Iza Calzado thankful for PMPC’s posthumous award for dad Lito Calzado

Iza Calzado on her dad’s posthumous award from the PMPC: "Siguro ang sarap ng pakiramdam niya ngayon na, ’Naalala pa rin pala nila ’yong naging kontribusyon ko.’ Siguro iyon ang iniisip ng tatay ko ngayon, so I’m really just grateful."


Binigyan ng posthumous award si director-choreographer Lito Calzado sa naganap na Star Awards For Television ng Philippine Movie Press Club (PMPC) kagabi, Nobyembre 22, sa Newport Performing Arts Theater sa Resorts World Manila.

Ang anak ni Direk Lito na si Iza Calzado ang tumanggap ng nasabing parangal.

Sa pamamagitan ng award, kinikilala ng PMPC ang mga naging kontribusyon ni Direk Lito bilang choreographer at floor director sa awards nights, gaya ng Star Awards at iba pang malalaking showbiz events.

Sa kanyang acceptance speech para sa kanyang yumaong ama, ramdam ang magkahalong lungkot at saya mula kay Iza.

Gayundin ang pagiging isang proud daughter ng isang Lito Calzado na mahal ng marami ng nasa industriya ng telebisyon.

BIG THING. Sa panayam ng PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) kay Iza pagkatapos niyang tanggapin ang posthumous award para sa kanyang ama, inihayag ng aktres ang kanyang kasiyahan sa pagkilalang ipinagkaloob ng PMPC kay Direk Lito.

"Big thing itong parangal na ito para sa Dad ko," sambit niya.

"Kasi puwede naman nilang palampasin, di ba?

"Puwede naman nilang hindi bigyan ng plaque of appreciation.

"They can just forget, di ba?

"Pero the fact that they remember yung mga nagawa niya, it’s a big thing.

"And I’m really, really grateful to the PMPC Star Awards for this recognition for my father.

"I wish he was here. To understand and feel it.

"And to know that... alam mo naman minsan yung mga ano... may mga tampo na, di ba? Na parang, ’Naaalala pa ba?’

"Siguro ang sarap ng pakiramdam niya ngayon na, ’Naalala pa rin pala nila ’yong naging kontribusyon ko.’

"Siguro iyon ang iniisip ng tatay ko ngayon, so I’m really just grateful."

Sumakabilang buhay noong November 11 si Direk Lito dahil sa liver cancer.

Inihatid siya sa kanyang huling hantungan noong November 14 sa Himlayang Pilipino sa Tandang Sora, Quezon City.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

Sabi ni Iza, ito ang puntong mami-miss ang isang mahal sa buhay na namayapa na.

"But it’s not like the whole day na nami-miss mo siya. Parang it comes in waves," malungkot na saad ng aktres.

COPING WITH GRIEF. Sa loob ng mahabang panahon ay nasanay si Iza na nandiyan lang lagi ang kanyang ama.

Paano siya nag-a-adjust ngayong wala na ito?

"Okey naman. I go on living life.

"I keep myself preoccupied. I work out a lot!" bahagyang natawa si Iza.

Dagdag pa niya, "Iyon yung... wala. I just go on with life."

Hindi naman masasabing biglaan ang pagpanaw ni Direk Lito.

Alam na nila noon pa na may malubhang karamdaman ito.

Kumbaga, napaghandaan na rin marahil ni Iza na darating ang panahong mawawala ang kanyang ama.

Sabi ng aktres, "Oo. Pero I don’t think ang tao naman napi-prepare ng gano’n na...

"Pero iba talaga ang death nang biglaan, like ’yong mga aksidente o tragedies, something like that.

"Iba ’yon. Iba ’yong pain no’n.

"Iba rin yung alam mong may sakit. You know what’s coming.

"But even though that, like, Thursday...I didn’t know my dad was gonna die on Friday.

"So, it’s always something unexpected."

Matapos mailibing ang kanyang ama, para kahit paano’y maibsan ang pagdadalamhati na kanyang nararamdaman, nag-workout na lang daw nang nag-workout si Iza.

"I was just doing a lot of workouts with friends. And also workshops.

"’Yon talaga," medyo natawa ulit na sabi ng aktres.

"And... of course, I saw some people close to my heart.

"Gusto kong magpasalamat sa mga tao na after the burial, they’ve been checking on me na, ’May gusto ka ba?’ May mga gano’n.

"Na, ’Gusto mo ba ng pagkain?’

"Nao-overwhelm ako na parang, ’Bakit nila ginagawa ’to?’ Napapagano’n ka talaga.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

"Tapos, maiisip mo na... when a friend of mine misses someone, I have to make sure that I will do the same.

"People have been so kind to me over the past couple of days. A...sana laging gano’n tayo, ’no?

"Ako, naisip ko rin, sana gano’n ako lagi. Na lagi kong kinukumusta ang mga kaibigan ko.

"You know, it’s shocking also like...people I hardly know will try to give me something.

"Even people in the mall na naglalakad ka, tapos nakatingin sila lahat sa ’yo...tapos may lalapit, ’Sorry po.’

"Tapos parang...oo nga pala. Naaalala mo," saad ni Iza tungkol sa mga mabubuting taong nakakaalala sa pagkamatay ng kanyang ama.

CHRISTMAS WITHOUT DAD. Itong taong ito ang unang pagkakataon na sasapit ang Pasko na hindi na nila kasama ang kanilang ama.

"Dalawa lang kami ni Kuya ngayon," sabi ni Iza, na ang tinutukoy ay ang kapatid niyang si Dash Calzado.

"Usually kasi, meron kaming reunion sa side ng mom ko, na namayapa na rin.

"Tapos sa dad’s side ko, meron ding pagtitipon. Yun lang siguro.

"Pero hindi ko pa sure. Basta we will be together. Definitely.

"Actually, gano’n talaga siguro, death brings the family closer together.

"Any kind of loss really brings people together.

"It’s a sad reality. It’s something I consider bittersweet.

"But, a...such as life. And maybe this is really the time for us to be closer.

"And celebrate the legendary Lito Calzado by dancing on Christmas day perhaps. Ha-ha-ha!

"Sasayawan na lang namin. Oo!

"Ngingitian na lang namin.

"Tutal, ang tatay ko naman ay laging nakangiti, laging masaya.

"Despite the... I mean, whatever would come his way, kahit masakit ang pinagdaraanan niya, laging nakangiti ang tatay ko.

"So, we would like to take after him."

SUPPORT OF EX-BOYFRIENDS. Sa burol ng kanyang ama, balitang nagsipagpuntahan ang mga naging ex-boyfriend ni Iza.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

Lahat ng mga ito, nakiramay sa pagdadalamhati at pagluluksa ng kanyang pamilya.

Ayaw na lang banggitin pa ni Iza ang pangalan ng mga ito.

"Lahat naman ng mga puwedeng pumunta, nagpunta.

"Bakit natin pinag-uusapan ang mga ganito?" natatawang tanong pa ni Iza patungkol sa mga nakiramay na ex-boyfriends niya.

Sa gano’ng pagkakataon kasi ay nakita ng marami ang maganda ring naging relasyon ng mga naging boyfriend ni Iza sa pamilya niya, lalo na sa pumanaw niyang ama.

"Definitely," pagsang-ayon naman ng Kapuso actress.

"I think if we’re talking about people who I was in a relationship with before, lahat naman ng naging seryosong karelasyon ko noon, nagpakita ng matinding suporta sa oras ng... suporta para sa pamilya at respeto para sa aking ama.

"A...especially some people which the whole family of both... like lahat ng mga ex ko.

"Nakakahiya, a! Paano ko ba sasabihin ito?" natawa na naman ang aktres.

"Pero lahat talaga sila... thank you. Thank you sa lahat.

"And gano’n din naman ako sa pamilya ng mga nakarelasyon ko noon.

"Naging malapit din ako sa kanila kaya siguro hanggang ngayon, pamilya pa rin ang turing namin sa isa’t isa."

SPECIAL SOMEONE? Sa panahon na nangungulila siya sa kamamatay pa lang na ama, mas maganda siguro kung may special someone siyang umaalalay sa lungkot na kanyang pinagdadanan, di ba?

"Bakit?" natawang reaksiyon ni Iza.

"Marami namang nagpapangiti sa akin ngayon," pahabol pa niya.

Pero iba pa rin ’yong talagang bagong inspirasyon sa buhay niya?

"Bibigyan n’yo ba ako?" biro niya.

"Sino ba ang puwedeng gawing inspirasyon? Baka may gusto kayong ipakilala sa akin!

"Talagang lovelife ang pinag-uusapan natin? Ha-ha-ha!

"Pero magandang segue ’yan. Para naman nakangiti ako."

Baka naman meron na rin talagang special someone na nagpapangiti sa kanya ngayon?

"Sa tingin n’yo ba, kung meron man, e, sasabihin ko?" tawa niya.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

"Hindi. Basta ako’y...marami namang nagpapasaya sa akin ngayon.

"At thank you sa lahat ng nagpakita ng pagmamahal, ng respeto, suporta, at...

"Hinding-hindi ko po makakalimutan ang lahat ng mga pumunta, nagbigay ng bulaklak, nagbigay ng...

"Pagmamahal talaga ang tawag ko roon, e.

"Salamat talaga sa lahat."


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN