Gardo Versoza resumes taping after brief emergency stay at the hospital; earns two nominations for Golden Screen TV Awards

Ivy Vicencio on boyfriend Gardo Versoza’s recent hospital ordeal: "Naparami ang kain niya ng pork sa set; tapos, nagdilim na raw ang paningin, nahilo, at nagsuka."

Dagdag nito, "Kaya nataranta kami sa set. Isinugod agad siya sa hospital. Pero pagkatapos ng check-up, back to work na naman siya. Ang aga ng call time, e, six a.m."


Dakong alas-kuwatro ng hapon kahapon, November 22, ay nag-text sa PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) ang girlfriend ni Gardo Versoza na si Ivy Vicencio.

Nakakapangamba ang nasabing mensahe, na hindi nga lang agad nagkaroon ng followup.

"Tinakbo ng hospital si Gardo, now lang, habang nasa taping kami," saad ng text message ni Ivy.

Sa gitna ng kaabalahan kahapon ay pinilit pa rin ng PEP na kunin ang ilang mahahalagang detalye mula kay Ivy hinggil sa pagkaka-ospital ni Gardo.

Pero walang tugon si Ivy. Maaaring hindi ganoong katindi ang sitwasyon, o abala na rin sa pag-aasikaso ang tumatayo ring manager ng aktor.

Isinugod si Gardo sa ospital mula sa pagte-taping nila kahapon ng Ikaw Lang Ang Mamahalin, isang teleserye ng GMA-7.

CAUSE OF ILLNESS. Kaninang hapon, November 23, kumontak uli ang PEP kay Ivy para kumustahing muli si Gardo.

Una’y kinumusta ng PEP ang kalagayan ni Gardo, sa pamamagitan ng text message, pero wala pa ring reply ang girlfriend-manager nito.

Nang sumagot ito ngayong araw, malinaw na wala nang pangamba si Ivy.

Ayon sa kanya, muling bumalik sa kanyang taping si Gardo kaninang umaga, matapos ang mabilisang check up.

Kinagabihan, nakausap muli ng PEP si Ivy sa telepono.

"Tumaas ang BP niya, at 160...," sinabi ni Ivy.

Ano ang dahilan ng biglang pagtaas ng blood pressure ni Gardo?

"Naparami ang kain niya ng pork sa set. Tapos, nagdilim na raw ang paningin, nahilo, at nagsuka.

"Kaya nataranta kami sa set. Isinugod agad siya sa hospital," dagdag ni Ivy, na ikinuwentong dinala nila si Gardo sa Fatima Hospital sa Malabon City para sa mabilisang check-up.

"Pero pagkatapos ng check-up, back to work na naman siya. Ang aga ng call time, e, six a.m."

Ang huling pagka-ospital ni Gardo ay noong Agosto 2011, bunga ng typhoid fever.

May nakitang depekto sa kanyang liver noon, na hanggang ngayon ay ginagamot pa niya sa pamamagitan ng antibiotics.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

BACK TO AMAYA. Masaya ring naibalita ni Ivy na nakatakda uling mag-taping si Gardo sa Amaya, bilang isang returning guest.

Ito bale ang pangalawang "guest appearance" ni Gardo sa nasabing teleserye ng GMA-7, matapos maging regular cast member ng Amaya, bilang si Rajah Mangubat.

"Sila ni Ayen Munji-Laurel ang magka-eksena, baka this weekend ’yon," sabi rin ni Ms. Ivy.

Late last month, na-invite nga uling mag-taping sa Amaya si Gardo, na kaeksena niya sa isang dream sequence ang bidang si Marian Rivera.

Mga isang buwan at kalahati na ang nakakaraan mula noong pinakahuling taping niya noong Setyembre 14, bilang kabahagi ng regular cast ng nasabing serye.

"Na-miss ko ang costume ko, ang set, at ang role ko," natutuwang pagbanggit din ni Gardo nang makausap nang PEP.

Sa mga dati niyang kasamahan sa epic serye ay naroon si AJ Dee (Paratawag), kaya naging masaya ang reunion ng dalawa. Off naman sa pagte-taping sina Rob Sy at Mon Confiado.

"Naroon din si Boatman, Machete 2, at Yasmien," pabirong sabi rin ni Gardo, nang banggitin ang mga kasamang sina Ronnie Lazaro, Aljur Abrenica, at Yasmien Kurdi.

ACTING NOMINATION. Ikinagagalak din ni Gardo ang kanyang pagka-nomina para sa dalawang Golden Screen Awards for Television ng Enpress.

Ang isa ay para sa pagganap niya sa Amaya (Best Supporting Actor), at ang isa pa ay ang pagiging main host niya sa Celebrity Cook-Off, isang cooking game show, sa TV5.

Hindi na umeere ang Sunday cooking game show ng TV5, ngunit patuloy pa rin ang paghataw ng Amaya sa ratings at commercial load sa pangalawang season nito.

Naging bahagi si Gardo ng Amaya mula noong nagsimula ito noong May 30.

"Happy and thankful ako sa nomination, kasi napansin yung pag-portray ko kay Rajah Mangubat," sabi rin ni Gardo.

Sa November 29 nakatakdang parangalan ang mga mananalo sa pinanumbalik na Golden Screen Awards for Television.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

Ang venue ng parangal ay gaganapin sa Teatrino, sa Greenhills, San Juan.

Tulad ng ibang nano-nominate, hindi nag-e-expect ng panalo si Gardo, lalo’t batid niyang mabibigat ang kanyang mga katunggali.

"Win or lose, I always give my best and I always make it a point to enjoy whatever role I portray," huling sambit ni Gardo.


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN