Snooky Serna returns to Kapamilya network; all praises for Angelito co-stars JM de Guzman and Charee Pineda

Snooky Serna makes another promise: "Ipinapangako ko naman this time na unti-unti ay babaguhin ko na yung mga mali kong nagawa before. Kasi, alam ko talaga na andaming nagalit, nainis, at may mga nakatrabaho ako na marinig pa lang ang pangalan ko ay naiirita na sila. Ayoko nang maulit pa ang mga yun. Tumatanda na rin ako at kung sinuman ang mga nagawan ko ng pagkakamali, humihingi ako ng sorry."


Balik-telebisyon at Kapamilya network si Snooky Serna.

Kasama siya sa upcoming soap ng ABS-CBN na Angelito... Batang Ama.

Matagal-tagal ding hindi nasilayan sa TV at pansamantalang nawala sa sirkulasyon si Snooky, dala na rin ng mga personal na problemang kinaharap at inayos niya.

Ngayon ay nagbabalik siyang muli, kasabay nito ang pangako na hindi na siya magbibigay ng sakit ng ulo sa mga katrabaho niya at sa mga taong kumukuha ng kanyang serbisyo.

Tama na raw ang maraming beses na nasabihan siyang "unprofessional" at "pagong," na naging dahilan ng pagkulimlim ng kanyang career.

Sabi ni Snooky sa PEP.ph (Philippine Entertainment Portal): "Masayang-masaya ako ngayon dahil pinagkatiwalaan ako uli.

"Four years din akong nawala sa ABS-CBN. Yung huli kong ginawa sa kanila is Marina."

Ang Marina ay ang telefantasya ng ABS-CBN noong 2004 na pinagbidahan ni Claudine Barretto, na sa ngayon ay nasa GMA-7 na.

Patuloy ni Snooky: "Kaya nang sabihan ako na magkakaroon uli ako ng teleserye sa kanila, ’Wow, thank God!’ at yung mga panalangin ko ay talaga namang pinakinggan Niya.

"Ipinapangako ko naman this time na unti-unti ay babaguhin ko na yung mga mali kong nagawa before.

"Kasi, alam ko talaga na andaming nagalit, nainis, at may mga nakatrabaho ako na marinig pa lang ang pangalan ko ay naiirita na sila.

"Ayoko nang maulit pa ang mga yun.

"Tumatanda na rin ako at kung sinuman ang mga nagawan ko ng pagkakamali, humihingi ako ng sorry.

"Sa pagbibigay uli sa akin ng chance, hinding-hindi ko na ipapahiya ang mga taong tumulong at nakikipaglaban sa akin para makabalik uli ako.

"At salamat sa ABS-CBN siyempre, dahil ipinaramdam nila sa akin na hanggang ngayon ay welcome pa pala ako sa kanila."

PROBLEMATIC MOTHER. Sa muli niyang pagharap sa kamera ay isang heavy drama agad ang ipinagkatiwala sa kanya ng Kapamilya network.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

Problemadong ina na pinasan lahat ng problema sa pamilya ang role ni Snooky sa Angelito...Batang Ama.

Pag-amin ng dating child actress, medyo may pagkakahawig sa totoo niyang buhay ang ilang bahagi ng kuwento.

"Aminado naman ako na hanggang ngayon ay may mga problema ako.

"Siguro yun ang medyo may hawig sa buhay ko dito sa teleserye namin.

"Ayoko naman siyempre idetalye pa dahil marami naman nakakaalam sa mga pinagdadaanan ko ngayon, na sa awa naman ng Diyos ay unti-unti kong nalalagpasan."

WORKING WITH YOUNG STARS. Sina JM de Guzman at Charee Pineda ang ilan sa mga kasama ni Snooky sa bagong show niya sa Kapamilya network.

Bago sa paningin at ngayon pa lang niya nakatrabaho ang dalawang young stars.

Kumusta naman kaya ang working relationship niya sa dalawang batang artista?

Ayon kay Snooky: "Naku po, ang gagaling nila! Wala ako masabi.

"Si JM, napapanood ko na siya dati pa, kaya hindi na ako nagulat na makakapag-deliver siya nang tama sa mga eksena namin.

"Mahusay ang bata. Saludo ako sa kanya.

"Hindi ko makalimutan yung eksena namin nang malaman ko na nabuntis niya ang anak ko [Charee].

"Talagang mararamdaman mo ang awa at hinagpis niya. Basta magaling...bow ako.

"Si Charee naman, ang galing umiyak.

"Siya ang anak ko dito na nabuntis sa murang edad kaya naging batang ama si JM.

"Ang galing niya sa drama. Iba talaga.

"Sabagay, nabalitaan ko na nanalo na ng best actress si Charee kaya hindi kataka-takang ganun na lang siya kahusay.

"Sobrang natutuwa ako at nakatrabaho ko sila."

Nanalong best actress si Charee sa Cinema One Originals Digital Film Festival noong 2008 para sa kanyang pagganap sa Alon.

BACK TO GOD. Bukod sa pagbabalik niya sa telebisyon, nanumbalik din ang pagyakap ni Snooky sa Diyos na minsan din niyang nakaligtaan.

Hindi na rin naman lingid sa kaalaman ng karamihan ay isa na rin si Snooky sa kasapi ng relihiyong Iglesia ni Cristo.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

Ano nga ba ang dahilan ng paglipat ng ibang paniniwala ng aktres?

Saad niya, "Nung mga panahong hindi ko na kaya at wala na akong matatakbuhan ay maraming bagay akong iniisip.

"Siguro, sabi ko, pinarurusahan na ako ng Diyos sa mga kasalanan kong nagawa kaya hindi matapus-tapos ang mga problema at pagsubok sa akin.

"One time, kinausap ako ng friend ko na si Mio Manansala, na siya na rin tumatayong manager ko ngayon, na active member ng Iglesia Ni Cristo.

"Bakit hindi ko raw ipagpatuloy yung nasimulan ko.

"Dati kasi nakinig na rin ako ng Bible study ng church, pero huminto ako.

"Pinakinggan ko ang sinabi ng kaibigan ko at ipinagpatuloy ko na ang pag-attend sa Bible studies at worship services.

"Ayun po, sobrang naliwanagan ako sa mga aral at doktrina ng Iglesia ni Cristo.

"At napakalaki ng naitulong sa akin para maging matatag ako at lahat ng mga problema ko ay ipinaubaya ko sa Kanya.

"At ngayon ay ramdam na ramdam ko ang pagtulong ng Diyos sa akin.

"Napakalaki ng naitulong sa akin ng pagiging miyembro ng Iglesia ni Cristo ko.

"Lalo na sa pananaw ko sa buhay, at isa sa nagpabago sa akin lalo na sa sarili ko.

"Naging disiplinado ako at nagagamit ko ito ngayon sa pagtatrabaho ko.

"Ayokong magbuhat ng sarili kong bangko, pero hindi na ako ngayon nale-late sa mga appoinments ko.

"Sobra talaga, ang laki ng naitulong sa akin.

"At ang maganda pa ay marami sa mga kapatiran ng Iglesia na ambabait sa akin, na kung ituring ako ay tunay na kapatid," mangiyak-ngiyak na sabi pa ng aktres.


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN