Kylie Padilla maintains she and Aljur Abrenica are good, good friends; but she is not entertaining other suitors

How close are Kylie Padilla (main photo) and Aljur Abrenica (inset)?

"Basta may care. Siyempre may care. Pero hindi naman ’yong... kami na," Kylie says.


Fans’ day ni AlJur Abrenica na ginanap kamakailan sa activity center ng Trinoma Mall.

Inabutan ng (PEP.ph) Philippine Entertainment Portal) si Aljur sa dressing room na katabi ang rumored girlfriend niya ngayon na si Kylie Padilla. Ang sweet nga nila sa isa’t isa.

Tila nabigla pa ang dalawa nang i-approach namin for an interview. Si Kylie, biglang umalis sa tabi ni Aljur at lumipat ng upuan.

Magkalayo man, pansin na pansin namin ang makahulugan nilang tinginan. Nag-uusap sila nang mata sa mata, kumbaga. And with that... paanong hindi mo iisiping sila na nga?

Marami nga ang naintriga sa duet nila ng "Please Be Careful With My Heart." Parang feel na feel nila pareho ang bawat linya ng nasabing love song.

Theme song ba nila ’yon?

"Hindi!" natawang reaksiyon ni Kylie. "I’m here because... siyempre support para sa kanya [Aljur]. At saka parang... masayang kumanta. Mahilig akong kumanta, e.

"Siyempre, support para sa kanya. In-invite ako ng handler [iisa ang handler nila Aljur at Kylie] namin, e."

Ang ama niyang si Robin Padilla, balitang maluwag na raw sa relasyon nila Aljur ngayon. Payag na raw ito na lumabas-labas sila basta umano may curfew na susundin si Kylie.

"Actually ako po ang nagsabi no’n. Pero hindi naman po...curfew.

"Ah... kasi may mga trabaho kami. Na hindi lang naman love life ’yong iniintindi mo. Dapat responsible ka pa rin."

So maluwag na talaga ang Papa niya when in comes to entertaining suitors or... going out with Aljur?

"Okey naman sa kanya.

"Hindi naman sa hindi naging okey. Basta... okey naman sa kanya."

Pero dati kasi, may intriga nga na naaalarma si Robin kay Aljur no’ng nagsisimula pa lang silang maging close ng aktor, di ba?

"Siguro noon. Pero wala na ’yon. As a father, gano’n talaga."

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

Bakit sa tingin niya biglang naging maluwag si Robin?

"Siguro nakita naman niya na... okey naman. Wala namang masayadong seryoso."

FOUR MONTHS. For the record, gaano na nga ba sila katagal ni Aljur?

"Hindi ko na matandaan. Matagal-tagal na rin. Siguro mga four months."

Saan na humantong ang closeness nilang ’yon? Kasi kung papansinin ang sweetness nila sa isa’t isa, more than friends na nga ang relasyong namamagitan sa kanilang dalawa.

"Basta may care. Siyempre may care.

"Pero hindi naman ’yong... kami na."

Nanliligaw pa rin ba sa kanya si Aljur?

"Ewan ko. Hindi ko alam, e.

"Mabait talaga siya, e," napabungisngis na sabi pa ni Kylie.

Walang naniniwala na friends lang sila. Kasi ang hinala nga ng lahat, nagkakamabutihan na sila.

"Ewan ko. Basta gano’n [Friends] lang kami."

E di ba kapag madalas lumalabas o exclusively dating, nagliligawan o may understanding na?

"Ay, ewan ko. Basta ang alam ko lang, we’re friends. We’re good, good friends."

Pero malaki ang chance na maging special someone niya si Aljur?

"Special na siya. Special na siya."

E ’yong as boyfriend talaga?

"May chance. Oo!"

Ano pala ang nakakapigil para formally maging sila na?

"Career."

May fans na rin naman silang dalawa. Hindi lang sila bagay sa totoong buhay, kundi bilang love team din.

"May fans nga na sumusuporta sa aming dalawa. Pero... you can’t be boyfriend-girlfriend forever. Siyempre may kasunod iyon. And masyado pa kaming bata.

"At saka ako, kapag gusto ko ng relasyon, gusto ko ’yong seryoso talaga."

KYLIE’S FIRST. Eighteen na Kylie; right age na for any girl to have a boyfriend.

"Ayoko ko po. Ayoko po kasi no’ng ano... naging boyfriend mo lang tapos nag-break kayo.

"Ibig kong sabihin, never pa akong nagka-boyfriend. First time ko pa lang kung sakali. Kaya mahirap. Hindi gano’n kadali."

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

So... si Aljur ang first?

"Kung ia-ano natin, siya ’yong nando’n."

Formality na nga yata ang kulang sa kanila ni Aljur para madeklarang sila na nga?

"Pero hindi talaga, e. Parang... ewan ko."

Gusto naman niya si Aljur, di ba?

"Oo."

At gusto rin siya ni Aljur?

"I think so!"

Formality na nga lang ang kulang?

Ngiti na lang ang naging reaksiyon ni Kylie.

MOVIE WITH ROBIN AND ALJUR. Ilang beses na nagkaharap na naman daw sina Aljur at ang ama niyang si Robin. The last time was during the sory conference daw ng pelikulang Mr. Wong sa Regal Films kung saan magkakasama silang tatlo.

Siguro when they start shooting daw, maiilang nang konti si Kylie kapag nando’n sila halimbawa, ni Aljur tapos Robin is there din.

"Pero pagdating sa set, trabaho lang."

Hindi naman daw talaga naging mahigpit si Robin.

"Wala naman kaming [sila ni Aljur] ginagawang masama, e. At never naman silang [Aljur and Robin] hindi naging okey."

May pagsasamahang project sina Rhian Ramos, Aljur, at ang pinsan niyang si Bella Padilla. Supposed to be, may love angle dito sina Aljur at Bella, tapos may kissing scenes pa. Magelos kaya siya?

"Okey lang. Di ba nagkasama na sila sa Machete? I grew up watching Aljur. Tapos [meron] ’yong Alkris [Aljur-Kris Bernal loveteam] dati, di ba?

"Sanay na ako. Wala ’yong selos-selos."

Pero hindi kaya iba kapag pinsan na niyang si Bella ang mapanood niyang ka-kissing scene ni Aljur?

"Okey lang. Trabaho lang naman ’yon. At saka kung may gano’n man, huwag ka nang magpa-distract sa mga gano’n."

Hindi na siya talaga nag-e-entertain ng ibang suitors sa ngayon?

Nangiti ulit si Kylie bago sumagot.

"Ah... may mga lumalapit. Pero alam naman nila."

Alam na ano? Na exclusively dating na nga sila ni Aljur?

"Oo. Kaya... parang respeto na lang. Pero hindi naman nila tinatanong... ’Kayo na ba?’"

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

FAMILY MAN. Sa tagal na ng pagiging malapit nila sa isa’t isa ni Aljur, ano ba ’yong na-discover niya sa aktor na katangiang pinaka-nagustuhan niya?

"Ano siya... family man. Mapagmahal at supportive siya sa kanyang pamilya.

"Inuuna niya talaga ’yong pamilya niya. Doon ako napahanga sa kanya, kasi mahirap hanapin iyon sa isang lalake, e. Responsable siya."

Ano pa kaya ang kailangang patunayan ni Aljur para maging sila na formally?

"Wala naman. Kasi parehas kaming nag-decide na gano’n [special friendship] lang."

Sa showbiz, kadalasang sinasabi na special friends, pero mag-on na pala at inililihim lang. Baka gano’n din sila?

"Ano kasi... ayaw naming magsinungaling," nangiti ulit si Kylie. "Wala pa talaga.

"At saka... ang pangit, e. Hindi n’yo aaminin tapos kapag nag-break na kayo, do’n n’yo lang aaminin."

Kailangan maunang umamin si Aljur?

"Ay... ewan ko lang! Kung meron mang aaminin," ang natawang sabi ng dalaga.

FAVORITE BODY PART. Sa pagrampa kamakailan ni Aljur sa Cosmopolitan Bachelor Bash 2011, nanood siya. Marami ang nagri-react na sa lahat daw ay si Aljur ang pinaka-tame o balot na balot. ’Yong iba, naka-undergarment talaga at halos ipasilip na ang kanilang private parts.

Kaya ba hindi nakipagsabayan na mag-bare si Aljur ay dahil nando’n siya?

"Hindi naman. Wala naman akong say do’n.

"Actually mas gusto ko na medyo daring! Magugustuhan ng mga fans iyon. At iyon ang gusto namin, mapasaya ang mga fans.

"Okey lang kung daring siya!" ang natatawang sabi ni Kylie.

May nagpakita nga ng buttocks sa mga rumampa, di ba? Paano kung gano’n din si Aljur?

"Oh my God! Iti-tape ko na lang ang reaction ng crowd! Hindi ko na siya [Aljur] titingnan!"

Bakit naman?

"Kasi baka mapatili ako na... ayyyyy! Gano’n siguro ang magiging reaction ko."

Honestly ano bang part ng katawan ni Aljur ang kapag tiningnan niya ay halos mapatili siya sa paghanga?

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

"’Yong mata niya. Wala naman sa katawan iyon, e. Bonus na lang ’yong katawan," ang sagot ni Kylie.

After no’ng pagrampa ni Aljur, saan sila nagpunta?

"Nag-dinner kami. Kasama ’yong kapatid niya, si Tita [Auntie niya], tsaka ’yong driver.

Siya kaya, balang araw, rarampa rin kaya siya bilang isa sa FHM’s sexiest women?

"Ayokong magsalita nang tapos. Pero sa ngayon, ayoko. No!"

Dahil ba sa magiging reaction ng Papa niyang si Robin?

"Actually may sinabi si Papa sa akin... anak ilalaban na kita sa FHM! May curves ’yong katawan mo! Ha-ha-ha-ha!

"Pero... ayaw niyang magsusuot ako ng bikini. One piece, okey lang siguro sa kanya. Ewan ko lang, ha. Ayaw niya ng bikini, siguro one piece, okey na. Alangan namang no piece?"


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN