Janelle Manahan confirms sibling rivalry angle in Ram Revilla’s murder

Janelle Manahan, a talent-search contestant, has made her testimony confirming the sibling rivalry angle provided by the Parañaque police.

"Hiningan niya [Janelle] ng tulong si Ramona sa loob ng kuwarto nila noong may tama na sila ng bala. Pagkatapos ng insidente, pinakukuha niya ng ambulansiya at tulong pero hindi na bumalik si Ramona," says Task Force Ramgen Chief Superintendent Enrique Sy.


Ngayong araw, Huwebes, Nobyembre 3, kinumpirma ng girlfriend ni Ramgen "Ram" Revilla ang anggulong "sibling rivalry" sa pagpatay sa aktor na naganap sa mismong bahay ng biktima sa BF Homes Parañaque.

Si Janelle Manahan ay nagbigay na ng kanyang testimonya sa awtoridad.

Ayon kay Chief Superintendent Enrique Sy, pinuno ng Task Force Ramgen na naatasang mag-imbestiga sa krimen, isinalaysay ni Janelle sa kanila kung paano pinasok ng mga nakamaskarang lalake ang bahay nina Ram noong Biyernes ng gabi, Oktubre 28.

Sa kuwento ni Janelle mula sa Asian Hospital sa Alabang, Muntinlupa, pinagbuksan raw niya ng pinto si Ramona Bautista, ang nakababatang kapatid ni Ram.

Makalipas lamang daw ng ilang minuto ay pumasok na ang mga mamang nakamaskara.

Sabi ni Senior Superintendent Sy sa panayam ng GMA News anchor na si Howie Severino: "Nakuhanan na rin namin siya [Janelle] ng pahayag, at lalong tumibay ang kaso namin laban kay Ramona."

Sinabi rin nito na sa kuwento ni Janelle, sinabihan ni Janelle si Ramona na tumawag ng ambulansiya pagkatapos na pagkatapos ng atake sa kanila ni Ram.

Pero walang dumating na ambulansiya at nawala na rin si Ramona.

Saad ni Senior Superintendent Sy: "Hiningan niya ng tulong si Ramona sa loob ng kuwarto nila noong may tama na sila ng bala.

"Pagkatapos ng insidente, pinakukuha niya ng ambulansiya at tulong, pero hindi na bumalik si Ramona."

Nagtamo ng dalawang tama ng bala si Janelle—isa sa kaliwanag bahagi ng kanyang mukha at isa sa kanyang balikat.

Si Janelle ay produkto ng dating talent search ng ABS-CBN na Star Circle Quest, kunsaan naging ka-batch niya si Erich Gonzales.

Sa hiwalay namang press conference ay sinabi ni Parañaque Police Chief Senior Superintendent Billy Beltran na ang mga naunang pahayag ni Ramona ay "inconsistent" sa testimonya ni Janelle.

Sinabi noon ni Ramona na matapos barilin at saksakin ang kanyang kapatid at ang girlfriend nito, siya ay kinidnap naman ng mga salarin.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

Pagkatapos ay iniwanan raw siya sa isang lugar sa may Las Piñas.

Ngayon, lumalabas sa reports ng mga imbestigador, posibleng pineke lang daw ni Ramona ang pagkakadakip sa kanya.

Ayon sa kanilang imbestigasyon, kasabwat si Ramona ng nakababatang kapatid na si Ramon Joseph "RJ" Bautista sa pagpatay kay Ram.

Ang dahilan daw ay sibling rivalry.

Sinampahan na ng Parañaque police sina RJ at Ramona ng mga reklamong murder at frustrated murder para sa pagpatay sa kanilang kapatid.

Inaresto si RJ noong Martes, November 1.

Samantala, si Ramona naman ay nasa kustodiya na raw ng kanilang kapatid sa ama na si Senator Ramon "Bong" Revilla, Jr. (CLICK HERE to read related story.)

Sa kabila ng mga kaganapang ito, duda ang ilang miyembro ng pamilyang Revilla, kabilang na si Senator Bong, sa resulta ng imbestigasyon ng Parañaque police.

Sa katunayan, humihingi na ang actor-politician ng reinvestigation sa kaso. (CLICK HERE to read related story.)

Sinabi naman ni Chief Superintendent Sy na nirerespeto nila ang opinyon ng angkan ng mga Revilla, ngunit naninindigan sila na ang kaso laban kina RJ at Ramona ay matibay.

"Nauunawaan po namin sila.

"Nakikiramay po kami dahil very tragic po ang naging insidente," pahayag ng chief superintendent.


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN