Governor ER Ejercito thankful for Robin Padilla’s "sacrifice"; receives Presidential Lingkod Bayan Award

Governor ER Ejercito on Robin Padilla’s "sacrifice": "Ang term na pinag-usapan namin, nagsakripisyo siya. Napipikon siya do’n sa term na umatras.

"Nasusulat sa mga diyaryo na umatras siya, eh, nagbigay siya sa isang kaibigan. ’Yun naman talaga, eh. ’Yun naman ang totoo. Nagbigay siya sa isang kaibigan."


Muling nakausap ng PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) si Laguna Governor ER Ejercito ang nakaharap noong Huwebes ng madaling-araw, November 17, sa Club Filipino.

Galing na ito sa iba’t-ibang meeting bago pa kami naharap at nakausap.

Halos ganoon daw ang routine niya sa araw-araw na nagsisimula ng maaga sa umaga at nagtatapos na kinabukasan.

Si Governor ER ang kasalukuyang governor ng Laguna, pero sa kabila ng marami niyang trabaho at inaasikaso sa Laguna, nagagawa pa rin niyang ipagpatuloy ang pagiging aktor nito.

MMFF ENTRY. Finally, nakasama na nga sa list of official MMFF entries for 2011 ang Manila Kingpin: The Untold Story of Asiong Salonga.

Ayon kay Governor ER, na siyang gumaganap bilang Asiong Salonga sa movie, may official word na rin daw from MMFF Chairman Francis Tolentino na kasama na nga sila sa pitong pelikula sa MMFF 2011.

Nagkaroon ng intriga sa pagkakapasok nila dahil sa naging mga naging pahayag ni Robin Padilla nang ang pelikula naman nito na Mr. Wong ang mawala.

Pero ayon kay Governor ER, wala namang isyu talaga at magkaibigan sila ni Robin.

Paliwanag niya, "Wala namang problema dun, e.

’"Ang mga nakapaligid lang ang pinapag-away kami, hindi naman kami puwedeng mag-away.

"Magkababata kami. Magkaibigan kami nun.

"Nag-usap kami sa telepono, ang pinag-usapan namin yung El Presidente.

"Nagprisinta siya na siya ang gaganap na Andres Bonifacio. Bagay sa kanya ang role. Kaya siya na talaga.

"Actually, nagprisinta siya through our friend na si Ketchup Eusebio and Pen Medina.

"Excited siya do’n sa Andres Bonifacio role."

Pagbibigay paliwanag din ni Governor ER, nagtugma naman sila sa talagang gusto rin iparating ni Robin noong mag-react nga siya.

Ayon sa kanya, "’Yung sa festival kasi, ano lang yun, e, inunahan siya ng committee na wala pa yung sulat niya na pinadadala.

"Ang term na pinag-usapan namin, nagsakripisyo siya.

"Napipikon siya do’n sa term na umatras.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

"Nasusulat sa mga diyaryo na umatras siya, e, nagbigay siya sa isang kaibigan.

"Yun naman talaga, eh. Yun naman ang totoo. Nagbigay siya sa isang kaibigan.

"Ang punto kasi do’n, parehong action. So, mag-aagawan ng viewers.

"It’s not the issue Asiong coming in because of Mr. Wong... hindi, e.

"Kasi, dalawa ang umatras, e. Hototay ni Ms. Nora Aunor at Mr. Wong of Robin Padilla.

"Kaya kahit hindi nagbigay si Robin, pasok pa rin dahil may Hototay pa.

"Ang maganda lang na nangyari rito, walong films, naging pito.

"So, more theaters for the seven films. Naging advantage pa sa amin dahil dumami ang sinehan namin.

"So, pasasalamat din ang sa akin sa isang kaibigan.

"Salamat kay Robin Padilla dahil nagbigay siya, nagsakripisyo para sa akin dahil alam niyang matagal ko ng gustong ibalik ang action."

RETURN OF ACTION FILMS. Pare-pareho naman daw sila nina Robin, Senator Bong Revilla, at Phillip Salvador na nagnanais na maibalik ang sigla ng action films.

Based sa trailer na ipinapalabas, halos favorable naman ang mga comments sa pelikula nila.

Black and white ito pero malinis at malinaw na malinaw raw.

Ipinagmamalaki nga ni Governor ER na pinakamagandang camera raw na Alexa ang ginamit nila sa pelikula.

Pero gaano ba kalaki ang expectation niya sa movie, lalo na maibalik nito ang sigla ng action films?

"Sana maganda ang maging outcome sa box-office kasi, every year na lang, puro fantasy, drama, horror, comedy.

"Sana ay maibalik natin ang action films.

"Actually, hindi basta action films, quality action films," hangad niya.

Six months din daw ang itinagal ng paggawa ng Asiong Salonga kasama na rin ang post-production na ginawa naman sa Thailand.

Ang kumanta naman ng theme song ay si Ely Buendia.

Sabi nga niya, "Actually, may kamahalan kasi black and white.

"Mas mahal mag-shooting ng black and white kasi ang ginamit naming camera nga, yung Alexa."

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

Kung ito ang tatanungin, nararamdaman niya ba na nami-miss na ng mga manonood ang action films?

Ayon sa actor-politician, "So far, nakaka-more than 15,000 hits na kami sa Facebook at sa Twitter.

"Maganda yung feedback, puro like."

PERSONAL LIFE. Kung tatlong oras na lang halos palagi ang itinutulog niya sa dami ng mga trabahong personal nitong pinupuntahan at inaasikaso, hindi malayong mas doble pa ang magiging kabisihan ni Governor ER ngayong Disyembre dahil na rin sa promotion ng movie niya sa MMFF.

Pero, paano nga ba niya nakakayang personal na siya ang nagtatrabaho at kumakausap sa lahat?

"Kaya ang nagsa-sacrifice, health," natatawa niyang sabi.

"Magaling ako sa multi-tasking. Nakikita nila na magaling ako sa multi-tasking.

"I can do 10 things at the same time.

"Mahirap lang talaga yung health ang nagsa-sacrifice.

"Then, yung wife ko [Maita Ejercito], Mayor din. Nagtutulungan kami ng wife ko."

Unfortunately, hindi nga lang daw nabuo ang three months baby ni Mayor Maita sa tiyan at nakunan ito noong three months na ang baby nila.

Biro naman ni Governor ER, "Balak pa rin namin na one more time. Siyempre, stress din kasi yun. Pero kaya pa.

"Apat na ang anak namin.

"Although, namatayan na rin kami noong 2002, nanganak siya ng eight months, premature, babae ’yun."

ER, THE PUBLIC SERVANT. Sa kabila naman daw ng mga hirap at sakripisyo ni Governor ER, malaking konsuwelo naman ang recent award na natanggap niya sa larangan ng public service.

Ito ay nang gawaran siya sa Malacañang ng Presidential Lingkod Bayan Award noong Nobyembre 9.

Ibinibigay ng Presidente ng bansa at ng Civil Service Commission taun-taon ang naturang award para sa Outstanding Public Official and Employee.

At ang nakakatuwa pa, naging daan din daw ang pagtanggap niya ng award na yun para bumalik ang dating Pangulo ng bansa na si Joseph Estrada sa Malacañang after 10 years.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

Tiyuhin ni Governor ang dating Pangulo.

"After 10 years, di ba, bumalik si President Erap sa Malacañang.

"Binalitaan ko siya na bibigyan ako ni Pangulong PNoy at ng Civil Service Commission ng Presidential Lingkod Bayan Award.

"Alam naman ni Tito Joseph na it’s the highest award given to public official. Kaya pumunta siya after 10 years.

"Masaya siya pagdating do’n.

"E, noong time na yun, wala si President PNoy dahil nasabay sa turnover ng bagong head ng Philippine Army, ang proxy ay si Secretary Ochoa at Civil Service Commission head Duque.

"Kaya parang ang naging Presidente noong time na yun, si President Erap.

"Tuwang-tuwa rin ang audience sa kanya," balik-tanaw ni ER.

Eighty-one daw silang binigyan ng naturang award.

Ayon kay Governor ER, "Nagsisilbing inspirasyon yun para sa akin.

"Kapag nagkakaroon ka ng award, lalong nagiging malaki ang expectation ng mga tao.

"So, tuloy-tuloy ang serbisyo at pagpapakita ng political will.

"Kailangan political will talaga para gumawa ka ng tama.

"Good governance basically ang punto sa award na ito.

"You have to make a difference, e."

Nang tanungin kung tatakbo ito bilang senador sa susunod na eleksiyon, sinabi niyang hindi pa ito napapanahon.

Aniya, "Hindi, tatapusin ko muna ang term ko.

"Napakaikli ng term, dapat nga ang one term five or six years, kasabay ng isang Presidente.

"Napakaikli ng one year sa isang magaling na public official.

"Mahaba yun para sa isang corrupt na public official.

"Maikli para sa isang masipag na public servant leader."


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN