RJ Bautista still avoids the press; opens up to fellow inmates in Parañaque City Jail

Nananatiling mailap sa media si Ramon Joseph "RJ" Bautista, na kasalukuyang nakakulong sa Parañaque City Jail. Pero ayon sa kasamahan niyang inmate ay minsan na raw ito naglabas ng hinanakit at lungkot sa sinapit ng kanyang kapatid na si Ramgen Revilla at pati na rin ang pagkakasangkot niya sa krimen.


Mailap pa rin sa media si Ramon Joseph "RJ" Bautista, kapatid ni Ramgen "Ram" Revilla at itinuturong mastermind sa pagpatay rito.

Kasalukuyang nakakulong sa Parañaque City jail ang 18-anyos na si RJ. (CLICK HERE to read related story.)

Hindi pa rin ito pumapayag magpa-interview, pero nakunan siya ng video ng GMA News na ipinalabas sa 24 Oras kagabi, November 7.

Sa video ay nakatalukbong ng tuwalya ang mukha ni RJ habang seryosong nakikinig sa Bible study sa loob ng kulungan.

Kahit anong tanong at pangungumusta sa kanya ng media ay hindi nito sinasagot.

Pero ang mga kasamahang preso ni RJ sa kulungan, minsan na raw napagbuntunan nito ng hinanakit at lungkot sa sinapit ng kanyang kapatid na si Ramgen, at pati na rin ang pagkakasangkot niya sa krimen.

Ayon sa kasamang preso ni RJ na si Nanding Ferrer, na pumayag magpa-interview sa harap ng kamera, "Nahihirapan daw siya dahil sa mga sitwasyong nangyayari.

"Hindi naman daw niya ginagawa. Wala siyang muwang. Wala siyang kasalanan."

Ano raw ang pakiramdam ni RJ sa pagkamatay ng kapatid niya?

Sabi ni Nanding, "Masakit sa loob niya, pero ang pangyayari nga ay siya pa ang napagbibintangan. E, wala naman siyang kasalanan."

Ang maliit na kahoy na kama ay pinaghahatian daw ni RJ at ng dalawa pang inmates.

Bagamat mailap, sa loob daw ng ilang araw na pagkakakulong ay kabutihan naman daw ang ipinakita ni RJ sa kapwa niya mga preso.

Sabi pa ni Nanding, "Napakabait ni RJ. Maayos makipag-usap. Mabait, panay po-po."

RJ’S RUNNER. Napag-alaman din ng GMA News na may nakatalagang kasambahay kay RJ para magsilbing runner nito sa kulungan.

Nakausap ng GMA News ang kasambahay na nagngangalang Jenny.

Sinabi nitong tagabili raw siya ng pagkain ni RJ. Pero madalang daw kumain ang binata.

Hindi naman daw maituturing na special treatment ang pagkakaroon ng runner ni RJ dahil pinapayagan naman ito.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

Ang special treatment daw ay ang pagbubukod sa selda na may aircon at malayang nadadalaw anumang oras.

Sa kaso ni RJ ay sa itinakdang oras lamang ng dalaw siya nabibisita gaya ng ibang mga preso.

RJ SHOULD NOT BE JAILED? Naabutan din ng GMA News ang pagbisita kay RJ kahapon ng umaga ng abugado nitong si Atty. Dennis Manzanal.

Giit ni Atty. Manzanal, hindi dapat nakakulong ang kanyang kliyente dahil wala pa namang isinasampang kaso laban dito.

Wala rin naman daw warrant of arrest para rito.

Sakaling sampahan daw si RJ ng kaso, hihingin nila ang remedyo sa diumano’y ilegal na pag-aresto at pagkulong sa binata.

"Pinag-aaralan namin lahat ng anggulo ng kaso," sabi ni Atty. Manzanal.

Pero ayon naman sa Parañaque police, legal ang pagkakaaresto at pagkaka-detain kay RJ dahil bahagi raw ito ng hot-pursuit operations.

Sa loob daw ng 36 hours na prescribed period, na-inquest na si RJ kaya legal daw ang kanyang pagkaka-detain.

Ang inquest ay isang uri ng judicial investigation na isinasagawa ng isang judge o government official sa mga suspek sa krimen.

Ito ang kinu-contést ng mga abugado ni RJ, dahil last week pa naaresto si RJ.

Kaya lumipas na raw o nag-lapse na ang 36 hours.

Ayon pa sa mga abugado ni RJ, kapag nag-lapse na ang 36 hours, at wala pang naipa-file na kaso sa korte, at wala pang nakukuhang order of commitment para sa kanilang kliyente dahil nga nakakulong na siya, ay walang basehan ang pagkaka-detain sa kanya.

PRELIMINARY INVESTIGATION. Hindi naman dumalo si RJ sa preliminary investigation kaninang umaga, November 8, sa Parañaque Prosecutor’s Office.

Sa pamamagitan ng kanyang mga abugado, nag-waive daw kasi si RJ ng kanyang karapatan para sa preliminary investigation.

Nai-raffle na rin daw ang kaso ni RJ at napunta ito sa Parañaque Regional Trial Court Branch 274.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

Tanging ang dalawang nahuling suspek sa krimen, na sina Michael Altea at Roy Francis Tolisora, ang dumalo sa preliminary investigation.

Pero sa ulat ng GMA News, hindi raw natuloy ang preliminary investigation para sa dalawang suspek dahil hindi raw dumating ang mga abugado ng mga ito.

Bukas, November 9, ipagpapatuloy ang preliminary investigation.


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN