Judy Ann Santos explains why she won’t do a project with Piolo Pascual now

Judy Ann Santos on teaming up with Piolo Pascual again: "Matatanda na rin naman kami. Pero, sa ngayon, uhm, ang hirap kasi, di ba? Pag gumawa kami ng pelikula together, it’s either masabihan na, ’A, laos ka na kasi kaya kailangan mong gumawa ng pelikula with Piolo.’ Or, si Piolo, ’Laos na kaya kailangang gumawa ng pelikula with Juday.’"


Halos naibalik na ni Judy Ann Santos ang kanyang dating pangangatawan noong bago pa niya ipagbuntis ang anak nila ni Ryan Agoncillo na si Lucho at matapos niyang manganak.

Kung sa Junior MasterChef Pinoy Edition—ang cooking reality show niya sa ABS-CBN—ay medyo chubby pa si Juday, ito ay dahil mga buwan ng July nitong taon pa raw nila nakunan ang episodes na napapanood natin.

Nakausap ng PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) si Juday kaninang hapon, October 3, sa set ng Metro Manila Fim Festival 2011 entry ng OctoArts Films na My Househusband, sa Brentville International Community, Biñan, Laguna.

Ang naturang pelikula ay pinagbibidahan nina Juday at Ryan mula sa direksiyon ni Joey Reyes.

Hindi raw ito sequel ng Kasal Kasali Kasalo at Sakal Sakali Saklolo. Gaya ng dalawang nauna nilang pelikula ni Ryan, mag-asawa pa rin sila sa My Househusband, pero iba na raw ang kuwento nito.

Una ngang napansin ng PEP ang mas seksing pangangatawan ng misis ni Ryan.

Ayon sa young superstar, dinaan daw niya sa pagdya-jogging at diet kaya bumabalik na sa dati ang kanyang pangangatawan.

HELLO, TV5? Matapos ang kuwentuhan tungkol sa pelikula, segue kami agad sa mga usaping may kinalaman sa career ni Juday.

May ibang napapaisip kasi, na since uso ang lipatan, may posibilidad raw kayang iwan ni Juday ang ABS-CBN at maging Kapatid na rin sa TV5?

May mga nagpapalagay ngang hindi ito malayong mangyari, lalo na’t nasa TV5 ang mister niyang si Ryan.

Aniya, "Bilang mga artista, we have choices naman.

"Pero, as of now, happy naman ako sa trabaho ko sa ABS[CBN].

"Masayang-masaya ako na they offered me Junior MasterChef. At saka, ang gaan ng trabaho.

"Ang sayang kasama ng staff. Masaya namang kasama ang mga chefs na nakakasama ko sa taping almost every day.

"So, okay ako."

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

Pagkatapos ba ng Junior MasterChef ay gagawa uli siya ng teleserye sa Kapamilya network?

"May kasama sa kontrata ko na gagawa ako ng teleserye sa kanila," sagot ng aktres.

"Pero, siyempre, naghihintay din ako ng timing. Kumbaga, yung maayos na istorya.

"Sa ngayon kasi, parang ang dami na ring stars ng ABS[CBN] na tutok sa teleserye.

"At nakikita ko naman na sobra silang nag-e-excel sa paggawa ng teleserye. Ang tagal ko na ring gumagawa ng teleserye.

"Babalik naman [ako sa paggawa ng teleserye], pero siguro hindi pa sa ngayon.

"Pagka may nakitang mas magandang project, or mas maayus-ayos na istorya, bakit naman hindi?"

BYE, ATE SHAWIE? Maugong ang balitang baka lumipat na rin daw ang Megastar na si Sharon Cuneta sa TV5.

May balita ba siya tungkol dito? Hindi naman kasi lingid sa kaalaman ng marami kung gaano kalapit si Juday sa kanyang Ate Sharon.

"Wala. Sa tototo, hindi sa nag-aano [nagkukunwari] ako, wala akong balita talaga.

"Kung saka-sakaling mangyari, siyempre sad [ako]. Kasi magkasama kami sa ABS.

"Pero, ako naman, kung saan magiging mas kumportable si Ate, kung saan niya mas magagawa yung craft niya bilang artista, susuportahan ko naman siya.

"Malungkot lang na hindi na kami magkakasama. Same thing with Ryan noong lumipat siya sa TV5," saad niya.

WORKING WITH PIOLO AGAIN. Isang project with Piolo Pascual, mero’n bang possibility?

Hindi rin naman lingid sa marami na naging isa sa pinakamalakas na tambalan noon ang kina Juday at Piolo. Basta magkasama ang dalawa sa pelikula, pumapatok ito sa takilya.

"Palagi nang tinatanong sa ’kin ’yan. Di na natapos," nakangiting sagot ng aktres na parang ayaw nang i-tackle ang topic na ito.

Pero patuloy niya, "Alam mo, wala namang... kung mapag-uusapan nang maayos yung pelikula, di ba?

"Wala naman akong nakikitang problema. Natapos naman na ang mga bagay-bagay na dapat tapusin."

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

Ang tinutukoy rito ni Juday ay ang naging samaan nila ng loob noon ni Piolo.

Sabi pa ng aktres, "Matatanda na rin naman kami. Pero sa ngayon, uhm, ang hirap kasi, di ba?

"Pag gumawa kami ng pelikula together, it’s either masabihan na, ’A, laos ka na kasi kaya kailangan mong gumawa ng pelikula with Piolo.’

"Or, si Piolo, ’Laos na kaya kailangang gumawa ng pelikula with Juday.’

"So, parang sa tingin ko, sa ngayon, okay na rin naman na ’wag muna.

"Kasi nakakagawa kami ng sarili naming... hindi mo maiiwasan na may mga isyung lalabas na ganyan.

"Sa tao pa ngayon? Na sobrang matalino. May Twitter, may Facebook, may kung anu-ano pa.

"Masyado nang opinionated ang mga tao ngayon," pag-aanalisa pa niya, na ang ibig sabihin ay maaaring pagpiyestahan ng mga tao ang kanilang balik team-up pag natuloy ito ngayon.

Dagdag pa ni Juday, "Damned if you do, damned if you don’t.

"Ngayon, mas okay na siguro na gawin muna namin yung mga bagay na gusto naming gawin."

WE ARE ARTISTS. Nadako naman ang usapan namin sa kontrobersiyal na YES! magazine cover ni Nora Aunor, at maging ng kay Anne Curtis para sa Rogue magazine. (CLICK HERE to read related story.)

Ano ang masasabi ni Juday sa pagtuligsa ng ilang sektor ng lipunan sa nasabing pictorial ng Superstar at ni Anne?

"Well, ano ba? Cover lang naman yun, e. Wala namang nakalagay do’n na ’yes to smoking.’

"Well, ako naman, nirerespeto ko yung panukala ng ating mga doctor, hindi ba? Of course, naiintindihan ko naman sila.

"Pero, at the same way, sana maintindihan nila na... actors and actresses, parang obligasyon din naman namin na ibigay yung hinihingi ng photographer, di ba? I-deliver namin [yung requirement].

"Hindi naman ibig sabihin na... wala namang iniendorso na brand yung cover nina Anne [Curtis] and Ate Guy, Ms. Nora Aunor.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

"Nagkataon lang na cover sila, pero wala namang iniendorsong produkto. Two different things."

YOHAN KNOWS. Nabanggit din namin kay Juday na recently ay nakausap ng PEP si Claudine Barretto tungkol sa kung paano niya sasabihin sa anak na si Sabina ang tungkol sa pagiging adopted nito.

Nabanggit ni Claudine na nagpatulong siya sa isang taga-Department of Social Welfare para sa mas maayos na pagsasabi ng estado ni Sabina. (CLICK HERE to read related story.)

With Juday’s case kay Yohan, paano naman niya nagawang sabihin sa bata na adopted nga ito?

"Alam naman ni Yohan even before. Oo, matagal na niyang alam," sabi ni Judy Ann.

"Hindi naman namin itinago sa kanya, e. Ano naman yung point kung itatago namin sa kanya, e, artista kami, di ba?

"Paglaki niya, eventually, mababasa niya yun. Nagsinungaling kami sa kanya."

Mga ilang taon si Yohan nang malaman ng bata ang tungkol sa kanyang pagiging adopted?

"As early as three," sagot ni Juday.

Hindi na kami nakapag-follow-up question kay Juday dahil lumapit na ang isang taga-production para sabihan kami na kukunan na ang eksena nila ni Ryan.


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN