Joshua Dionisio hopes to win another acting award

"Kakaiba kasi yung kapag nabigyan ka ng award, iba yun kasi iba ang pakiramdam. Masarap... ang sarap ng feeling. Hindi ko nga akalain noon na mananalo ako. Parang iyon yung isa sa mga bagay na talagang maipagyayabang ko, na iyon ang isa sa mga na-achieve ko throughout my whole career," says Joshua Dionisio about winning an acting award.


Nagsimula si Joshua Dionisio bilang child star sa bakuran ng ABS-CBN. Pero noong 2009, nang 13 years old siya, lumipat ito sa GMA-7.

Pero ayon kay Joshua, hindi naman daw siya basta na lang binitiwan ng Kapamilya network.

Paliwanag niya sa PEP.ph (Philippine Entertainment Portal), "Kasi nga po, nasa awkward age daw po ako.

"So, sabi namin, sabi ni Papa, yun nga, parang nasa awkward age, ’So, hindi n’yo din naman po mabibigyan ng project, so puwede munang mag-try kami sa [GMA] kung may mangyayari.’

"Kaya nga three years lang po pinirmahan namin [sa GMA-7], hindi ganun kahaba, kasi nga hindi rin kami sure noon dito kung mabibigyan kami ng chance.

"Ayun naman, nabigyan naman pala kami. Kaya so far, masaya naman kami dito, okay lang naman."

Paano kapaag in-offer-an siya ng ABS-CBN na bumalik sa kanila?

"A, depende po. Kung hindi na po ako masaya dito, [pero] so far okay naman ako dito," sagot ng isa sa pinakasikat na tween stars ngayon.

Hanggang December 2012 pa ang kontrata ni Joshua sa GMA-7.

AWARD-WINNING. Noong nasa ABS-CBN si Joshua ay nagkaroon na siya ng acting award. Nanalo siya noong 2008 ng Best Single Performance By An Actor sa Star Awards for Television ng Philippine Movie Press Club (PMPC).

Ito ay para sa mahusay na performance ni Joshua sa "Sako" episode ng Maalaala Mo Kaya.

Ngayon, kapag kasama o katrabaho niya ang ibang male tween stars ng GMA-7, hindi ba niya nararamdaman o hindi ba pumapasok sa isip niya na advantage niya iyon?

Na mas lamang siya sa mga kaedad niyang male teen stars dahil may acting award na siya?

"A, hindi po, hindi! Hindi po talaga," sagot ni Joshua.

Pero maituturing na edge niya iyon sa ibang batang male stars na wala pang acting award?

"Siguro doon lang... I mean, yung parang, yung good thing about ano, na nakatanggap na ako ng award.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

"Siguro lang, yung hindi lang ako puwedeng ano, kumbaga, apihin or punahin sa acting ko."

Hinahanap ba niya iyon, na mabigyan ulit siya ng matinding acting vehicle and eventually win another acting award?

"Opo, talagang gusto ko!" sambit niya.

"Kakaiba kasi yung kapag nabigyan ka ng award, iba yun kasi iba ang pakiramdam.

"Masarap... ang sarap ng feeling. Hindi ko nga akalain noon na mananalo ako.

"Parang iyon yung isa sa mga bagay na talagang maipagyayabang ko, na iyon ang isa sa mga na-achieve ko throughout my whole career."

Nang sinabihan siyang bata pa naman siya kaya marami pang chances na muling makatangap ng acting award, sagot ni Joshua:

"Opo, sana nga po."

IKAW LANG ANG MAMAHALIN. Magpapamalas ng matinding pag-arte si Joshua sa upcoming afternoon drama series ng GMA-7, ang Ikaw Lamang Ang Mamahalin.

Magsisimula na itong ipalabas sa Lunes, October 10, kapalit ng Sinner Or Saint.

Sila ng ka-loveteam niyang si Barbie Forteza ang bida rito, kasama ang loveteam nina Kristoffer Martin at Joyce Ching.

Mabigat ang suporta nilang mga artista: Sheryl Cruz, Gardo Versoza, Tanya Garcia, Karla Estrada, Matet de Leon, Shirley Fuentes, at Miss Carmen Soriano.

Ang Ikaw Lamang ang Mamahalin ay mula sa direksyon ni Dick Lindayag.

Ayon kay Joshua, "Mabigat po ito, ibang klase ang aktingan na ginawa at gagawin pa namin.

"Pinagbubuti namin, kaming lahat, para magustuhan ng mga tao ang bago naming show."

VERSATILE. Sinong artista ang gusto niyang sundan ang yapak?

"Ngayon, para kasing wala akong makitang gusto kong sundan.

"Kasi, napapansin ko po, kunyari yung mga artistang nagbe-best actor, hindi naman sila napupuna sa mga kumbaga, sa iba pa nilang talent.

"Kasi ako po, gusto ko pong kumanta, gusto kong sumayaw, gusto kong umakting.

"Gusto kong mapansin sa lahat ng..."

Magaling ba siyang kumanta at sumayaw?

"Nagpa-praktis po ako, pero okay naman po yung boses ko," sabi niya.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

Hindi ba siya nai-insecure sa mga kaibigan at kapwa niya male tween stars, tulad halimbawa ni Jhake Vargas na mahusay mag-gitara, at ni Derrick Monasterio na mahusay namang kumanta?

"Okay lang naman po kung magaling mag-gitara si Jhake at okay lang rin po kung mahusay kumanta si Derrick.

"May mga sari-sarili naman po kaming... Kumbaga, may sari-sarili kaming talent na aangat kami.

"Siguro sila sa paggi-gitara, sa pagkanta."

At siya ay sa pag-arte?

"Basta gusto ko rin namang mapansin rin sa pagkanta ko at pagsayaw ko kasi sumasayaw rin ako sa Party Pilipinas.

"Kaya talagang kahit medyo mahirap, talagang pinipilit ko, kasi nga gusto ko ring mapansin ng mga tao na marunong [ako] sa lahat," saad niya.


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN