Vice Ganda answers gay-related issues

Vice Ganda on Ladlad’s recognition: "Yung mga ginagawa ko naman ngayon, hindi ko talaga ginagawa para umani ng papuri sa ibang tao. Ginagawa ko lang ito dahil para sa akin ito ay tama at ito ang makapagpapaligaya sa sarili ko. Kung nagkakaroon ng mga ganung acknowledgement o pagpapahalaga mula sa ibang tao, ipinagpapasalamat ko po."


Ang kuwento ng Star Cinema at Viva Films movie ni Vice Ganda, ang The Unkabogable Praybeyt Benjamin, ay tungkol sa isang bakla na pumasok sa militar para maging sundalo.

Kaya naman ang mga isyu sa pagiging bakla ang naging topic ng live interview ni Boy Abunda kay Vice para sa "Ikaw Na" segment ng late-night news program ng ABC-CBN, ang Bandila, na napanood kagabi, October 19.

DISCRIMINATION. Unang tanong ni Boy kay Vice ay kung ano ang pinakagrabeng diskriminasyon na kanyang naranasan bilang isang gay.

"Actually, hindi naman po talaga yung grabeng-grabe.

"Kaya lang naging grabe kasi paulit-ulit.

"Mula bata hanggang ngayon, paulit-ulit na ginagawa sa akin.

"Yung sasabihan ka ng ’A, bakla ka!’ tapos tatawa.

"Kung isang beses nangyari sa iyo, parang ang babaw lang.

"Pero pag paulit-ulit, nakakabuwisit na," pag-amin ni Vice.

Kailan niya nalaman na hindi pantay ang trato ng tao sa kanya?

"Bata pa lang po ako, nalaman ko na.

"Sa simula pa lang sa loob ng bahay, paglabas ng bahay patungo ako sa eskuwelahan, sa daan patungong eskuwelahan, hanggang sa loob ng paaralan, hanggang sa makauwi ka ulit ng bahay, nararamdaman mo iyan.

"Naririnig mo at nararamdaman mo."

At nasasaktan siya?

"Opo," sagot ni Vice.

Pag sinasabing ang bakla ay promiscuous, ang bakla ay duwag, ang bakla ay mahina, ano ang reaksiyon niya?

"Isang malaking kasinungalingan ’yan.

"Maraming bakla ang mas lalaki pa sa totoong lalaki na hindi naman bakla."

Sa kanyang estado bilang isa sa hottest performers sa industriya ngayon, ano ang magagawa niya para mabago ang imaheng ito?

"May magagawa po ako para mabago ang imaheng ito sa pamamagitan ng pagpapakita sa mga tao na bukod sa pagiging bakla ko, marami akong kakayahan.

"At yun ang maa-appreciate mo, hindi lang yung kasarian ko at ang sexual preference ko."

CONTROVERSIAL NEWS ABOUT GAYS. Sumunod na pinag-usapan nina Boy at Vice ang tungkol sa mga kontrobersiyal na mga balita sangkot ang mga bakla.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

Hiningan si Vice ng reaksyon at pananaw niya sa mga isyung ito.

SM Pampanga incident kung saan dalawang teenagers na diumano’y gay lovers ay parehong namatay: diumano’y binaril ang isa at nagpakamatay naman ang isa.

"Nakakagambala ito, hindi dahil ito ay krimen na may kinalaman sa bakla—pero dahil ito ay krimen.

"Wala itong ipinagkaiba dun sa lalaki na pumatay ng babae, o babaeng pumatay ng lalaki, o lalaki na pumatay sa kapwa lalaki.

"Pare-parehong krimen ito at lahat ng ito ay nakakabahala at kailangang sugpuin sa lalong madaling panahon."

Sa balitang may mga baklang nagiging target ng pellet guns sa Cebu, ano ang gusto niyang sabihin?

"Ang luma ng klaseng mga tao ’yan... mga taong mababa ang pag-iisip.

"Hindi ako naawa dun sa mga baklang na-pellet. Mas naawa ako dun sa mga taong nag-pellet kasi mas malaki ang problema nila na kailangang bigyan ng solusyon sa lalong madaling panahon."

Ano ang masasabi niya about gays in the military?

"It exists, noon pa man din."

OTHER ISSUES. May mga naniniwala na ang pagmamahal ng isang bakla ay inferior o mas mababa kaysa sa pagmamahal ng mga straight o heterosexuals. Ano ang comment niya?

"’Yan mismo ang isang malaking diskriminasyon, iyang paniniwala na ’yan," sagot ni Vice.

Sinasabi na ang mga gays at lesbians ay mga anak ng Diyos. Pero the moment daw na mag-engage sila sa gay sexual act, sila ay nagkakasala.

Ano ang reaksiyon niya?

"Katulad ko, ang mga nagsabi niyan, e, may kalayaan din. Kalayaan nilang sabihin iyan.

"Pero dahil simbahan sila o mga tao lang sila, mas paniniwalaan ko at mas susundin ko yung relasyon ko sa sarili kong Diyos. Hindi sa kanila."

Naniniwala ba siya sa same-sex marriage? Mag-aasawa ba siya?

"Sa ngayon po, hindi ko ikinukunsidera ’yan. Hindi ko pa naiisip."

Ano ang pananaw niya sa RH (Reproductive Health) Bill?

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

"Naniniwala ako sa kahalagahan ng sariling pagpapasya. May karapatan ang lahat na magpasya para sa sarili nila."

Sex education na nagsasaad na Grade 5 hanggang high school ay dapat turuan na ang mga bata?

"Para po sa akin, mas ’binibigay ko yung obligasyon at responsibilidad na iyan sa mga magulang.

"Sila ang mas may karapatan magdikta kung kailan nila gustong imulat sa mga anak nila kung paanong pamamaraan ang gagamitin nila. Hindi ibang tao."

NOT ENTERING POLITICS. Papasok ba siya sa pulitika?

"Sa ngayon po, hindi ko naisip.

"Naisip ko po dati, pero ngayon hindi ko kinukunsidera."

Bakit dati?

"Dati po kasi, Political Science ang kurso ko. Tapos ang tatay ko ay konsehal sa barangay.

"Naisip ko rin, gusto kong maging Presidente dati."

Pero nakikita niya ba ang posibilidad ng pagkakaroon ng isang gay president?

"Anything is possible. Pwedeng magkaroon ng baklang Presidente.

"Pero hindi ko hinahangad na sana sa susunod, ang Presidente ay bakla na.

"Ang hinahangad ko—sana, lalaki, babae, tomboy o bakla ay maging epektibo bilang presidente."

VICE ADVICE. Ano ang kanyang payo sa mga LGBT (Lesbian Gay Bisexual Transgender) pagdating sa buhay at pag-ibig?

"Sa buhay at pag-ibig, kailangan matuto kang magmahal, yung totoong ibig sabihin ng pagmamahal.

"Marunong ka dapat magmahal sa ibang tao at dapat marunong ka ring magmahal sa sarili mo.

"Kasi kung marunong kang magmahal at alam mo ang ibig sabihin ng pagmamahal, hindi ka magkakamali.

"Pag nagkamali ka, hindi na pagmamahal yun. Dun ka na dapat mag-isip."

Sa mga taong kinamumuhian ang mga bakla, ano ang nais niyang sabihin?

"Ang corny n’yo, lumang-luma na ’yan."

Ano ang payo niya sa mga bading na ayaw lumabas sa kloseta at nagtatago at natatakot?

"Ay, lumabas na kayo, ang init diyan!"

LADLAD MESSAGE. Binasa ni Boy Abunda ang isang mensahe para kay Vice mula sa Ladlad, isang grupo ng mga bading:

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

"On behalf of Ladlad, we are proud to have Vice Ganda as a positive image of the LGBT community. Hardworking, dedicated to the craft, able to bring joy and laughter to Pinoys. May Vice continue to be a good example to the LGBT."

Bagay na ipinagpasalamat naman ni Vice.

"Wow, maraming-maraming salamat naman po kung nakikita nila yung ganun, bahagi ko at pinapahalagahan nila.

"Yung mga ginagawa ko naman ngayon, hindi ko talaga ginagawa para umani ng papuri sa ibang tao.

"Ginagawa ko lang ito dahil para sa akin ito ay tama at ito ang makapagpapaligaya sa sarili ko.

"Kung nagkakaroon ng mga ganung acknowledgement o pagpapahalaga mula sa ibang tao, ipinagpapasalamat ko po."

Ang kasikatan ay sinasabing temporary lang. Ano ang masasabi niya rito?

"Totoo pong hindi panghabambuhay ang kasikatan, panandalian lamang iyan. Kaya dapat i-enjoy mo na hangga’t meron ka.

"Mag-ipon ka para kung saka-sakali mang mawala man ito ay hindi masyadong masakit, dahil meron ka namang huhugutin pa at magagamit para umasenso."

OPEN-ENDED QUESTIONS. Sa huli, tinanong ni Boy si Vice ng open-ended questions na kailangan nitong kumpletuhin.

Love is...?

"Love is fair and equal."

The last time I cried was because...?

"I was sad."

I am happy because...?

"I am beautiful."

I wanna say thank you to... because...?

"My mother because she gave birth to a beautiful child, Vice Ganda."

Ang dasal ko sa Diyos ngayon ay...?

"Ang dasal ko sa Diyos, sana mabiyayaan lahat, babae, lalaki, tomboy, bakla. Lahat tayo ay magkaroon ng biyaya at ma-enjoy natin lahat ng biyayang iyan."


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN