Maribeth Bichara goes after former helper and a security guard who stole money and jewelry from her safe

Traumatic ang nangyari kay dancer-choreographer Maribeth Bichara dahil ang kanyang pinagkatiwalaang kasambahay nang 11 taon, na nagngangalang Deborah Arsenal, ang siyang kasabwat sa naganap na pagnanakaw sa kanyang bahay.


Isang malaking trauma para sa dancer-choreographer-actress na si Maribeth Bichara ang naganap na pagnanakaw sa kanyang tahanan sa Cinco Hermanos Subdivision sa Marikina City.

Traumatic ito para kay Maribeth dahil ang kanyang pinagkatiwalaang kasambahay for 11 years, na nagngangalang Deborah Arsenal, ang mismo raw kasabwat sa naganap na pagnanakaw sa kanyang bahay.

Sa naganap na krimen, kasama ng kanyang kasambahay ang boyfriend nitong security guard naman ng subdivision, na nagngangalang Teody Catalan.

Sa panayam ng PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) kay Maribeth last September 20, sa bahay ng kanyang kaibigan sa Dasmariñas Village sa Makati City, kinuwento niya kung kelan naganap ang pagnanakaw sa kanyang bahay.

"It happened noong March 13 pa. I received a call from my kasambahay na si Deborah Arsenal. Nasa Makati ako that time at may mga ka-meeting ako that day.

"Nagngangangawa siya sa cellphone na may pumasok daw sa bahay namin at pinagnakawan ako, so umalis kaagad ako. From Makati nakuha ko ng ten minutes papuntang Marikina dahil sa sobrang kaba ko.

"Habang nagda-drive ako, iniisip ko ang magiging scenario sa bahay. Kung paano ba ninakaw at ano ang mga ninakaw sa bahay ko."

Ang kaha de yero ni Maribeth na ang laman ay ang kanyang mga mamahaling alahas at pera (dollars and pesos) ang siyang ninakaw mula sa kanyang bedroom.


"Kalmado lang ako pagdating ng bahay. Umakyat kaagad sa kuwarto. Yung kaha de yero ko ang pinuntirya nila. May marka sa sahig ng sala ko yung pagtulak nila sa kaha de yero.

"Napansin ko lang na masyadong malinis ang lahat. Walang sign na may forced entry sa bahay ko. Except for the mark sa sahig, wala na akong nakitang ibang signs na may nagpumilit na pumasok sa bahay ko.

"Yung kuwarto ko nga, malinis na malinis. Walang nagulo sa mga gamit ko roon. Walang ibang nawala. Yung mga closet ko roon, hindi man lang nabuksan. Yung kaha de yero lang talaga ang target nila."

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

USUAL SUSPECTS. Nakaramdam na si Maribeth na may kinalaman ang kanyang kasambahay at ang boyfriend nitong security guard.

Nahuli daw kasi niyang nagbubulungan pa ang dalawa sa labas ng kanyang bahay.

"Ewan ko lang, pero malakas ang kutob ko talaga na may kinalaman silang dalawa. Pero hindi muna ako gumawa ng mabilisang hakbang.

"I want to be sure muna bago ko ilabas ito sa media.

"Mahirap kasi na magpapa-interview ako, pero wala pa kaming mga ebidensya to prove kung sino ang gumawa nito.

"Tsaka ayoko ring mag-panic ang family ko. Medyo matagal nga bago nalaman ng family ko yung nangyaring pagnanakaw sa bahay ko.

"Kaya quiet muna ako talaga. And kahit na it took a few months bago maayos ito, at least kumpleto ang lahat ng kailangan namin para makapag-file kami ng kaso.

"So, nakipag-usap muna ako sa mga dapat kausapin with regards sa imbestigasyon na gagawin.

"Nag-gather muna kami ng mga evidences para mas malakas ang laban ko kung saka-sakali, ’di ba?" diin pa ni Maribeth.

Sinimulan nang imbestigahan ang naganap na pagnanakaw sa bahay ni Maribeth. At ayon sa mga otoridad, inside job ang nangyari at walang ibang maituro na puwedeng kasangkot kundi ang kasambahay ni Maribeth at ang boyfriend nitong security guard.

"Pinapaalis ko na nga siya [Deborah]. Dahil sa mga nangyari, ayoko na siyang kausapin. Parang nasira na lahat ng tiwala ko sa kanya. For 11 years magkasama kami, pero nagawa pa niya ito sa akin."

MAID’S CONFESSION. Pagpapatuloy ni Maribeth, "Pero ayaw niya umalis talaga. Pinapabayaan ko na lang siya.

"Pero after ten days, bigla siyang umamin sa akin. Na may kinalaman nga siya sa pagnanakaw at kasama nga niya yung boyfriend niyang sikyu.

"Kinonsensya raw siya kaya umamin siya. Marami raw kasing ’pinangako sa kanya ang boyfriend niya sa kanya.

"Pakakasalan daw siya and all that.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

"Pero kasama ba sa binuo nilang relasyon ay yung pagnakawan ako? Hindi tama iyon.

"Kaya dahil umamin siya, nakakulong siya ngayon. Pero yung boyfriend niya, hindi na makita. Lahat ng pinangako sa kanya naglaho na.

"Ang tanging fault lang daw ni Deborah ay na-in love siya."

Aware raw si Maribeth sa naging relasyon ng kanyang kasambahay at ng sikyu ng kanilang subdivision. Minsan daw ay dinadalaw pa raw ng sikyu si Deborah sa labas ng kanilang bahay.

"Kilala ko naman yung boyfriend niyang si Teody. Magalang siya at wala akong nakita talagang may gagawin siyang masama sa akin.

"Kapag nakikita ko silang dalawa sa may gate namin, pinapabayaan ko lang. Love yan, e. Personal na business na nila iyon.

"Ito kasing kasambahay ko, may anak ’yan, pero walang asawa. Kahit yung sikyo, may dalawang anak na rin. Nakilala nga ni Deborah ang mga bata, e.

"Kinukuwento naman sa akin ni Deborah ang lahat, kasi nga part na siya ng family ko. I trusted her for 11 years!

"Aakuhin ko na nga sana ang pag-aaral ng anak niya, e. Kaso sa nangyaring ito, parang sinira niya ang kinabukasan ng anak niya.

"Pati ang sarili niya, sinira niya nang dahil sa love."

Noong June 13 ay nag-issue ang Regional Trial Court ng Marikina City Branch 263 ng warrant of arrest, para sa kasong Qualified Theft, laban kina Deborah Arsenal at Teody Catalan.

June 17 nang arestuhin at makulong si Deborah sa Marikina City Jail. Pero nang dalhin sa address ni Teody Catalan ang warrant of arrest, wala na ito sa naturang address at ang nandoon lang ay ang asawa at dalawang anak nito.

"Nalaman tuloy namin na may asawa pa pala itong si Teody," pagpapatuloy ni Maribeth. "Kaya imposible ngang matupad niya ang pangako niya kay Deborah.

"Bigla siyang nawala, e. Noong dinala sa address niya, wala na siya. Feeling namin ay may nag-tip na sa kanya na may warrant of arrest siya, kaya tumakas na.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

"Napag-alaman din namin na may ilang ding nakawan na nangyari sa loob ng subdivision. Mga inside job din.

"At itong Teody, marami siyang naging girlfriend na mga maid din sa subdivision. Pero walang nagreklamo sa mga iyon.


"Ako lang ang naglakas loob na i-push ang kaso na ito. Kaya kung sino man ang nagtatago sa taong ito, wanted po siya.

"’Kung nasaan ka man Teody, lumabas ka na dahil mabubulok ka sa kulungan sa katatago mo.’

"Kailangan pagbayaran niya ang ginawa niyang ito sa akin at sa ibang tao. Umamin na si Deborah, kaya wala na siyang kawala.

"Gusto ko lang naman na may managot sa nangyaring ito.

"’I will not stop until we get you.’ Gagawin niya ulit ito, e.

"Malay mo, driver siya ngayon sa kung saan. Baka kinuhang private security guard ng bahay.

"Kaya nakikiusap ako na mag-ingat po kayo sa taong ito.

"Kung makita n’yo, isumbong n’yo na sa lahat. Tulungan n’yo kaming mahuli itong masamang tao.

"Sana mahuli na talaga siya. Para masagot na niya ito sa korte. Pinagdarasal ko na sana nga makamit namin ang hustisya."

WARNING TO OTHERS. Nagbigay ng advice si Maribeth sa mga kapwa niya artista na may pinagkakatiwalaan ding ibang tao:

"Sa mga kasamahan kong artista. Please be careful.

"Everybody around you—your driver, your personal security guard, your maids, kahit alalay.

"Ayoko man sabihin ito, but you can’t trust these people anymore.

"Ang ganda ng pakita ko sa kasambahay ko. I treated her like part of my family. Ang laki ng tiwala ko sa kanya.

"Nawindang talaga ako sa ginawa niya sa akin. I asked her, ’Anong ginawa ko sa ’yo para gawin mo ito sa akin?’ Hindi siya nakasagot sa akin."

Hindi naman mawawala ang panghinayang ni Maribeth sa mga nawala na niyang mga alahas. Naipon raw niya ang mga iyon sa 30 years niyang pagtatrabaho sa showbiz.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

"Kahit sino naman manghihinayang talaga. Parang buong buhay ko ang ninakaw nila.

"Masinop ako sa mga kinita ko noong magtrabaho ako sa showbiz.

"Ang mga alahas na ’yan, pinaka-investment ko ’yan. Dati kasi nasa bangko ang mga ’yan.

"Kaso nakakatakot na kasing pumunta ng bangko ngayon dahil uso ang hold-up, ’di ba? Kaya sa bahay ko na lang tinago.

"Kung alam lang nila kung gaano ako naghirap, nagpuyat at napagod sa kakatrabaho para lang mabili ko ang mga ’yan.

"May sentimental value sa akin ang mga ’yan, kasi pinaghirapan mo, e. Ngayong wala na, ang pakiramdam ko ay parang magsisimula na naman ako.

"But I am thanking God for making me a strong woman. Hindi ako nagka-nervous breakdown.

"Dasal ako nang dasal para mabigyan ako ng sign kung sino ang mga salbaheng taong ito na pinagnakawan ako. Mabilis ko naman nakuha ang sagot.

"Sa lahat nang pangyayaring ito, I still thank God dahil walang nangyari sa aking masama.

"Material things lang ’yan at mapapalitan ko rin ’yan. Hindi naman sa akin mapupunta ang karma kundi sa kanila."

Iniwan na rin ni Maribeth ang kanyang bahay sa Cinco Hermanos. Dahil sa nangyari ay pinaupahan na niya ang kanyang bahay at, in two years daw, ibebenta na niya ito.

"Three years pa lang ako nakatira roon. Hindi ko nga na-enjoy ang bahay ko dahil madalas wala naman ako. Ngayon takot na akong umuwi roon dahil sa nangyari.

"Nakaka-receive ako ng mga phone calls na walang sumasagot. Parang nakikinig lang.

"So hindi na ako safe sa lugar na iyon. Masama man sa loob ko, pero I have to leave my house.

"Ang kaligtasan ko na ang primary concern ko," pagtatapos pa ni Maribeth Bichara.


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN