Alfred Vargas files charges against househelp who tried to steal a vault from his house

"Ayoko nga sanang mag-file, ayoko nang ituloy yung kaso. Pero sabi sa akin ng mga pulis, pag hindi ito ituloy, pag hindi nila malaman kung sino yung mga kasama, baka ulitin pa at may mga iba pang madamay," Alfred Vargas explains why he filed a case of qualified theft against former househelp, Clarita Florida.


Pagkatapos siyang tangkaang pagnakawan ng kasambahay, pinag-isipan ng actor/politician na si Alfred Vargas na maghanap na lang ng ibang bahay na matitirhan.

Napabalita nuong Biyernes, Nobyembre 18, ang tangkang pagnanakaw ng vault ni Alfred sa kanyang tahanan ng mismong kasambahay nito na si Clarita Florida.

Mabuti’t naabutan ito ng kanyang personal assistant na si Helen Laragas na isinasakay na sa taxi ang vault ni Alfred na pinagtiyagaang tanggalin sa kanyang kabinet sa kuwarto.

Nahuli si Clarita ng mga pulis at kasalukuyang naka-detain sa Station 6 ng QCPD.

Nuong Biyernes ay pormal nang sinampahan ni Alfred ng kasong qualified theft itong si Clarita Florida na nanilbihan sa kanya bilang kasambahay sa loob lamang ng dalawang buwan.

Traumatic ang karanasang ito para sa aktor dahil nangyari ang tangkang pagnanakaw sa kanyang tahanan at ginawa mismo ng isang taong pinagkakatiwalaan niya.

"Nakaka-trauma, very traumatic experience talaga for me and never kong naisip na magagawa sa akin ito ng mga pinagkakatiwalaan ko," ang kwento ni Alfred sa PEP.ph (Philippine Entertainment Portal).

"Unang-una yung feeling kasi yung bahay na yun mahal na mahal ko.

"Yun yung mga unang pinundar ko e, ang feeling na merong ibang tao na pumasok dun, tapos hindi ko alam, tapos sinamantala, tapos kumuha ang mga gamit [ko]... parang uncomfortable ako nun.

"I don’t feel safe pa uli."

Nadiskubre na rin kasi ni Alfred na bukod sa tangkang pagtangay ng kanyang vault, nawalan ito ng mamahaling relo at ilang cash.

Sa tingin ng aktor, matagal na itong ginagawa ni Clarita at meron pa itong kinuha na hindi pa niya nalalaman.

Malakas ang paniniwala niyang may pinapasok itong ibang tao para tulungan siya sa tangkang pagnanakaw.

"Yung feeling na niloko ka, nagbigay ka ng tiwala, sinuswelduhan mo naman tapos niloko ka niya, yun yung masakit sa akin.

"Actually kagabi, sabi ko nga, ano ba yung laman ng vault na talagang ikalulungkot ko?

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

"Sabi ko sa sarili ko, wala kasi materyal na bagay lang yun.

"Pasalamat ako sa Diyos na walang nasaktan, walang namatay," saad pa nito.

REVEAL ACCOMPLICES. Humihingi ng tawad itong si Clarita sa kanya at pinag-iisipan ni Alfred na huwag na sanang kasuhan.

Pero sinabihan daw siya ng mga imbestigador na kung hindi niya ito kakasuhan, maaaring gawin pa nito sa iba dahil sa tingin nila, hindi ito nagawang mag-isa ng kanyang kasambahay na isang 56-taong-gulang na babae.

"Sobrang nalulungkot ako kasi kung sino pa yung pinagkakatiwalaan ko, siya pa yung gagawa sa akin nito.

"Sa totoo lang, alam ko rin naman dulot ito ng kahirapan, ng pangangailangan. Naiintindihan ko naman yun.

"Ayoko nga sanang mag-file, ayoko nang ituloy yung kaso.

"Pero sabi sa akin ng mga pulis, pag hindi ito ituloy, pag hindi nila malaman kung sino yung mga kasama, baka ulitin pa at may mga iba pang madamay.

"Yung responsibility ko na kailangang sabihin niya lang yung totoo, kung sino yung mga kasama niya."

Paulit-ulit na humihingi ng tawad ang kanyang kasambahay pero desidido si Alfred na ituloy ang kaso, lalo na’t hindi pa nito sinasabi kung sino ang mga kasamahan niyang gumawa ng tangkang pagnanakaw.

Sa ngayon ay nakikitira na lang daw muna si Alfred sa kanyang kapatid o di kaya sa kanyang mommy hangga’t hindi pa nahuhuli ang pinaghihinalaang kasamahan ng kanyang kasambahay.

Natatakot siyang umuwi sa kanyang tahanan dahil pakiramdam nito maaari siyang balikan nung mga kasamahan ni Clarita.

Ipinarating na rin ni Alfred sa kanyang asawang si Yasmine Espiritu, na kapapanganak pa lang sa Italy, ang nangyari.

Takot na takot daw sa Yasmine sa nangyari, kaya panay ang text at tawag nito para kumustahin siya.


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN