Jhake Vargas dedicates first award to his ailing mom; beats Jovit Baldivino for Best New Male Artist at the Star Awards for Music

Jhake Vargas on his mom, who is battling colon cancer: "Hindi ko makakalimutan ang sakripisyo sa akin ng nanay ko. Simula nung nag-uumpisa pa lang ako, siya talaga yung matiyagang sumasama sa akin sa mga shows ko, hindi siya napapagod . Sobrang saya niya pag nakikita niya akong kumakanta. Lagi niya sinasabi sa akin na magaling ako, ’ako ang number one fan mo.’"


Teary-eyed si Jhake Vargas nang makausap siya ng PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) pagkatapos niyang magwagi bilang Best New Male Recording Artist sa 3rd Star Awards For Music. Ginanap ang awards night sa Henry Lee Irwin Theater ng Ateneo De Manila University noong Linggo, October 16.

Hindi raw kasi niya inaasahang mananalo siya para sa kanyang debut album na Ngiti under Dyna Records.

Pumunta lang daw siya sa awards night para sumuporta. Manalo man o hindi ay okey lang daw sa kanya dahil ang mahalaga raw ay nandun siya.

Kuwento niya, "Nung tinatawag pa lang yung mga nominado for Best New Male Recording Artist, sobrang kinakabahan talaga ako.

"Mas lalo na nang tatawagin na yung winner, sobra-sobrang kabog ng dibdib ang naramadaman ko.

"Ganun pala pag nasa awards night ka at nominado, kakabahan ka talaga."

Ito raw kasi ang first time ni Jhake na ma-nominate sa isang award-giving body kaya raw kabado at excited siya.

Patuloy niya, "Kaya nung tinawag ang pangalan ko bilang winner, natulala talaga ako... hindi ko alam kung ano ang gagawin ko.

"Iba pala yung feeling pag tinawag na ikaw yung winner.

"Nung nasa stage na ako, nablangko ako, hindi ko alam kung ano ang sasabihin ko.

"Kung ano na lang ang lumabas sa bibig ko, ’yun na ’yun.

"Gusto ko sanang umiyak nung mga sandaling ’yun dahil sa sobrang kasiyahan, pero pinigilan ko.

"Pero halatang-halata ng marami na teary-eyed ako, kasi dream come true talaga na manalo ako ng award."

HIS MOTHER’S DREAM. Ayon pa kay Jhake, hindi raw niya talaga in-expect na mananalo siya.

"Masarap pala ang feeling ng manalo na hindi ka nag-e-expect," sambit niya.

"Hindi talaga ako nag-e-expect na manalo kasi mabibigat din ang mga kalaban ko, katulad ni Jovit Baldovino at yung iba pa na magagaling na singers.

"Sabi kasi sa akin ni Tatay German [Moreno], ’Manalo ka man o matalo, ang mahalaga dumating ka at sumuporta.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

"Yung ma-nominate lang daw ay malaki nang karangalan, kaya kailangan kong dumalo. ’Yun yung natutunan ko kay Tatay German.

"Kaya ready na ako na kung matalo, okey lang dahil ganun naman, ’di ba, may nanalo at may natatalo?

"Pero ’yun nga, masuwerte na manalo, kaya ang saya-saya talaga.

"Hanggang sa pauwi na kami, hindi pa rin ako makapaniwala na nanalo ako."

Dagdag pa niya, "Hawak-hawak ko yung trophy, du’n na ako naluha, kasi ito ang dream ng nanay ko.

"Siya kasi ang may gustong kumanta ako at magkaroon ng sariling album."

May colon cancer ang ina ni Jhake.

Naaalala pa raw ng Kapuso singer-actor kung papano siya suportahan ng kanyang ina nung malakas pa ito at sinasamahan siya sa kanyang tapings, shootings, at personal appearances.

At habang kumakanta raw siya ay kitang-kita nito ang kasiyahan at proud na proud ang kanyang ina.

"Hindi ko makakalimutan ang sakripisyo sa akin ng nanay ko.

"Simula nung nag-uumpisa pa lang ako, siya talaga yung matiyagang sumasama sa akin sa mga shows ko, hindi siya napapagod.

"Sobrang saya niya pag nakikita niya akong kumakanta.

"Lagi niya sinasabi sa akin na magaling ako, ’ako ang number one fan mo.’

"Nakaka-miss din kasi hindi na niya magawang sumama dahil nga malubha na yung sakit niya, lagi na lang siya sa bahay o kaya sa hospital.

"Pero nagpapasalamat ako sa Diyos kasi nandyan pa rin siya at patuloy na lumalaban.

"Alam ko na sa pagkapanalo ko sa Star Awards For Music, ang nanay ko ang sobrang tuwang-tuwa.

"Siya ang napaligaya nang husto ng bumubuo ng Star Awards for Music, kaya salamat talaga sa kanila."

At sa lahat daw ng ginagawa ni Jake ay inaalay niya sa kanyang magulang dahil mahal na mahal niya ang mga ito.

"Inspirasyon ko ang aking mga magulang kaya ako nagsisikap nang ganito.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

"Gusto ko silang matulungan sa abot ng aking makakaya

"Kaya nga, gustung-gusto kong laging may trabaho at hindi nababakante dahil marami pa akong pangarap para sa pamilya ko."

Magkakaroon ba siya ng next album pagkatapos niyang manalo?

"’Yun ang alam ko na pinag uusapan ng Dyna Music at ni Tatay German, pero hindi ko pa alam kung matutuloy.

"Sana matuloy para magkaroon ako ng second album."


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN