Jopay Paguia struggles to move on after breakup with Joshua Zamora: "Yung pakpak ko kasi nakasalalay sa kanya. Kaya nung iniwan niya ako sa ere, hindi ko kaya."

Former SexBomb member Jopay Paguia (right) talks about her breakup with Joshua Zamora, her boyfriend of seven years:

"Feeling ko nga ako din yung may fault kasi nung mga time na humihingi siya sa akin ng space—dahil sa hindi ako ready at talaga namang hindi ko tanggap—ako yung nagsasabi sa kanya na kung gusto mo ng space e, di mag-break na lang tayo," she says.


Hindi napigilang umiyak ng dating SexBomb member na si Jopay Paguia habang ikinukuwento nito sa PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) ang paghihiwalay nila ng kanyang nobyo ng pitong taon na si Joshua Zamora.

Isang buwan na raw silang hiwalay.

Si Joshua raw ang may gusto nito pagkat marami pa daw siyang gustong gawin sa buhay.

Kamusta ka na, Jopay?

"Okey naman ako, pero hindi ko masasabing naka-move on na, pero nandun ako sa process na magmo-move on palang."

Totoo bang may third party involved sa hiwalayan ninyo ni Joshua?

"Third party? Naririnig-rinig ko ’yan, pero sa tingin ko wala naman.

"Alam ko kasi hindi yun ang pinagtalunan namin.

"Hindi ko naman sinabi na okey lang kung meron, pero siyempre may mga babae na talaga namang nanggigigil kay Josh.

"Pero wala siyang third party sa pagkakaalam ko at sa pag-uusap namin.

"Ibang issue yung naging problema namin—kung bakit kailangan naming magkaroon ng space at maghiwalay muna."

Mas malalim na issue ba?

"Oo, mas malalim na issue [at] masyadong personal."

Ano ang pinag-ugatan ng hindi ninyo pagkakaunawaan na humantong sa hiwalayan?

"May tao kasi sa paligid ni Joshua na mina-manipulate siya, parang ito yung pinapaniwala sa kanya.

"Pagdating dun, wala akong laban.

"Dahil dun naniniwala si Joshua kung saan mapapaganda at mapapabuti daw ang buhay niya.

"Ang nakakasama lang naman kasi ng loob ay yung sinabi niyang marami pa siyang gustong gawin sa buhay niya, kaya kailangan naming maghiway at magkaroon muna ng space.

"Pero sa mga magagandang gusto niyang gawin sa life niya hindi ako kasama dun at para sa sarili lang niya.

"Biruin mo, sa loob ng anim o pitong taon na magkasama kami bilang kami, hindi pala ako kasama sa pangrap niya. Nakakalungkot, di ba?

"Nakakagulat lang na marinig ko sa kanya yun, parang hindi na siya yung Joshua na nakilala ko noon nung nagsisimula pa lang yung relasyon namin.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

"Feeling ko kasi, meron talagang nagdidikta sa kanya na gusto daw maayos ang buhay ni Joshua, pero kami naman ang nasisira."

MYSTERIOUS DICTATOR. Alam mo ba kung sino yung nagdidikta kay Joshua?

"Oo, kilala ko kung sino siya.

"Pero hindi kami close at ’wag na lang sana, mas close siya kay Joshua at one month na silang magkakilala."

Ano sa tingin mo ang dahilan kung bakit niya kayo gusto kayong paghiwalayin?

"Ewan ko, pero ang alam ko ginagawa niya yun kahit kanino.

"Nagawa na niya yun sa iba, at nagawa niya sa amin, kaya kaya niya ring gawin ulit sa iba."

Close ka ba dun sa sinasabi mong tao?

"No! At sana, ’wag na lang sana."

Babae ba siya o lalaki? Taga-showbiz ba siya?

"Oo, taga-showbiz siya. No comment na lang kung anong gender niya, tsaka na lang."

Malaking tao ba siya sa showbiz?

"Di ko masabing malaking tao siya, mapanira lang ng pagsasama.

"Oo, may inaayos siyang buhay pang-individual lang, pero hindi ng pandalawahan.

"Pero pagdating sa relasyon, grabe, grabe siya kasi.

"Ang dami kong naririnig sa kanya na maganda, e, tapos biglang boom!

"Ang dami ko namang naririnig sa kanya na ito ang pagkatao niya at kayang-kaya niyang gawin ito.

"Noon ayoko pa na maging bias na, ’Ha talaga? Ganun siya?’ Hangga’t hindi ako mismo ang nakakasaksi.

"Pero ito nga ang nangyari kaya naniniwala na ako."

Ni minsan hindi ba kayo nagkaroon ng pagkakataong mag-usap ng sinasabi mong tao?

"No! Hindi kami nag-uusap kasi direkta siya kay Joshua.

"Tsaka ramdam ko na ito ang kakauwian nung pagsasama namin ni Josh nung nakilala niya yung sinasabi kong tao."

Ito ba yung fear mo, na pumasok sa relasyon ninyo yung sinasabi mong tao?

"Fear ko kay Josh, natatakot ako for him kung anong puwedeng mangyari sa kanya."

PAINFUL AND SAD. Anong naramdaman mo nang sinabi ni Joshua na maghiwalay na kayo dahil marami pa siyang gusto sa buhay na matupad pero hindi ka kasama sa kanyang mga pangarap?

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

"Nalungkot ako, kasi... since day one na naging kami, lahat ng pangarap ko kasama siya.

"Pero malalaman ko sa kanya mismo na hindi pala ako kasama sa pangarap niya, masakit, di ba?

"Masakit pero wala akong magagawa kasi na-in love ako sa kanya.

"Kung ano man yung naging resulta ng relasyon namin, ako lang ang puwedeng sisihin.

"Pero naniniwala ako na hindi siya yun. Dahil kilala ko siya, alam ko na may taong gusto lang na yun ang sabihin niya sa akin or may pangako lang sa kanya yung taong sumira ng relasyon namin.

"Alam kong yun din ang may gustong sabihin ni Joshua na hindi ako kasama sa plano niya na talagang ouch! para sa akin.

"Sa tagal ng pagsasama namin alam kong hindi talaga siya yun."

Wala bang sariling desisyon si Joshua at naniniwala sa sinasabi ng iba?

"Hindi naman, si Josh [ay] may paninindigan.

"Yun lang kasi yung taong pinaniniwalaan niya sa ngayon na akala niya isang anghel na bumaba sa lupa at talagang makakatulong sa kanya.

"Sabihin natin na makakatulong sa kanya, pero nakasira sa amin.

"Pero wala akong pinagsisihan sa ginawa ko kasi ginusto ko naman ito."

NO REGRETS. Hindi ka ba nanghinayang na ganito lang mauuwi ang relasyon mo sa dami ng sinakripisyo mo, pati career mo para lang sa pag ibig?

"Katulad ng sinabi ko, wala akong pinanghihinayangan.

"Alam ko napabayaan ko yung career ko noon dahil umikot ang buhay ko sa kanya, pero ginusto ko yun kaya walang dapat panghinayangan.

"Umpisa ulit ako, kung ano yung pinaghirapan ko dati, paghihirapan ko ngayon.

"Kumbaga, masaya naman ako kung ano man yung nangyari sa buhay ko noon bago nangyari ito.

"Bata pa naman ako maraming puwedeng mangyari.

"Yung faith ko kasi na kay God. Hindi Niya ako iiwan; ako pa nga yung nang-iwan kay God dati."

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

Hindi ba na-realize ni Joshua yung dami ng isinakripisyo mo para sa relasyon n’yo?

"Actually pagdating sa mga sakripisyo ko sa career, hindi ko naman sinabi kay Joshua na ’O, magsasakripisyo ako para sa relasyon natin, iiwan ko career ko at kung ano ano pa.’

"Choice ko kasi ito walang kinalaman si Joshua.

"Hindi rin naman niya ako sinabihan na ’O, huminto ka na sa ginagawa mo.’ Ako talaga ang nagdesisyon nun.

"Dahil choice ko yun hindi ko puwedeng i-blame sa kanya.

"Kung ano man ang kinalabasan ngayon, hinayaan ko kasi noon, hanggang umabot na nga sa ganito.

"Minahal naman ako nung tao [Joshua] noon at hanggang ngayon alam ko namang mahal pa rin niya ako.

"Kaya lang mas priority niya muna ngayon yung mga plano niya sa buhay niya na hindi na ako kasama.

"Feeling ko nga, ako din yung may fault kasi nung mga time na humihingi siya sa akin ng space—dahil sa hindi ako ready at talaga namang hindi ko tanggap—ako yung nagsasabi sa kanya na ’Kung gusto mo ng space, e, di mag-break na lang tayo.’

"Pero sabi nga niya, ang gusto niya lang pahinga.

"Pero dahil babae ako, may pride, ayun lagi kong sinasabi sa kanya na kung ganun, e, di break na lang.

"Siyempre ako yung nara-rattle! Bakit parang suddenly may ganun?"

MOVING ON. Anong ginagawa mo para mas mabilis ka na maka-move on?

"Ngayon sabi ko, gusto ko maging busy. Gusto kong magkaroon ng maraming trabaho, kesehodang malayo ’yan.

"Dati kasi nung nakatutok pa ang buhay ko sa kanya, may trabaho o wala, okey lang basta kasama ko siya.

"Pero ngayon, gusto ko talaga ng work para mas madaling makalimot.

"Ngayon kasi magkasama pa rin kami, nagho-hold on ako sa kanya pero bilang magkaibigan na lang hindi na katulad nung dati.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

"Nagtatawagan kami, nagte-text, pero purely friendship na lang muna."

Hindi ka makaka-move on kung may kumunikasyon pa rin kayo.

"Actually tama ka, pati mga kaibigan ko ganun din yung sinasabi.

"Kung ganun pa rin at lagi kayong magkasama, hindi kayo makaka-move on.

"Sabi nga sa akin ni Kris Aquino nang in-interview niya ako, ’Pano ka?’

"Sinabi ko, ’Hindi kasi ako ipokritang tao na totoo namang mahal na mahal ko yung tao.’

"Kaya kahit may pinagdadaanan kaming problema kaya kong maghintay sa kanya.

"Alam ko naman kasi may gumugulo lang sa utak niya—yung isang tao. Basta nandito lang ako naghihintay sa kanya.

"Pero siyempre katulad ng sinasabi ng mga kaibigan ko, aasikasuhin ko muna yung sarili ko habang naghihintay sa kanya.

"Malay mo, kayo talaga o hindi kayo, at least hindi mo pinabayaan ang sarili mo.

"Kaya gusto kong maging busy at maraming trabaho."

STRONGER PERSON. With everything that’s happened, do you think you’ve become a stronger person?

"Oo! Kaya nga takot akong magmahal ulit, kasi kung magmahal ako sobra-sobra talaga.

"Sabi nga nila, marami pa diyan makakakita ka pa rin.

"Hindi ko naman kinu-close yung door ko kung may manliligaw, pero takot na akong magmahal kasi baka ganun ulit ang mangyari."

Pero handa ka ba if ever na magkakaroon na si Joshua ng ibang girlfriend?

"Masakit, sinabi ko sa kanya ’yan.

"Sinabi ko sa kanya na ’Kung ang reason ng ating maghihiwalay ay dahil may iba kang plans para sa ikagaganda ng buhay mo, sige.

"’Pero kung ang reason mo pala ay may iba kang babae, aray! Masakit.’"

Pero sinabi niya bang may third party?

"Wala naman, sabi niya gusto lang niya talagang ayusin yung buhay niya at buuin yung pangarap niya para sa sarili niya."

E, kung nalaman mong may ibang babae pala?

"Siyempre masakit, masakit yun. Hindi lang naman siya sa akin nagsinungaling, kay God [din].

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

"Pero wala pa siyang balak magkaroon ng ibang babae, naniniwala ako dun.

"Pero kung meron, bahala siya. Wala na akong magagawa dahil choice niya rin kahit alam kong masasaktan ako."

Handa ka bang magkaroon din ng ibang nobyo?

"Sinabi niya sa akin na kapag ako magka-dyowa, masakit din.

"Siguro sa ngayon, mahirap talaga magsabing handa na ako, kasi mahal ko pa yung tao.

"Siguro pagtagal-tagal na at naka-move on na talaga ako."

WEDDING PLANS CANCELED. What happened to your wedding plans?

"Actually dapat nung January yun magaganap...

"Tinanong ko [si Joshua], kasi ang tagal-tagal na, e, last year siya nag-propose dapat, di ba, inaayos na namin yung detalye ng kasal?

"One time tinanong ko siya, December nun, ’Tuloy pa ba yung kasal?’

"Sinagot niya na hindi na muna, cancel muna. Iniyakan ko yun.

"Tapos tinanong ko ulit, ’Uy, tuloy pa ba?’ Para hindi na ako umaasa, kasi January na, ilang weeks na lang.

"Ang sabi niya mamu-move ng summer.

"Pero inisip ko na kung imu-move ng summer, dapat inaayos na namin yung detalye ng kasal.

"Pero wala talaga, kaya nag-isip na talaga ako.

"Hanggang sa tinanong ko na siya, ’Meron pa ba? Yung totoo, nasa isip mo pa ba?’

"Ang sabi niya sa akin wala na—as in wala ng plans, wala ng wedding.

"Ang sagot ko ’A, okey, at least alam ko.’ Pero ang sakit sakit ng loob ko nung mga sandaling yun.

"Nagpunta ako sa CR at doon ako umatungal ng iyak, as in pinakagrabeng iyak, sa sobrang sakit ng naramdaman ko."

MASOCHISTIC LOVE? Bakit sa dami ng sakit na binigay sa iyo ni Joshua hanggang ngayon ay mahal na mahal mo pa rin siya?

"Bakit nga ba? Siguro kasi nung bago kami, okey lang kami.

"Nagsalita siya sa akin na ako lang ang mamahalin niya, aalagaan niya, at sana wag ko siyang iwan at sana mahalin ko siya.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

"Kumbaga yung mga pangako na iyon, lagi ko siyang iniisip.

"Pag minsan nga sinasabi ko sa kanya yun, sabi niya ’Tama na.’

"The more kasi daw na sinasabi ko yun, nasasaktan siya. Dahil parang pinamumukha ko sa kanya yung mga kasalanan na ginagawa niya sa akin.

"Kaya tinigil ko na rin yung paulit-ulit na sinasabi ko sa kanya."

DON’T DROP ME. Hindi mo ba naisip na lumayo sa kanya para mas madaling makalimot?

"Hiniling ko kasi sa kanya at sa kanyang mga kaibigan na wag niya muna akong bitawan.

"Hindi ko kasi kaya, sabi ko sa kanya d’yan ka muna.

"Kahit sabi nila lahat na hindi ako makaka-move on kung parati pa rin kaming magkikita o may kumunikasyon pa rin kami.

"Pero wala talaga e, hindi ko pa talaga kaya.

"Yung pakpak ko kasi, nakasalalay sa kanya. Kaya nung iniwan niya ako sa ere, hindi ko kaya.

"Napilayan kasi ako kaya kailangan ko ng taong aalalay sa akin at siya yun, kahit alam kong friendship na lang yung pinagsasamahan namin."

Si Joshua ba naka-move on na?

"Alam ko, oo. Ako na lang yung hindi."

Hindi mo ba naisip na habang ginagawa mo ’yan, sinasaktan mo lang ang sarili mo?

"Hindi, kasi pinili ko to, choice ko ’to.

"Na kahit alam kong masasaktan ako, yun ang gusto ko.

"Sabi nga ng mga kaibigan ko, ’O ayan na yung martilyo!’

"Pinupokpok ko sa sarili ko. Pero kahit ganun, gusto ko yung sakit kasi mahal mo yung tao.

"Choice ko yung masaktan kasi mahal ko yung tao, ganun talaga ako magmahal, kesehodang ayaw mo na, basta mahal kita okey na yun."

ALL-AROUND. Ano bang klaseng girlfriend si Jopay?

"Ay naku, cool na cool ako.

"Actually hindi lang girlfriend, kasi all around ako puwedeng nanay, puwedeng ate at kaibigan.

"Ganyan talaga ako ever since, all around."

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

Ilang araw, linggo, buwan o taon ang binigay mo sa sarili mo para maghintay sa pagbabalik niya?

"Wala. Para sa akin kasi, time lang ang makakapagsabi kung kailan at kung magkakabalikan pa ba kami.

"Ang sa akin kasi kung darating yung time na magkakaayos kami ulit, masaya ako.

"Kung kami, kami.

"Wala naman kasi sa akin yung problema. Nasa kanya, kaya waiting lang ako."

Ano ba sa tingin mo ang puedeng gawin para maka-move on ka na?

"Ano ba? Wala e. Wag babae a, kasi hindi ko kaya.

"Sinabi ko sa kanya ’yan. Sabi ko, hayaan muna niya akong maka-move on tsaka na siya mag-GF ulit.

"Selfish mang pakinggan, pero ako muna tsaka na lang siya.

"Siya kasi naka-move on na, kaya niya kahit wala siyang GF.

"Malakas kasi ang faith niya kay God.

"Ako merong faith, pero mahal ko talaga si Josh."

Anong message ang gusto mong paratingin kay Joshua?

"Siguro ingatan niyang masaktan ang puso niya. Baka masaktyan siya one day.

"Hindi ko kasi kaya na masaktan siya. Masasaktan din ako, hindi ko kakayanin baka mapaaway ko.

"Tsaka kung saka-sakaling makikinig siya sa ibang tao, sana alamin niya kung ikabubuti ba ng buhay niya.

"Sa nangyari kasi sa relasyon namin, parang hindi niya sinunod ang desisyon niya; iba yung nagdesisyon para sa kanya."

Ano ang mga plano ni Jopay?

"Gusto kong balikan yung passion ko, pagsasayaw, pero mas gusto ko munang mag-focus sa pag-arte, kasi nakakapag-host na rin ako.

"Sana magkaroon ako ng maraming trabaho para busy.

"Gusto kong bumangon nang ako lang, kasi nasanay ako na kasama siya.

"Siya kasi, kaya na niyang bumangon ng mag-isa. Naka-move on na siya," umiiyak na pagtatapos ni Jopay.


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN