Manny Pacquiao not convinced his performance against Juan Manuel Marquez was his best, but insists he won the fight

Manny Pacquiao on his recent victory against Juan Manuel Marquez: "Naiintindihan natin na hindi sa lahat ng panahon, e, puwede tayong manalo ng one-sided fight. At hindi lahat ng kalaban, bubugbugin natin ng easy-easy. May mga kamay din ’yan sila. Dumating lang yung pagkakataon, yung panahon na naging close yung fight."


Delayed ang flight ni Congressman Manny Pacquiao mula sa Los Angeles, California, kaya past 8:30 a.m. na nang lumapag sa Terminal 2 ng Ninoy Aquino International Airport (NAIA) ang eroplano na sinakyan niya kanina, November 21.

Kagagaling lang ni Manny mula sa kanyang panibagong tagumpay nang talunin niya si Juan Manuel Marquez, sa pamamagitan ng "majority decision," sa kanilang ikatlong paghaharap noong November 12 (November 13 ng umaga sa Pilipinas) sa MGM Grand Arena sa Las Vegas, Nevada.

(CLICK HERE to read related story.)

Kasama ni Manny na dumating ang kanyang misis na si Jinkee Pacquiao.

Tuwang-tuwa ang mag-asawa nang makita ang kanilang apat na anak—sina Emmanuel Jr., Michael, Princess, at Queen Elizabeth—na matiyagang naghintay sa arrival area ng NAIA.

BE FILIPINO. Ang pagpapasalamat sa suporta ng mga Pilipino ang unang ginawa ng Pambansang Kamao nang humarap siya kanina sa mga miyembro ng media sa short press conference na ginanap sa arrival area ng Centennial Airport.

"Salamat sa sambayanang Pilipino sa walang sawang suporta.

"Sa awa ng Panginoon, nanalo tayo," simula niya.

Nagbigay rin ng pahayag si Manny sa mga kababayan niya na hindi kumbinsido sa kanyang pagkapanalo.

Aniya, "At doon naman sa mga ibang tao na naniniwala na hindi tama yung desisyon, magpakatotoo ka. Maging Pilipino ka."

Paliwanag pa ng boksingero, "Yung kaliwang paa ko, tumigas ng third round.

"So, sa fourth round, halos hindi ko maigalaw dahil tumigas siya.

"Buti na lang, nung mga last five rounds, medyo nawala-wala yung sakit niya, kaya medyo naigagalaw-galaw ko."

NOT CONVINCING. Dagdag pa ng boxing champion, "Ang paniniwala ko, bago pa natapos yung 12 rounds, lamang ako at panalo ako.

"Pero yung... I mean, yung iniisip ko na ibigay na magandang laban, e, hindi ko nagawa.

"So, hindi ako masyadong kumbinsido sa performance ko dahil sa yung ine-expect ng mga tao na ine-expect ko na maibigay rin sa mga tao, e, hindi rin nangyari.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

"E, talagang ganoon.

"Naiintindihan natin na hindi sa lahat ng panahon, e, puwede tayong manalo ng one-sided fight.

"At hindi lahat ng kalaban, bubugbugin natin ng easy- easy.

"May mga kamay din ’yan sila.

"Dumating lang yung pagkakataon, yung panahon na naging close yung fight."

BACK TO WORK. Sa ngayon ay wala pang katiyakan kung kailan ang susunod na laban ni Manny, o kung sino ang susunod niyang makakatunggali—si Marquez ba ulit o ang inaaabangang sagupaan nila ni Floyd Mayweather, Jr.

Ayon kay Manny, "Wala pa tayong susunod na laban. Balik tayo sa trabaho.

"Yung sugat ko naman is baka mamayang hapon ko ipatanggal ang tahi o bukas, kasi puwede na siyang tanggalin."

Nagtamo ng sugat si Manny sa kanyang kaliwang kilay sa laban nila ni Marquez.

DETHRONED AS POUND FOR POUND KING. Ano naman ang masasabi ni Pacquiao na naagaw na raw ni Mayweather Jr. ang korona niya bilang Pound For Pound King?

"Hindi ko alam kung saan lumabas ’yan.

"Siguro sa ibang mga tao na hindi dugong Pinoy ang nag-iisip ng ganyan," pagkikibit-balikat lamang niya.



Sabi pa ni Manny, "Alam mo, hindi lang pag-eensayo ang ginawa natin kundi pag-eensayo na lalo tayong maging malapit sa Panginoon.

"Maging close tayo sa Kanya at, siyempre, malaman natin ang buong katotohanan.

"Basta nagtitiwala tayo sa Panginoon, walang imposible.

"Huwag tayong magdududa sa Kanyang kakayahan, kapangyarihan, dahil Siya ang may likha sa atin.

"Kailangan natin na maniwala sa Panginoon."

ON GMA’S ARREST. Nahingan din ng pahayag si Manny tungkol sa pagkakaaresto kay dating Pangulong Gloria Macapagal Arroyo, pero tumanggi siyang magsalita ukol dito.

Aniya, "Sa mga ganyang bagay, pag-aralan muna nating mabuti bago tayo magkomento.

"At hindi tayo basta-basta puwedeng magdesisyon ng komento na hindi natin alam."


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN