni Jhake para matupad ang kahilingan ng kanilang magulang na magkaroon ng renewal of vows sa mismong araw na ito.

Kuwento ni Jhake sa amin sa taping ng Walang Tulugan With The Master Showman kahapon ng gabi sa Studio 6 ng GMA Network Annex Studio, na sa bahay lang daw nila sa Olongapo City gagawin ang muling pagpapakasal ng kanilang magulang na sila Miguel at Margarita Vargas. Nag-usap raw silang siyam na magkakapatid kung ano ang magiging papel nila sa importanteng petsa na iyon para sa kanilang magulang.

"Wish nila mama at papa itong ikasal sila ulit. Since 50 years na silang magkasama bilang mag-asawa, siguro naman daw ay sapat na katibayan iyon ng kanilang pagmamahalan sa isa’t isa," ang sabi niya sa PEP.ph (Philippine Entertainment Portal).

"Kaya kaming magkakapatid, kami na nag-ayos ng magiging kasalan nila sa bahay. Since napaayos na namin ang bahay at hindi naman puwedeng maibiyahe si mama sa kunsaan dahil sa kondisyon niya, naisip namin sa bahay na lang.

"Kumuha na lang kami ng pari para ikasal sila ulit. Doon na namin papapuntahin ang ibang kamag-anak namin na manggagaling pang Batangas at dito sa Manila. Gusto naming maging special ito para kina mama at papa," ngiti pa ni Jhake.

Pagdating sa gastos ay wala raw problema kay Jhake. Siya raw kasi ang nasa Manila at ang mga kapatid niya ang nag-aasikaso ng family event nila sa Olongapo City. Pinapadala na lang daw ni Jhake ang kinakailangan na panggastos dahil abala rin siya sa kanyang trabaho. Bukod kasi sa taping ng Reel Love Presents Tween Hearts ay meron din siyang taping for Pahiram Ng Isang Ina.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

Pero sa araw na ito ay hindi muna tumanggap ng anumang trabaho si Jhake dahil gusto niyang nasa Olongapo City na siya para sa affair ng kanilang pamilya.

"Tinatawagan na lang nila ako para sabihin na ganito ang kailangan na amount para sa kung ano ang kailangan. Pinapadala ko na lang kasi hindi ako personally na makatulong sa kanila sa bahay dahil sa trabaho.

"Nakikibalita na lang ako sa mga kuya at ate ko. Nalaman ko na purple and white ang gustong motif nila mama at papa. Simple lang naman ang gagawing renewal of vows nila, pero gusto namin na busog ang mga darating na bisita namin. Pinaasikaso ko na rin ang catering para masarap ang handa sa okasyon ng magulang namin," ang sabi niya.

At dahil sa maselang kondisyon ng kanyang ina, baka raw nakahiga na lang ito sa stretcher habang mag-exchange sila ng "I dos" ng kanyang ama.

"Alam naman ng lahat ang naging sakit ni mama. Hindi na siya makatayo talaga. Kahit na yung umupo, hindi siya nakakatagal. Gusto naming naka-wheelchair na lang siya pero kahit doon nahihirapan din siya.

"So baka ihiga na lang namin siya sa stretcher para hindi siya mahirapan. Si mama pa naman, ayaw niyang pinapakita sa amin na nahihirapan siya. Nakangiti lang siya parati pero alam naming may masakit siyang nararamdaman sa katawan niya.

"Kaya itong renewal of vows nila ay isang magandang gift namin para sa kanilang dalawa ni papa. Nagpapasalamat kami na sa tinagal ng pagsasama nila, hindi nila iniwan ang isa’t isa kahit na nagkakaroon sila ng konting tampuhan. Lalo na’t maysakit si mama, nandiyan si papa parati sa tabi niya," diin ni Jhake.

Kinuwento ng aktor na malaki ang agwat ng edad ng kanyang magulang noong magkakilala sila. Sixteen years old lang daw ang kanyang ina at 24 years old na ang kanyang ama. Aminado raw na babaero ang ama ni Jhake pero noong makilala raw nito ang kanyang ina, nagbago raw ito at hindi na raw nambabae.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

"Noong makilala raw ni papa si mama, natigil lahat ng panliligaw niya sa ibang babae. Si mama lang daw ang minahal niya ng tapat. Kaya marami kaming magkakapatid, ’di ba?" sabay tawa ni Jhake.

"Tsaka ever since naman noong bata ako, hindi ko sila nakitang nag-away talaga. Lagi silang magkasama kahit saan. Kaya hindi ako magtataka na umabot sila ng 50 years. Bihira na kasi ngayon daw na may mag-asawang umaabot sa ganyang katagal na magkasama.

Masuwerte kami na ang magulang namin ay nagmahalan ng tunay."

Panalangin ni Jhake na hindi ito ang huling wedding anniversary na magkasama ang kanyang magulang. Lagi niyang dasal na tumagal pa ang buhay ng kanyang ina at hindi ito magpatalo sa sakit nitong cancer.

"Yun ang parating dasal naming magakakapatid. Na maduktungan pa ang buhay niya. Nagpapasalamat kami na nalagpasan niya ang taning na binigay sa kanya ng mga doktor noon. This time, gusto naming tumagal pa siya. Heto at umabot pa sila sa 50th wedding anniversary nila.

"Mas magiging masaya pa kaming magkakapatid kung tatagal pa siya ng ilang taon pa. Para kasing hindi pa kaming handang lahat na mawala siya. Pagbigyan pa sana kami ni Lord na makasama pa namin ng matagal si mama," pagtatapos pa ni Jhake Vargas.


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN